Sa Likod ng Matatag na Ngiti: Pagmamahal na Hindi Kayang Tapatan ng Distansya
- The Communicator
- Jun 29
- 5 min read
Ang isang pamilya ay karaniwang binubuo ng ama, ina, at anak. Sa ideyal na tahanan, sabay-sabay silang kumakain, nagkukuwentuhan, at nagdadamayan sa bawat tagumpay at pagsubok. Ngunit para sa libo-libong pamilyang Pilipino, may isang upuang nananatiling bakante sa hapag-kainan at isang yakap na matagal nang hinihintay.

Sa paggunita ng National Migrant Workers’ Day noong Hunyo 7, muling nabibigyang-pansin ang sakripisyo ng milyun-milyong OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanilang pamilya. Ngunit sa likod ng mga kuwento ng tagumpay at remittance ay naroon ang mga anak na lumalaking malayo sa kanilang mga magulang—mga batang natututong magpakatatag, maghintay, at umunawa sa mga panahong hindi na maibabalik.
Mga Batang Maagang Naging Sandigan
Habang ang ibang bata ay abala lamang sa paglalaro at pag-aaral, may ilang anak ng OFW na maagang namulat sa mga realidad ng buhay.
Ibinahagi ni Angel Bernales, isang anak ng OFW, kung paano siya unti-unting naging sandigan ng kanilang pamilya habang nasa ibang bansa ang kanyang ama.
“Nung time na wala si papa mahirap, kailangan maging matatag kasi hindi naman kaya ni mama lahat,” kuwento niya.
Sa murang edad, natutuhan niyang akuin ang mga responsibilidad na dating ginagampanan ng kanyang ama—isang papel na hindi naman karaniwang inaasahan sa isang bata.
Bilang pangalawa sa tatlong magkakapatid, madalas din niyang akuin ang mga gawaing dating ginagawa ng kanyang ama at tiyaking ligtas at maayos ang kanyang ina at dalawang kapatid.
“Siguro akala ng iba kaya ako ganito [panlalaki] kumilos kahit babae ay dahil sa kasarian ko. Hindi nila alam para lang maprotektahan si mama at ‘yung dalawang kapatid kong babae.”
Sa maraming pagkakataon, hindi ito napapansin ng ibang tao. Madalas, ang nakikita lamang ng karamihan ay ang “maginhawang buhay” na dulot ng pagtatrabaho sa abroad. Ngunit hindi nila nakikita kung paano maagang nawawala ang inosente at maagang bahagi ng pagkabata ng isang anak.
Pagmamahal sa Kabilang Screen
Sa maraming pamilyang OFW, ang video call ang nagsisilbing tulay upang mapanatili ang ugnayan sa kabila ng libo-libong kilometrong pagitan.
Para kay Angel Bernales, malaking bagay ang patuloy na komunikasyon upang hindi nila maramdaman ang pagkawala ng kanilang ama habang nagtatrabaho ito sa ibang bansa.
“Kung sa mga natatamo namin na tagumpay kasama pa rin naman namin si Papa. Oo, nasa malayo siya pero hindi namin nararamdaman na kulang kami kasi parang kasama namin siya palagi,” aniya.
Hindi man siya nakakadalo sa bawat okasyon at pang-araw-araw na gawain ng pamilya, nanatili pa rin ang kanyang presensya sa pamamagitan ng mga tawag at mensahe.
Gayunpaman, may mga bagay pa ring hindi kayang tumbasan ng isang screen. Maaaring maikwento ang isang tagumpay sa pamamagitan ng tawag at maipakita ang isang ngiti sa video chat. Ngunit sa kabila ng lahat ng tawag at video chat, nananatili pa rin ang mga sandaling nais nilang maranasan hindi sa harap ng screen, kundi magkatabi bilang pamilya.
Paglaki sa Gitna ng Pangungulila
May mga sakit na hindi nawawala—natututuhan na lamang dalahin araw-araw.
Para sa maraming anak ng OFW, ang pangungulila ay hindi isang panandaliang emosyon kundi bahagi na mismo ng kanilang buhay.
“Sanayan na lang talaga kasi simula sinilang ako ganoon na work niya,” saad ni Capuz.
Ngunit para kay Capuz, hindi nangangahulugang wala nang sakit ang nakasanayan na. Isa sa pinakamatingkad na paalala nito ay ang kanyang mga kaarawan.
“Tuwing birthday ko natatapat sa contract niya. In my 21 years of existence, tatlong birthdays ko pa lang siya nakakasama.”
Habang para sa iba ay ordinaryong selebrasyon lamang ang kaarawan, para sa kanya ay taunang paalala ito ng distansyang matagal na niyang kinagisnan. Sa paglipas ng mga taon, natutunan niyang tanggapin ang sitwasyon, ngunit nananatili pa rin ang pagnanais na makasama ang kanyang ama sa mga espesyal na pagkakataon.
“Walang material things ang makakatumbas sa anak na gustong makasama ang kanyang magulang lalo na sa mga espesyal na araw,” dagdag niya.
Bigat ng Pangarap at Pagsukli
Kasabay ng pagmamahal ay ang mabigat na pakiramdam ng obligasyon. Dahil nakikita nila ang hirap at sakripisyo ng kanilang mga magulang sa ibang bansa, maraming anak ng OFW ang lumalaking may pressure na “bumawi.”
