top of page

Kapag binato ka ng bato...

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • Sep 24
  • 2 min read

“Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.”


Noong bata pa lamang, tinuruan kang huwag umawit.

Huwag daw mangialam. Huwag daw magpadala sa galit.

Sa rumaragasang alon ng buhay—mga daluyong nito’y nagmamalupit—

hayaan nalang daw na ika’y anurin, lumutang at magtiis.

“Huminahon” daw kahit minu-minuto ka nilang ginigipit;

kahit binaboy at ginago ka na nang paulit-ulit.


ree

Bakit?

Kung kami’y sumisipsip ng baha para mailigtas sa bingit, hindi ba dapat sila ang magmalasakit?

Bakit kailangang sila na naman ang may palugit

kung ang taumbayan mismo ang kanilang dinidikdik,

ginigiling ang mukha ng mga dukha, iniipit, ginamit-gamit?

Ngayong galit, kami pa’ng nasisiraan ng bait?


“Kapag binato ka ng bato, dapat ba’y batuhin mo ng tinapay?”


Ibato raw ay tinapay at ingatan ang pagkabanal. 

Para lamang hindi sila maipit sa pagkasakdal. 

Kahit lumulubog na ang bayan habang tumatagal.

Ipapasan pa sa atin ang tinalikdan nilang dasal.


Sa lupaing kanilang nilustay, dugo’t pawis mula sa bulsang kanilang kinatay,

naglipana ang mga kalansay na matagal nang itinago sa malalim na hukay—

sintagal ng tinatarantadong bayang dekadang hinintay

ang mga palpak nilang pangako’t pekeng pakikiramay—

mga pangakong walang pinalalagay, isang nakaririnding ingay.

Makatarungan pa bang sambahin sila’t awitan ng papuri’t pagpupugay?


Kawalanghiya! Walang mas masahol sa madungis nilang mga kamay

na naglilinis-linisan kapag sila na’y sumasablay;

at kapag nagsalita na ang nilunod nilang mga bangkay—

kaming kakarampot na salapi ang kinabubuhay,

kaming ninakawan, kaming pinaslang, kaming pinagtaksilan, 

kaming nilusob ang baha gamit ang hubo’t hubad naming talampakan.


Paano ba nila mararamdaman ang lamig, 

kung 'di kailangang isipin ang bubong at sahig?

Madaling pumikit kung 'di kailangang kumahig. 

Kaya kapag tumutuka ang inalipustang daigdig,

patuloy nilang bubusalan ang mga bibig.


“Kapag binato ka ng bato, huwag mong batuhin ng tinapay.”


Aba! Dapat pa bang ihele ang mga walang imik sa aba?  

Mga inaglahi ang sariling bayan para 'di maabala. 

Kaya paanong 'di pupukol ng bato kung walang tinapay?

Paano makakamit ang liwayway kung maluwag sa lumulustay?


Wala silang karapatan magsabi kung paano tayo dapat magdalamhati;  

hindi ang hungkag na mga hari na sanhi ng pagkakahati.   

Huwag mag-alinlangan bumato para sa siniil na karapatan at uri.

Yanigin ang katawan ng kawatan, mula sa kamay hanggang sa tiwali nilang galamay. 

‘Pagkat wala silang balak mahagip kahit katiting na pagdamay—

kaya tayo lamang ang makapagsasagip sa lumulutang nating tinapay.


Artikulo: Valerie Acupado & Jazmin Permejo

Dibuho: Kaiser Aaron Caya

Recent Posts

See All

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page