top of page

May Sarap sa Paglamon at Pagkalamon

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 19 minutes ago
  • 4 min read

Paano kung ang bawat biro, tulad ng “gusto kitang kainin” o “kainin kita” ay may mas malalim na kahulugan?



May mga pag-ibig na hindi marunong kumagat nang marahan. Diretso itong lumalapa, walang pasintabi, hindi alam kung saan ang hangganan sa pagitan ng puso at laman.


Sa maraming anyo ng romantikong relasyon, ang pagmamahal ay hindi agad nakikitang mapanganib. Nagsisimula ito sa anyo ng pag-aalaga: oras na kusang ibinibigay at atensyong tila hindi kailanman mauubos. Hinahayaan ka nitong masanay sa lambing bago ka tuluyang kainin. Kapag natutuhan na nito ang lasa mo, hinding-hindi ka na pakakawalan. May mga anyo ng pag-ibig na kayang ubusin ang minamahal, hindi sa isang iglap, kundi sa dahan-dahang pagkuha ng lahat ng kaya mong ibigay. 

Sa pang-araw-araw na lambingan, madalas itong binibitawan nang may tawa—parang simpleng paraan lang ng pagsasabing cute, kaakit-akit, o sobra ang pagkagusto. Sa kulturang Pilipino, ang pagkain ay wika ng pag-aaruga at paglalapit: pinapakain ang mahal, pinaghahandaan, inaabot ang huling subo. Kaya kapag sinabing “kakainin kita,” parang sinasabi rin nitong “gusto kitang ilapit sa puso ko hanggang wala nang pagitan.”

Ang pag-ibig ay kanibalismong marunong magsuot ng lambing. Hindi dugo ang hinahanap nito, kundi oras, atensyon, at pagkatao. Nginangatngat ang oras mo, hinihigop ang lakas, inuubos ang espasyong dapat ay sa iyo. Sa relasyong ito, ang pag-aalala ay nagiging pagmamatyag, at ang lambing ay nauuwi sa kontrol.


“Ako lang ang intindihin mo.”

“Huwag mo nang kausapin ang iba.”

Sa una, maaaring pagkamalan itong malasakit. Isang pahiwatig ng pagiging espesyal, ng pagkiling, ng pagpili. Nakakakilig isipin na may taong gustong ikaw lang ang mundo niya. Sa mga awit at kuwento ng pag-ibig, ang ganitong mga linya ay parang patunay ng lalim ng damdamin—masikip, mainit, at todo.

Ngunit, sa likod ng mga salitang ito ay ang pagnanais pumasok sa loob ng balat, manirahan sa katawan, at mag-iwan ng marka sa bawat galaw. May mga pag-ibig na hindi kontento sa paghawak; hindi sapat na mahalin ka lamang—kailangan nito na ang bawat paghinga mo ay may pahintulot niya. Kinakain ng ganitong pag-ibig ang umaga at gabi. Inuubos ang tulog, sinasakop ang isip, at kahit sa katahimikan ay naroon pa rin—nakaupo sa gilid ng utak, ngumunguya ng alaala. 

Sa ganitong uri ng pag-ibig, ang pag-aalala ay unti-unting nag-iiba ng anyo. Ang simpleng tanong ay nagiging pagsubaybay, ang lambing ay nagiging bantay. Hindi ka na lamang minamahal—binibilang ka, sinusukat ang galaw, hinihintay ang bawat tugon. Ang oras na dapat ay pahinga ay nagiging handog, at ang katahimikan ay nagiging puwang na agad, pinupuno ng hinala at pag-angkin.

At habang patuloy mong pinapakain ang pag-ibig na ito ng oras at atensyon, may unti-unting nauubos sa loob mo. Ang isip ay nagiging hapag-kainan ng mga alaala, paulit-ulit na nginangatngat ang mga sandaling minsang masaya. Hanggang sa dumating ang araw na mapapansin mong busog ang pagmamahal—ngunit ikaw, ubos na.

“Sa akin ka lang.”


Isang paanyayang tunog-dasal, ngunit ang hinihingi ay lubos na pagsuko. At madalas, pumapayag ang marami. May aliw sa ideya na may handang umubos sa atin—na may kakain ng ating takot, lungkot, at kahinaan. 

