top of page

Kung paano naging nakakabusog ang magmahal

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Kung may magtatanong sa akin kung ano ang love language natin, ang isasagot ko siguro ay ang palagian nating sabay na pagkain. Kagaya ng kung paanong mas sumasarap ang almusal kapag may kapares na mainit-init na tinapay ang kape, yung tambalan natin ay tamang-tama. Swak tayo sa isa’t isa. Kabisado na rin kasi natin kung paano ‘yung timpla ng bawat isa. Katamtaman lang ang tamis at hindi umaapaw ang pag-ibig. Sakto lang. Simple. Balanse.


(Dibuho ni Kaiser Aaron Caya / The Communicator)


Marami na tayong pinagsaluhan, hindi lang pagkain kundi pati na rin mga pagkakataon kung saan pareho tayong bumuo ng memorya tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagtangi. Pinahahalagahan ko ang bawat umagang sabay tayong nagkakape habang nakatingin sa labas at pinapanood ang mga tao at sasakyang dumaraan. Yung timpla mo ang pinaka-paborito kong timpla sa lahat. Kuhang-kuha mo kasi kung ano yung gusto ko. Kaya ‘di na rin nakapagtataka kung bakit sayo ‘ko.


Masaya kang kasama kumain. Appreciative ka kasing tao. Okay lang sayo kahit anong pagkain, kahit saan basta magkasama tayo. Sa mga ganitong pagkakataon, patuloy kong nagagawang makilala at makabisado ang pasikot-sikot mong pagkakakilanlan. Para kang puzzle na araw-araw nagkakaroon ng bagong piyesang ilalagay para mabuo yung sining na pinakapaborito ko—ikaw. Nagagawa ko ring matuklasan yung mga bagay na hindi ko pa alam tungkol sayo. Nalalaman ko yung mga ayaw mo. Ayaw mo sa sobrang lamig na tubig, sa maaanghang na pagkain, sa raisins, sa sobrang creamy na kape, sa strawberry, sa sibuyas sa sisig, at sa iba pang hindi ko na ililista pa. Syempre, saulo ko na rin yung mga gusto mo. Black ang gusto mong kape. Mi Goreng ang paborito mong instant noodles. Mas gusto mo ang carbonara kaysa spaghetti. Gusto mo ng frappe pero dapat walang whipped cream. Natutunan mo nga ring magustuhan yung pares (ayaw mo no’n dati kasi sabi mo puro lang ‘yon taba).


Kapag kasama kita, parang nagkakaroon ng kahulugan ang lahat ng bagay. Lumiliwanag ang mundo at para bang buhay na buhay ang lahat. Masayang mamuhay at masarap kumain kasi ginagawa mong espesyal ang lahat ng porma ng pagkain. Sa presensya mo pa nga lang ay busog na ang puso ko. Kaya’t sa bawat kape, at mga rekadong inihahain ko para sayo, malasahan mo sana yung paghanga at sangkap ng pagmamahal na hinahalo ko.


Gaya ng mga putaheng marami ang sangkap, minamahal ko ang bawat parte ng sarili mo na malaya mong ipinakikilala sakin. Inaaral ko ang mga bagay na nagbibigay lalim sa kung sino ka bilang isang taong nagmamahal. Siguro sa mata ng iba, hindi batid kung gaano ka-espesyal yung samahan natin. Ayos lang naman sakin kasi wala naman akong pakialam sa kung anong iisipin ng iba. Basta ang mahalaga, nag-iisa kang natatangi sa mga mata kong nasaksihan, at patuloy na nakikita at nararamdaman kung paano ka umibig.


May mga pagkakataon mang bumibilis ang araw at natatangay tayo ng agos nito, sinisikap pa rin nating paglaanan ng oras ang isa’t isa. Magkatabi tayo sa bawat umagang pinagsasaluhan natin ang mainit na kapeng ginigising ang dahilan ng pagbangon, yung isa’t isa.

Manatili sana ang katiyakang meron tayo.


At sa mga darating pang umaga, hiling ko lang ay ikaw pa rin ang makasamang sumalubong dito. Ang patuloy na maging kasalo sa agahan, pananghalian, at gabihan.


Artikulo: Abigail Prieto

Comments


bottom of page