Nang kagatin ng nagliliyab na bala, sila ay nagsilbing mga binhing itinanim na mag-aanak ng marami pang mapupulang bunga. Umusbong mula sa kanayunan bitbit ang bangungot ng kasaysayan—magsisilbing armas, patuloy na lalaban.
Mula sa nakaraang pamemeste, hindi matapos-tapos ang atake ng mga naghahari-harian sa mga magsasaka sa kasalukuyan;
matatagpuan pa rin ang mga lantang palay sa kanilang hanay na nakatanim sa palitadang mga lupa,
at mga paralisadong punla na hirap tumayo buhat ng patuloy na pamimilay gamit ang mga gamot kunong siyang solusyon.
Kaya’t sa inyong mga natutong sumulong,
Tanawin ang tanawing sinasalaula ng utak ng mga dayuhan,
lingunin ang hirap na dinaranas nilang naghihirap.
Bungkalin silang mga aral sa kailaliman ng lupa,
ipaglaban din ang mga ibong kinakapos ang lipad.
Sapagkat hangga’t may nakaluklok na tutang naghahari-harian, patuloy lamang daranasan ang pamemesteng hatid ng mga dayuhan sa Perlas ng Silangan.
Artikulo: Maui Balmaceda
Dibuho: Timothy Andrei Milambiling
Comments