top of page
Writer's pictureThe Communicator

Kumpisal ni Marta

"Basbasan niyo po ako Padre sapagkat ako'y magkakasala."


(Dibuho ni Alyzza Marie Sales/The Communicator)


Alas kwatro na ng hapon at ito na ang pampitong tao na magkukumpisal kay Father Peter at sa wakas ay huli na raw sabi ng kaniyang mga sakristan. Sa ilang dekadang pagiging pari ay maalam na si Father Peter kung pa'no bibigyan ng payo ang mga taong pumapasok sa confession room upang mangumpisal. 


Matapos ang ilang segundong katahimikan,


"Ito po ang una't huling beses na ako'y magkukumpisal."


Gulat ang rumehistro sa mukha ng pari dahil sa tinuran ng babae. 


"At bakit mo naman iyan nasabi?"


"Dahil ito na ang huling beses na tutungtong ako sa nabubulok na baryong ito."


Sinundan ito ng katahimikan ngunit unti-unting bumibigat ang atmospera sa paligid at ang mga balahibo ng padre ay dahan-dahang nagtatayuan.


"Ano ang iyong kasalanan?" 


"Wala pa, Padre. Pero, ngayong gabi, papatay ako. Papatayin ko ang amo ng asawa ko."


Gulat at takot ang rumehistro sa mukha ng pari. Ngunit, tila wala lang ito sa ginang na umamin sa kasalanang magagawa. Winaksi ito ng pari at nagpatuloy,


"Bakit mo naman ito gagawin?" 


"Dahil hindi ako si Hesus na kayang paramihin ang limang tinapay at dalawang isda, Padre." 


"Anong ibig mong sabihin?"


"Gutom na ang pamilya ko, ang mga anak ko at ang asawa kong ilang taon nang tauhan ni Don Felipe sa sakayan nila'y bigla na lang nawala." 


"Maaari mo bang ikuwento sa akin ang mga nangyari?"


"Nung nakaraang linggo, pumasok sa sakahan ang asawa ko ngunit hindi na nakauwi. Sabi ng mga tauhan ni Don Felipe ay hindi nila alam ang nangyari. Makailang ulit akong nagmakaawa para humingi ng tulong kina Don Felipe at sa asawa nya ngunit hindi nila ako pinapansin man lang. Hanggang sa–" 


Naputol ang kuwento ng ginang dahil bigla na lang itong humagulgol nang pagkalakas-lakas. Ilang minuto itong hindi nagsalita dahil sa bugso ng emosyon at sa unang pagkakataon, tila hindi alam ng padre ang kaniyang gagawin upang pakalmahin siya. 


"Hanggang sa nabalitaan ko na may nakakita daw sa kaniya, sa may dulo ng sakahan ni Don Felipe, tadtad ng tama ng bala ng baril ang katawan at may kadenang nakagapos. Pinatay siya, Padre, pinatay nila ang asawa ko…" 


Wala sa sariling napadasal ang padre, hindi na alam ang gagawin dahil sa kuwentong narinig mula sa ginang. 


Pinipilit ng ginang na pakalmahin ang sarili dahil sa bugso ng kaniyang emosyon at ito'y nagpatuloy, "Kaya dali-dali akong pumunta sa bahay nila Don Felipe ngunit pinagtabuyan nila ako at sinabi sa mga tauhan na ako raw ay asawa ng terorista. Naguguluhan ako, naguguluhan ako dahil hindi terorista ang asawa ko. Ano bang sinasabi nila? Kailangan ko lang ng tulong nila upang ipalibing ang asawa ko. Awang-awa na ‘ko sa mga anak ko."


Patuloy lang na nakinig ang gulat na pari sa mga isinisiwalat ng ginang. 


"Kasalanan bang maging mahirap, Padre? Bakit kami na lang lagi ang dapat parusahan at magdusa? Nasaan ang awa ng Diyos, Padre?" 


Magsasalita na sana ang pari nang biglang…


"Kaya kung hindi ako matutulungan ni Don Felipe o ng Diyos ninyo, ako ang tutulong sa sarili ko at sa mga anak ko." 


"Mahabagin ang Diyos, babae, manalig ka lamang sa kaniya at–"


"Ilang dekada na ‘kong nananalig, Padre, pero patapon pa rin ang buhay namin. Ilang ulit itinanim sa utak namin na kaya hindi kami umaasenso ay dahil mga tamad kami. Tamad ba, Padre? Tamad ba ang asawa kong maghapong nakabilad sa arawan? Tamad ba ang asawa kong walang laman ang sikmura pero maayos ang trabahong nagagawa? Tamad ba kami? O sadyang tuso lamang at mapagsamantala kayong mga mayayaman? Hindi kami tamad, Padre!" 


Tila niyakap ng katahimikan ang buong confession room. Wari'y ninakawan ng tinig ang mga ibong kanina'y walang sawa sa paghuni, at nabingi na ang pari sa kaniyang mga narinig. 


"Pag-isipan mong mabuti ang gagawin mo," basag ng pari sa katahimikan. 


"Maraming salamat sa oras mo, Padre. Patawarin sana ako ng Diyos ngunit ito na ang huling hapunang kakainin ko at ng demonyong si Don Felipe." 


“Teka, sandali!,” pahabol naman ng padre at ipinasok sa maliit na butas ang isang papel.


“Ano ito, Padre?”


“Sulat galing kay Ramon.”


Gulat at pagtataka ang sumampal sa buong pagkatao ng ginang.


“Kilala mo ang asawa ko? Kilala mo si Ramon, Padre? Alam mo ang nangyari sa kaniya?” nauutal na wika niya.


“Inihabilin nya sa akin iyan noong gabi bago sya nawala at pinatay noong Huwebes.” 


“Salamat Padre, sumpain nawa ang mga demonyong gumawa nito sa asawa ko,” umiiyak na turan nito. 


“Mag-ingat ka babae, mag-ingat ka.” 


Nagmadaling umalis ang ginang at narinig ng padre sa huling pagkakataon ang hikbi nito. Dahan-dahang lumabas ang pari at naabutan na lang niya ang panyong puti sa may upuan na may burdang Marta.


Artikulo: Pexcel John Bereber

Comments


bottom of page