top of page

𝗧𝗶𝗻𝘁𝗮, 𝗣𝘂𝗿𝗲𝘇𝗮, 𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻: 𝗜𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗟𝗶𝗵𝗮𝗺 𝗣𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗜𝘆𝗼, 𝗦𝗶𝗻𝘁𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗮𝗿𝗮𝗹𝗮𝗻

Writer: The Communicator
The Communicator
3 days ago
5 min read

​“Sintang Paaralan, tanglaw ka ng bayan.”


​Sa tuwing umaalingawngaw ang unang linya ng iyong himno, may kung anong kurot sa aking dibdib na hindi ko maipaliwanag. Dati, kinakabisado ko lang ang mga linyang ito dahil kailangan sa klase. Ngayon, bawat salita ay may bigat, may mukha, at may kasaysayan. Naririnig ko ang iyong awit ngayon habang pinagmamasdan ang mga kapwa ko estudyanteng nakasuot ng sablay, naghahanda para sa araw na matagal naming hinintay—ang pagtatapos.



​Bilang isang mag-aaral mo mula sa Batsilyer ng Sining sa Peryodismo (Bachelor of Arts in Journalism), sanay akong magkuwento ng buhay ng iba. Sanay akong maghanap ng anggulo sa kalsada, kumalap ng datos, at maghabi ng mga salitang magpapakilos sa mga mambabasa. Pero ngayon, sa huling pagkakataon bago ko tuluyang lisanin ang iyong mga bakuran, hayaan mong ang sarili ko namang kuwento ang aking isulat. Ito ang aking liham pag-ibig para sa iyo, ang unibersidad na nagturo sa aking yakapin ang ingay ng reyalidad.


​Bago pa man ako tumuntong sa iyong mga pasilyo, ikaw na ang aking pangarap. Naging "dream university" kita hindi dahil magarbo ka o dahil bago at makintab ang iyong mga pasilidad, alam naman nating lahat na malayo iyon sa katotohanan. Pangarap kita dahil sa isang napakamakapangyarihang salita: libre.


​Sa isang bansang madalas ituring ang edukasyon bilang isang luho, ikaw, bilang isang state university, ang naging kanlungan naming mga uhaw sa kaalaman ngunit salat sa yaman. Ang pagpapatupad ng Free Tuition Law at ang pagkakita sa aking pangalan sa listahan ng mga nakapasa sa CAEPUP ay hindi lamang naging tiket ko papasok sa kolehiyo. Naging isa itong sagradong kasunduan. Binigyan mo ako ng pagkakataon, at ipinaalala mo sa akin na ang pribilehiyong ito ay binayaran ng buwis ng mga ordinaryong Pilipino.


​Pumasok ako sa kolehiyo noong kasagsagan ng pandemya. Ang unang pagtapak ko bilang isang iskolar ay hindi sa iyong mga nagtataasang gusali, kundi sa harap ng isang maliit at kumukutitap na screen ng laptop at cellphone. Hybrid ang naging simula ng aming hamon. Pinilit naming tawirin ang mga online class habang nag-aagawan sa mahinang signal, at kinapa ang pamamahayag sa loob lamang ng apat na sulok ng aming mga kwarto. Ngunit nang tuluyan mo nang buksan ang iyong mga tarangkahan para sa face-to-face classes, saksi ka sa aking pananabik.


​Sinalubong ako ng maingay at masikip na kalsada ng Pureza, mga naghahalong amoy ng kwek-kwek, siomai, at pancit canton, at ng mainit na hanging tila laging bumabalot sa buong paligid. Nang tingalain ko ang iyong Pylon, doon lang tuluyang nagsink-in sa akin: nandito na ako. Isa na akong ganap na Iskolar ng Bayan. Bitbit ko ang kaba at pangarap ng isang kabataang gustong baguhin ang mundo gamit lamang ang kanyang panulat at papel.


​Sa loob ng apat na taon, naging tahanan ko ang iyong mga silid-aralang madalas ay kulang sa bentilasyon pero palagi namang umaapaw ng mga maiinit na talakayan. Sa iyong mga pasilyo, hinubog ng mga propesor ang aking prinsipyo.


​Sila—na mga beterano sa industriya ng midya, mga aktibista, at mga walang-pagod na tagapagtaguyod ng malayang pamamahayag—ay hindi lang nagturo ng mga teorya mula sa makapal na libro o powerpoint presentation. Tinuruan nila kaming magbasa ng mga balita sa pagitan ng mga linya. Ipinamukha nila sa amin na ang malayang pag-uulat ay hindi isang regalong kusang ibinibigay ng gobyerno, kundi isang kalayaang patuloy na binabantayan at iginigiit. Itinuro mo sa akin na bago ako maging isang matalas na peryodista, kailangan ko munang maging isang mabuting tao na marunong makiramdam sa kapwa.


