top of page

Kung ang syudad ay rehas, bilanggo ako ng Maynila

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 3 hours ago
  • 4 min read

Ako ay naliligaw sa Maynila, hinahanap ang aking ligaya. 


Sabi nila, ang buhay raw ay isang mahabang paglalakbay. Pero may mga biyaheng biglang natatapos bago pa man dumating sa paroroonan. O siguro mas tamang sabihing lahat ng umaalis ay parehong may limitasyon at destinasyong hindi natin kailanman magiging ganap na kontrolado. 


May mga sasakyang kailangan mong babaan nang mas maaga kahit hindi mo pa alam kung nasaan ka at ano ang sunod mong dapat sakyan. May mga istasyong hindi mo kailangang ituring na tahanan gaano man maging pamilyar sayo ang bawat kaganapan ditong kaagad ding nagtatapos bago pa man ganap na magsimula. Maririnig ang anunsyo mula sa train operator, bubukas ang pinto, at mabilisang lalabas at papasok ang mga taong hindi mo alam kung may hinahanap din o babalikan o baka may bago ring pupuntahan.  


At sa pagitan ng mabilis na pagdating at paglisan naroon ang isang uri ng katiyakan—ikaw ang magdidikta sa sarili kung kailan kalabisan na ang manatili. 


Kung tutuusin, hindi naman ako nagmamadali. Mahaba rin ang pasensya ko. Ayaw ko lang ng may hinahabol at binabalikan. Mas pinipili kong lakarin ang buhay, unti-unti, hinahayaang himayin ang bawat sandali. Hindi ako naghahangad ng labis—hindi abot-langit na tuwa, hindi walang hanggang pagmamahal, hindi kasiyahang hindi ko alam kung paano tatanggapin. Wala akong espasyo para sa mga bagay na sobra, dahil wala rin akong lakas ng loob para pangakuan sila ng bagay na hindi ko kayang ibigay o kahit ang mag-alok ng presensyang unti-unti nang kumukupas. Dahil ang mga sobra, kahit gaano pa kaganda, ay may hinihinging pag-iral na hindi ko kayang masigurado. 


Sa lungsod na sanay sa labis—sa ingay, sa bilis, sa siksikan—natutunan kong mabuhay sa sapat lang. Sapat na katahimikan sa pagitan ng mga busina. Sapat na espasyo para sa mahabang lakad pauwi. Sapat na pag-ibig para maunawaan. Sapat na lalim para maalala.


Marami na rin akong iniwang bersyon ng sarili sa mga kanto ng Maynila. Sa ilalim ng overpass kung saan lagi akong humihinto para magpahinga kahit sandali. Sa mga kalyeng halos kabisado ko na ang takbo ng trapiko, at ang bigat ng hangin pagpatak ng alas-dos ng madaling-araw. Alam ko kung kailan tatahimik ang lungsod at kung kailan ito muling gigising—gaya ng isang katawang sanay na sa paulit-ulit na pagod at pagbangon.


Kapag matagal ka nang naghahanap ng katiyakan sa lungsod na pagbabago ang palaging handog sa araw-araw, dumarating ang pangamba’t alinlangan sa mga gabing hindi ka agad dinadalaw ng antok. Nagpapanggap din sila bilang mga umagang tahimik at payapa kung saan tanging ikaw palang ang gising para pagnilayan kung kailan mo huling naramdaman kung may patutunguhan ka pa ba. 


Matagal na ang naging biyahe ko. Sa tagal kong pagbaybay sa lungsod, parang lumiit na rin ang mundong ginagalawan ko—kabisado ko na ‘to gaya ng likod ng aking mga palad. Marami na akong iniwang bakas. May mga kalyeng paulit-ulit nilakaran hanggang ultimo bawat bitak sa semento’y kabisado ko na.  Alam ko kung saang bahagi humihina ang ilaw ng poste sa kalsada, kung saang panaderya pinakamainit ang tinapay tuwing madaling-araw, at kung aling tawiran ang may pinakamahabang hintayan. 


Minsan ko nang inakalang sapat na ang pamilyar. Na kung alam ko ang direksyon ng bawat daan, hindi na ako maliligaw. Ngunit kahit kabisado ko pa ang mapa, pakiramdam ko’y paikot-ikot lang ako. Paulit-ulit na dumaraan sa parehong lugar, umaasang may magbabago sa susunod na ikot.


Sa bawat biyahe, may mga sandaling tumitingin ako sa bintana—sa mga gusaling mabilis maglaho, sa mga taong hindi ko kailanman makikilala. Doon ko napagtantong hindi lahat ng pasahero ay may destinasyong alam. Mayroon ding mga taong kasabay mo lang sa ruta pero hindi sa destinasyon. May mga sumasakay dahil iyon na lang ang nakasanayan. May mga nananatili sa tren dahil takot bumaba sa istasyong hindi pamilyar. At may mga tulad ko, na matagal nang gustong bumaba pero patuloy na umaasa na baka sa susunod na hintuan, magiging tama rin ang lahat.


May mga lugar din dito sa Maynila na matagal ko nang gustong lisanin pero hindi ko magawa dahil pamilyar na sa akin ang lungkot dito. May ginhawa sa mga distritong kilala ka na kahit hindi ka masaya. Matagal ko na ring naisip na ang pananatili ay isang uri ng katapatan. Na ang hindi pag-alis ay patunay ng pagmamahal, ng pasensya, ng tibay. Pero habang tumatagal, ano nga ba ang saysay nito kung wala ng natitirang rason para manatili sa lugar na alam mong wala ka ng espasyo’t hindi ka na hinihintay? 


Pakiramdam ko ngayo’y hinahabol ako ng bagong simula. Tinatawag ako ng misteryo ng darating na bukas na pinagkakait subuking tahakin ng sariling takot sa walang kasiguraduhan. Pero kung iisipin, mas nakakatakot manatili sa lugar na pakiramdam mo’y ikukulong ka hanggang sa dulo ng panahon. 


Hindi ko alam kung hanggang kailan pa 'ko maghahanap ng kahulugan ng buhay pero sa ngayon, hahayaan ko munang dalhin ako ng sarili sa kung saan muling sisikat ang araw—kahit pa mistulang matagal na akong hindi sinisilayan nito. Hangga't kaya pa akong bitbitin at samahan ng iilang rason kung bakit at dapat. 


Hindi naman siguro masamang magpaakay sa mga kamay na marahang gumagabay, sumunod sa mga yapak ng mga nauna na at sa ngayo'y naghihintay, at magpahinga kahit saglit kasama ang mga hindi nagsasawang sumabay at maghintay sa paglubog ng araw. 


Malay natin, baka bukas hindi ko na kailangan pang kumbinsihin at pilitin ang sarili para manatili't hintayin ang pagsikat ng araw hanggang sa muling maramdaman ang marahang haplos ng buhay.


At bilang alay sa huling piyesa ng pagmamahal na isinilang mula sa pinagsama-samang karanasan na hinubog ng lungsod, baka oras na para lumisan muna’t magpahinga. Ito ang huli kong handog—hindi pananatili, kundi pag-usad. Hindi pangako, kundi hakbang. At sa bawat hakbang palayo, unti-unti kong nararamdaman na may bukas ngang naghihintay, tahimik at payapa, hindi man sigurado, ngunit baka bukas.


Dahil baka nga wala rito ang ligaya. At ang katiyakan, umiiral man, hindi naman nananalagi. 


Artikulo: Abigail Prieto

Dibuho: Allaine Chesca Arcaya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page