Sa ganitong panata, ang pag-ibig ay nagiging santuwaryo na may kandado. Ang mga katagang “sa akin ka lang” ay hindi na simpleng pagpili kundi pagtalikod sa iba. Unti-unting lumiliit ang mundo—kaibigan, pangarap, at sarili—hanggang ang natitira na lamang ay ang relasyon na ipinangakong magliligtas, ngunit siya ring kumukulong sa sisidlan ng pagkatao.

May aliw sa ganitong pagkakulong. Nakakapanatag ang ideya na may humahawak ng direksyon, may nagtatakda kung saan ka dapat pumunta at manatili. Sa gitna ng kalituhan at pagod, ang ganitong pag-ibig ay nag-aalok ng pahinga—hindi dahil malaya ka, kundi dahil hindi mo na kailangang mamili. Ang pagsuko ay nagiging pahinga, at ang pag-asa sa iba ay nagiging anyo ng kaligtasan.

Ngunit sa paglipas ng panahon, may singil ang ganitong aliw. Ang katahimikan ay napapalitan ng kawalan ng boses, at ang pagiging “sa kanya lang” ay nagiging dahilan kung bakit hindi mo na matandaan kung sino ka bago siya dumating. Sa pag-ibig na ito, hindi ka sinaktan sa isang iglap—unti-unti ka lamang kinain, hanggang sa ang natira ay isang katawang marunong magmahal, ngunit nakalimot nang mahalin ang sarili.

“Ikaw ang buhay ko.”

“Mamamatay ako kapag nawala ka.”


Sa konteksto ng kulturang Pilipino, hindi banyaga ang ganitong wika ng pag-ibig. Sanay tayo sa mga pahayag na sobra, mapusok, at may bigat sa emosyon. Ngunit sa kanibalismong ito, laging may nawawala. Unti-unting nabubura ang boses ng minamahal, maging ang mga hangganan ng sarili. Ang pag-ibig ay nagiging pag-angkin at pagmamay-ari. At kapag wala ka nang maibigay, maririnig na lamang ang kalansing ng pinggan sa gitna ng katahimikan: isang hapag na puno ng buto, isang katawang buhay ngunit parang wala nang saysay. 

Sa ganitong mga pahayag, ang pag-ibig ay nagiging sukatan ng pag-iral. Ang pagiging mahal ay nasusukat sa kung gaano ka kakailanganin, kung gaano kalaki ang mawawala kapag umalis ka. Hindi ka na lamang minamahal dahil ikaw ay ikaw—minamahal ka dahil ikaw ang nagsisilbing hininga, dahilan, at sandalan. At sa bigat ng papel na ito, tahimik kang nauubos, habang pinipilit manatiling buhay ang isang damdaming ayaw matutong mabuhay nang mag-isa.

May romansa sa ganitong sakripisyo, lalo na sa kulturang sanay sa pagtitiis at pagbibigay. Ngunit sa bawat deklarasyong “ikaw ang buhay ko,” may nakatagong paalala na bawal kang mawala. Ang pag-ibig ay hindi na paanyaya kundi tanikala—banayad sa simula, ngunit pabigat nang pabigat habang tumatagal. Hanggang sa isang araw, mapapansin mo na ang tanging buhay na nailigtas ay ang sa kaniya, at ang sa iyo ay unti-unting kinain sa katahimikan.

Marahil ang tunay na panganib ng pag-ibig ay hindi ang masaktan, kundi ang makain nang buhay—at matawag pa rin itong pag-ibig. Hindi ako kumakain ng tao; hindi kita kayang ikonsumo. Dahil may mga anyo ng pag-ibig na marunong magbahagi ng laman, hindi umaangkin ng buong katawan. May pag-ibig na alam kung hanggang saan ang kagat—marunong tumigil, maghugas ng kamay, at magpasalamat sa hapag.


Dahil ang tunay na pag-ibig, kahit gutom, ay hindi ka dapat ubusin.


Artikulo: Vien Torres at Jae Juson

Dibuho: Kristel Kyle Orosco


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page