top of page

(L)ubas na Nagmamahal

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 4 days ago
  • 1 min read

Ilang dosenang ubas pa ba

ang kinakailanganin kong ibaon,

at kainin sa ilalim ng maliit naming mesa

t'wing alas-dose ng gabi sa bagong taon?

Para lang makamtan ko na

ang hiling na tinatamasa

sa buhay kong kulang sa kulay;

gayundin para hindi masanay

na laklakin ang bilog na prutas

makuha lang ang lakas,

na aminin sa’yo ang totoo nang walang takas?


Sa aking pag-iisa,

ginawa ko na lahat ng pakikisama—

gayundin ang pakikiisa,

nang sa gayon ako’y makaasa

na mabiyayaan ng kasama

sa paggala at pagkain sa lamesa.


Hiling ko lamang naman ay...

magkaroon ng karamay

sa pagmamahal kong alay,

at masuklian ang sigla na naibigay

sa ngalan ng pagsusumamo’t pagpupugay.

Nais ko lang namang makasama ka,

upang maramdaman mo rin aking nadarama—

ang ipapabaon ko sayo sa susunod pang taon at dekada—

upang puso mo’y ‘di mangulila.


Irog, hindi na muli ako uubos

ng labindalawang ubas

para lang humiling nang wagas,

kung sa wakas ay matutunan na ring mahalin ako

at hayaan mong makapiling kita rito sa tabi ko.


Kaya sana ay malutas ng ubas

ang pag-ibig kong mag-iiwan ng bakas—

ang mga matang iniluha hanggang matapos ang bukas;

nang sa gayon sa taong ito, ang bunga naman ay kumatas—

bungang sintamis ng ubas

na sa puso ko’y magpapatikas.


Artikulo: Jul Sim Tebangin

Dibuho: Kristel Kyle Orosco


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page