Ngunit ang pinakamalaking aral mo ay hindi ko natutunan sa loob ng klasrum. Ipinakita mo sa akin ang hubad na kalagayan ng lipunan sa labas, sa iyong malawak na espasyo, sa lagoon kung saan marami ang tumatambay para idaan na lang sa tulog ang gutom dahil walang pambili ng tanghalian, at sa pakikihalubilo sa iba't ibang mukha ng pakikibaka. Natutunan ko ito sa mga kaibigan at blockmates ko na naging karamay ko sa bawat puyat at pagod sa ilalim ng nakakapagod na hybrid setup.


​Naging saksi ako sa kalbaryong ito sa pamamagitan mismo ng aking mga naging kaibigan. Nariyan ang kaklase kong pinagkakasya ang bente pesos para sa siomai rice dahil iyon lang ang badyet niya sa maghapon, makapag-recite lang at hindi mahuli sa klase. Nakasama ko rin ang isang blockmate na dumadalo sa aming panggabing klase nang may mabibigat na eyebags, diretso galing sa shift niya bilang fast-food crew, para lang may pambayad sa boarding house at pamasahe pauwi.


​Sa bawat kwento ng hirap ng mga kapwa ko PUPian, mas lalo kong naintindihan kung bakit kailangan naming mag-aral nang mabuti at magsulat nang mas matapang. Hindi kami nag-aaral para lang yumaman, bumuo ng sariling imperyo, o makahanap ng trabahong may malaking sweldo sa isang higanteng korporasyon. Nag-aaral kami dahil may utang kami sa mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, at mga ordinaryong Pilipinong nagpapakahirap para lang manatiling libre ang aming matrikula. Ang aming edukasyon ay inutang sa masa, kaya sa kanila din ito dapat ibalik.


​Dahil sa mga karanasang ito, itinuro mo sa akin ang halaga ng paninindigan. Isa sa mga pinakamahalagang hakbangin na naging bahagi ng aming paglalakbay sa iyong mga bisig ay ang panawagan para sa pagpasa ng National Polytechnic University (NPU) Bill—isang panukala na dapat maka-estudyante, makamasa, at magtitiyak sa mas mataas na pondo.


​Bilang mga mag-aaral ng pamamahayag, hindi lang kami nanood; inilathala namin ito at isinigaw kasama ng iba pang mga iskolar sa kalsada. Hindi ito simpleng pagpapalit lamang ng titulo. Ito ay isang lehitimong panawagan para sa sapat na pondo, mas maayos na pasilidad, at mas dekalidad na edukasyon na nararapat para sa pinakamalaking state university sa bansa.


​Nakakapanggalit isipin na taun-taon, patuloy ang pagtapyas sa badyet ng edukasyon habang bilyun-bilyon ang madaling napupunta sa mga confidential funds. Ipinakita mo sa amin na ang pagiging Iskolar ng Bayan ay hindi nakukulong sa pagiging "resilient" sa gitna ng kakulangan at krisis; ang pagiging PUPian ay ang pagpili na harapin at punahin ang mga inhustisya ng sistema.


​Ngayong ga-graduate na ako at tuluyan nang aalis sa iyong pangangalaga, halo-halo ang emosyong nararamdaman ko. May takot, dahil ang mundong papasukan ko bilang isang mamamahayag ay hindi madali. Isa itong mundong pinaghaharian ng disimpormasyon, trolls, at patuloy na banta sa buhay ng mga taong nagsasabi ng totoo.


​Pero sa kabila ng kaba, mas nangingibabaw ang tapang at pag-asa. Dahil alam ko na ang bawat artikulong isusulat ko mula ngayon ay may basbas mo, Sintang Paaralan. Ang bawat tanong na ibabato ko sa mga nasa kapangyarihan ay pinanday ng mga karanasan ko sa loob ng iyong kampus, mula sa online na klasrum hanggang sa maingay na Pureza.


​Sintang Paaralan, paalam sa ngayon. Dito sa iyong kandungan, natutunan ko ang pagsusulat ay hindi kailanman naging isang tahimik na sining. Ito ay isang maingay na pag-aaklas laban sa paglimot, pang-aabuso, at kasinungalingan. Pumasok ako sa iyong mga tarangkahan dala ang sarili kong mga maliliit na pangarap, pero lalabas ako dala ang pangarap ng buong Pilipinas. Dadalhin ko ang iyong pangalan saan man ako makarating.


​Hindi natatapos ang pagiging Iskolar ng Bayan sa pag-akyat sa entablado at paglipat ng tassel ng graduation cap mula kanan pakaliwa. Ito pa lang ang simula ng tunay na paglilingkod. Aanhin ang husay sa pagsusulat kung hindi ito gagamitin para sa mga walang boses? Aanhin ang libreng edukasyon kung hindi ito iaalay sa masa na siyang nagpaaral sa atin?


​Tanglaw ka ng bayan, at bilang bahagi mo, ipinapangako kong mananatiling buhay ang liwanag na ipinasa mo sa akin. Ang pluma, ang boses, at ang pusong marunong makialam—lahat ng ito ay ibabalik ko kung saan ito nararapat.


​Mula sa'yo, para sa bayan.



Artikulo: Rebelyn Beyong

Dibuho: Allaine Arcaya

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page