Base sa mga napapanood ko sa TV, at naririnig na kwento ng aking mga kaklase, maingay at masaya ang pagsalubong ng New Year sa kalsada.
Makikita mo nang harapan kung paano sindihan ang mga fireworks bago ito lumipad at sumabog sa langit. Habang ang repleksyon ng mga kulay nito ay makikita sa mukha ng mga taong nanonood.
Tuwing New Year rin iba't ibang klase ng ingay ang maririnig mo sa kalsada. Bukod sa mga fireworks, ang tunog ng mga torotot, motorsiklo, at sigawan ng mga tao ay nagsasabayan—bagay na hindi mo kayang pigilan.
Sa isang banda, “payapa” kung tawagin ni Mama at Papa ang New Year sa bahay namin. Sapagkat malayo sa amoy ng pulbura ang air freshener na bumabalot sa bahay. Samantalang malumanay sa tenga ang klasikal na musika nila Handel, Strauss, at Tchaikovsky—hindi masakit at “nakaririndi” katulad ng sa kalsada.
Sampung taon ako nang unang magpaalam sa Mama at Papa ko na salubungin namin ang New Year sa kalsada. Bagaman “payapa” kung ituring ang New Year sa bahay namin, hindi ko ito maramdaman.
Sa tuwing babagal ang tempo ng tugtugin sa bahay, umaalingawngaw sa tenga ko ang tunog ng bagong taon na sinasalubong ng marami sa labas. Inaakit ako nitong lumakad palabas upang personal na makita at maranasan kung anong nangyayari. Pawang allegro ang puso ko sa bilis ng tibok nito.
Ngunit gaano man ako magpakabait sa buong isang taon, kailanman ay hindi ko narinig ang salitang “oo” mula kina Mama at Papa tuwing hinihiling kong makalabas ng bahay tuwing New Year.
Anila palagi, “Lahat ng makikita mo sa labas ay makikita mo rin sa rooftop natin,” o hindi kaya’y “Baka madisgrasya ka sa labas. Umakyat ka doon!"
Kasama sa utos ng Diyos ang pagsunod sa magulang, at bilang Kristiyano, nararapat na sundin ko sila palagi. Kaya't matagal kong hinintay na payagan nina Mama at Papa na lumabas ng bahay tuwing New Year. Alam kong darating ang araw na buong galak ko ‘tong masasalubong.
Dalawang taon magmula nang nag-debut ako, nakamit ko ang unang “oo” nina Mama at Papa—nagbunga ang mga panalangin ko. Hindi masukat ang kagalakan sa puso ko. Bukod sa mapupunan ko ang kuryosidad na mas pinalala ng panahon, makakalaya na rin ako sa nakakasakal na katahimikan sa bawat sulok ng bahay namin—hindi payapa.
Kaya ilang minuto matapos lumabas, kahit halos masilaw, mabingi, at matamaan ako ng fireworks, motorsiklo, at mga tao sa kalsada, wala sa plano ko ang umuwi ng bahay.
Nagdadala ng kapayapaan sa puso ko ang kaguluhan ng paligid. “Thank you sa experience na ‘to Papa Jesus!” sigaw ko. Nagulat ako ng gayahin ako ng bata sa gilid ko. Napangiti ako, marahil ay ito rin ang unang beses niya.
Napatitig ako sa bata kasama ang kanyang ina na lumulundag pa sa tuwa habang may kapit na pulang torotot. Naalala ko ang batang ako. Gusto kong sabihin sa kanya na hindi niya na kailangan magbanyo upang umiyak maya't maya tuwing sasalubungin ang New Year.
Inasahan ko ng magiging emosyonal ako habang nagpapaalam na payagang mag-New Year sa kalsada. Ngunit hindi ko alam na sa kalsada ko mismo ito magagawa.
Naluha ako, hindi ko napigilan. Parang magic na naranasan ko ang marami sa noong pinapangarap ko lang. Niliwanagan ng fireworks na ito ang madilim kong mga taon– hinigitan ang mga ingay sa utak ko, at sa isang saglit, binalik ako sa mga pangyayari sa aking buhay buong taon.
“Batang Mona, buti na lang pinigilan ka ni Papa Jesus na inumin ‘yung color-safe na zonrox ni Mama sa banyo!” bulong ko sa sarili.