Para kay Capuz, hindi lamang simpleng pangarap ang makatapos ng pag-aaral—ito ay paraan upang matapos na rin ang mahabang sakripisyo ng kanyang ama
“I always felt like I have to graduate anytime soon so that he can retire and stay with us.”
Sa murang edad, pasan niya hindi lamang ang sariling pangarap kundi pati na rin ang responsibilidad na maibalik sa kanilang pamilya ang mga taong nawala dahil sa distansya.
Samantala, ibinahagi rin ni Bernales na siya ang nagsisilbing tulay ng kanilang pamilya sa ama nilang nasa abroad.
“Kapag may problema sila kay papa, ako ang kakausap sa kanya.”
Sa maraming pamilya ng OFW, may mga anak na napipilitang maging tagapamagitan ng emosyon at problema sa loob ng tahanan.
Mga Panahong Nilamon ng Distansya
Habang tumatanda ang mga anak ng OFW, mas lalo nilang nauunawaan ang mga bagay na nawala habang sila ay lumalaki.
“Hindi na mapupunan ‘yung mga bagay na nalipas na ng panahon. Marami nang nalaktawan,” sabi ni Bernales.
May mga unang karanasan, unang pagkatalo, at unang tagumpay na hindi nasaksihan ng kanilang magulang. May mga ordinaryong araw na sana’y naging alaala ng isang buong pamilya ngunit nilamon na lamang ng distansya at panahon.
Para naman kay Capuz, isa sa pinakamahirap tanggapin ay ang mismong proseso ng pagtanda nang magkahiwalay sila ng kanyang ama.
“‘Yung literal na tumatanda ka—growth emotionally, mentally, and physically.”
May mga bersyon sila ng isa’t isa na hindi nila lubos na nasaksihan. Habang lumalaki ang anak, tumatanda rin ang magulang sa malayong lugar—parehong may mga panahong hindi nila nabawi.
Ngunit sa kabila nito, pinipili pa rin nilang bumawi sa bawat pagkakataong magkakasama sila.
“I am trying to heal that through making time whenever he’s around.”
Sa simpleng pagkain lamang sa labas, panonood ng pelikula, o sabayang pagkain sa hapag, pilit nilang binubuo ang mga alaala at panahon na minsang nawala.
Higit Pa sa Isang Kuwento ng Paghihintay
“Marami nang nalaktawan.”
Ganito inilarawan ni Bernales ang mga panahong hindi na kayang ibalik ng distansya at panahon. Ngunit hindi lamang kina Angel at Yuann umiikot ang ganitong karanasan.
Sa iba’t ibang panig ng bansa, may mga anak din na lumalaking sanay sa mga yakap na ipinapadala sa pamamagitan ng screen, sa mga selebrasyong may kulang na upuan sa hapag, at sa mga magulang na kailangang umalis upang mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan.
Pamilyar na tanawin sa maraming Pilipino ang eksenang ito—isang magulang na naghahanda ng maleta, isang pamilyang naghahatid sa paliparan, at isang pangakong balang araw ay hindi na kailangang magkalayo.
Sa katunayan, ayon sa Philippine Statistics Authority, tinatayang 2.19 milyong OFW ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo noong 2024. Sa bawat bilang na ito ay may pamilyang natututong mahalin ang isa’t isa sa kabila ng distansya.
Ngunit habang patuloy na kinikilala ang sipag at sakripisyo ng mga OFW, nananatili ring bahagi ng realidad ng maraming Pilipino ang paglaking malayo sa isang magulang.
Pagmamahal na Hindi Nasusukat sa Padala
Magkaiba man ang kanilang mga kuwento, parehong lumaki sina Bernales at Capuz na may isang magulang na kailangang umalis upang maitaguyod ang kanilang pamilya. Habang si Angel ay natutong maging sandigan ng kanilang pamilya sa mga panahong wala ang kanyang ama, si Yuann naman ay lumaking binibilang ang mga kaarawang lumipas na wala ang kanyang ama sa tabi niya.
Sa kabila ng distansya, pareho nilang piniling unawain ang sakripisyong ginawa ng kanilang mga magulang. Ngunit tulad ng maraming anak ng OFW, dala pa rin nila ang mga panahong hindi na mababawi—mga tagumpay na hindi nasaksihan, mga problemang kinaharap nang mag-isa, at mga taon ng paglaking magkahiwalay.
Sa paggunita ng National Migrant Workers’ Day, mahalagang kilalanin hindi lamang ang sipag at sakripisyo ng mga OFW kundi maging ang mga pamilyang naiwan sa kanilang pag-alis. Sapagkat sa likod ng bawat padalang pera at balikbayan box ay may mga anak tulad nina Angel at Yuann—mga anak na tahimik ding nagsasakripisyo, naghihintay, at natututong tanggapin ang mga panahong hindi na maibabalik.
At marahil iyon ang tanong na iniiwan ng kanilang mga kuwento: hanggang kailan mananatiling karaniwan sa mga pamilyang Pilipino ang magkahiwalay na pamumuhay para lamang maitaguyod ang kinabukasan ng isa’t isa?
Artikulo: Jae Juson
Grapiks: Janelle Vinluan



Comments