Ma, higit ka sa sapat, at lalong higit ka sa lahat.
- The Communicator
- 7 hours ago
- 2 min read
Hello, Ma.
Nandito na naman ako, sumusulat nang mahaba para sa’yo.
Hindi dahil may tampo, o dahil lumayas ako sa gitna ng pagtatalo;
nandito ako dahil napupuno ang puso ko sa mga salitang hindi ko kayang bigkasin—
Gusto kong malaman mo kung gaano kita kamahal, at kung anong klaseng bukas ang pinagdarasal ko para sa’yo.

Ma, salamat sa bawat hibla ng pagmamahal na ibinigay mo, sa akin, sa amin.
Salamat sa mga panahong mas pinili mong mabusog kami habang tinitiis ang sarili mong gutom.
Hindi ko man madalas makita ang mga sandaling ubos na ubos ka na—'yung pagod na bakas sa iyong mga balikat at mga mata—bilib ako sa patuloy mong pagtayo para magsilbing poste ng ating tahanan.
Pero Ma, kung papipiliin ako sa susunod na pag-ikot ng mundo,
sana hindi na ikaw ang maging Mama ko.
Hindi dahil kulang ka, kundi dahil sobra-sobra ka.
Mahal kita, at sa susunod na buhay, ayaw ko nang makita kang nagpapakapagod para sa amin.
Gusto ko namang matupad mo ang mga pangarap na isinantabi mo para lang maitaguyod ang pamilya natin.
Sana sa susunod, magkaibigan lang tayo—magkasabayan sa tawanan, magkaramay sa mga kwentong walang kinalaman sa bayarin o tungkulin, magaan at hindi ka nakakulong sa pagiging ina.
Gusto kong malaman mo na ang halaga mo ay hindi lang sa pagiging "Mama,"
kundi sa pagiging isang babaeng may sariling tinig, talino, at ganda.
Ma, sana sa susunod na panahon, piliin mo naman ang sarili mo.
Gusto kitang makitang naglalakad sa labas ng unibersidad, yakap ang iyong mga aklat at hawak ang iyong diploma.
Gusto kong makita ang ngiti mong walang halong pag-aalala kung may kakainin ba bukas, kung saan na patungo ang landas.
Gusto kitang makita katulad ng pagpili ko sa mga pangarap ko ngayon habang nakasandal sa iyong mga bisig;
gusto ko namang ikaw ang lumipad, at ako ang papalakpak para sa’yo mula sa ibaba.
Dahil ngayon pa lang, dinudurog ang puso ko sa bawat sakripisyo mo, sa bawat bigat na parang pasan mo ang mundo
Ayaw ko nang maging dahilan ng iyong mga luhang patago mong pinupunasan sa kusina.
Kaya sana sa susunod, ang tanging tungkulin mo lang ay ang maging masaya.
Pero Ma, habang nandito pa tayo sa buhay na ito,
salamat sa pagbuo sa akin gamit ang mga pirasong kinuha mo sa sarili mo.
Salamat sa pagiging aking sandalan—ang matatag na pader na hindi ako hinayaang mabuwal kailanman.
Ikaw ang aking lakas, ang aking gabay, at ang aking sandata sa bawat laban sa mundong ito.
Patawad sa aking mga pagkukulang, at asahan mong hanggang sa huli,
ikaw at ang iyong mga pangarap ang magiging inspirasyon ko sa bawat hakbang ko patungo sa akin.
Mahal na mahal kita, Ma. Higit pa sa sapat, higit pa sa lahat.
Artikulo: Helaena Isabella
Dibuho: Leann Grace Tamares





Comments