Ngayong taon, nalagyan ko na ng check ang sampung taong tengga na resolution ko tungkol sa pagsalubong ng New Year sa kalsada. Dahil New Year, naisuot ko na rin ang nakatago kong kulay pulang mini-skirt na polka dots—regalo pa ni Lola sa akin noong debut ko.
Simula pa lang ang mga ito sa pagbabagong alam kong darating sa buong taon. Sigurado akong sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, mas makikilala at mamahalin ko ang aking sarili.
Iba ang pakiramdam ng paggawa ng mga bagay na gusto mo, na walang restriksyon. Iba ang maging malaya, kita ko ito sa abot tengang mga ngiti, at rinig sa tila tahimik na halakhak ng mga tao dahil sa ingay ng kalsada.
Mula sa mga batang nagpapalakasan sa paghipan ng kanilang torotot gamit ang limitado nilang hangin sa katawan, matatandang hindi balakid kung masira ang tambutso ng kanilang motorsiklo maibalandra lamang ang lakas ng makina nito, at mga teenager na tila may siyam na buhay kung magsindi ng malalakas na fireworks.
“Gusto mo ng lusis?” sabi ng nagpakilalang si Dianne sa harap ko.
Mabilis kong pinunasan ang luha ko dulot ng tuwa, at saka ako tumango at ngumiti. Pero bigo ako sa pagpapakalma sa pusong parang sumisigaw sa tuwa at gusto nang kumawala.
“May lighter po ba kayo? Pwede pong pasindihan na rin nung akin?”
“Wag ka nang mag “po” sa'kin, beh! Ito oh!”
Nagpasalamat ako pagkasindi nito, at medyo lumayo sa mga tao. Ito ang unang beses kong gumamit ng lusis. Medyo nanginginig pa akong hawakan ito. Ngunit hindi pala masakit ang mga apoy na liwanag nito.
“10, 9, 8….”
Nasa edad 20-anyos pa lamang ako. Marami pa akong oras na subukan at simulang gawin ang lahat ng bagay na labas sa bahay namin.
Maaari ko pang maranasang tumikim ng mga alak tulad ng mga kaedad ko, mag-overnight sa bahay ng kaibigan, mag-picnic sa Intramuros, sumali sa organization, masubukan ang iba't-ibang uri ng paputok, at magpa-tattoo ng semi-colon.
Gagawin ko ang lahat na ito sa mga susunod na taon. Hangga’t nakaayon sa kautusan ng Diyos—sa tamang oras at panahon na tinakda Niya.
“7, 6, 5, 4….”
Naniniwala ang magulang ko sa pamahiin na kung paano mo sinimulan ang unang mga oras ng taon, ganoon din ang magiging takbo ng buong taon mo. Kapag sinimulan mo nang masaya, magiging masaya ka rin sa buong taon.
Base sa karanasan ko noong mga nakaraang New Year, nagkataong totoo ito. Sinimulan ko nang malungkot kaya’t buong taon na nangyari. Buong taon akong nabagabag, buong taon akong nagdusa.
“ 3, 2, 1….”
“Happy New Year!”
Ngunit kung pamahiin lamang ang pinanghahawakan ko, sana noon pa ako tumakas sa bahay tuwing New Year, sundin ang gusto ko, upang buong taon ko nang maranasang maging malaya.
Bilang Kristiyano, naniniwala akong ang Diyos mismo ang magbabago ng takbo ng buhay ko. May saysay ang pagtitiis ko sa taas ng rooftop namin, habang nag-iisip kung kailan ako papayagan ni Mama at Papa, sapagkat alam kong naririnig ng Diyos ang bawat dasal ko .
Katulad ngayong araw, “maluwag” sa akin si Mama at Papa. Sa susunod, matututuhan na nilang tanggalin ang kontrol at restriksyon sa buhay ko.
“Palagi ko na ‘tong mararanasan!”
“Oo, beh! Mararanasan mo talaga ‘yan!”
Hindi ko na kailangang lokohin ang saliri ko na gusto ko ang katahimikan, sapagkat alam ko na payapa ako sa gitna ng mga ingay sa paligid.
“Naniniwala ako sa Diyos….”
Manigo ang bagong taon ko, nakamtan ko ang aking hinahangad. Ang unang mga minuto ng New Year ay masaya kong sinalubong sa kalsada.
“Ate Mona, tawag ka na! Bilisan mo!”
Artikulo: Jossa Rafoncel
Dibuho: Vincent Gabriel Lacerna
Comments