top of page
Writer's pictureThe Communicator

Kadaupang Palad ni Maypagasa



Kadaupang-palad ni Maypagasa


Sa komemorasyon kung saan marami ang nagtitipon sa liwasan, nakayakap ako sa leeg ni Maypagasa. Sinasalo ang tagiktik na pawis buhat ng pananagutan sa bayan. Bitbit ang kaniyang armas na simbolo ng pananabik sa tunay na kalayaan.


Natatanaw ko ang hanay ng mga kabataan na hindi alintana ang init na dala ng sikat ng araw mabuhay lang ang diwa ng himagsikan. Malaking kaalaman at katapangan ang ibinabato nila sa harap ng mga duwag, at ignoranteng pulis na walang ibang ginawa kundi manutok ng baril.


"Lupa, Sahod, Trabaho, Edukasyon, at Karapatan—IPAGLABAN!" Halos marindi na ako sa paulit-ulit na panawagang ito para sa mga taong tuta ng imperyalismo at kolonyalismo. Ngunit hindi ko mapigilang mamangha sa nagkakaisang tinig at musika ng mga mamamayang makabayan sa gitna ng kalsada ng Mendiola. 


Muli kong napagtanto na hindi na ito bago. Dati na akong kasa-kasama sa laban ng sambayanang Pilipino. Ako ang nagpapatibay sa kanilang pananampalataya sa kinabukasan. Ako ang tanda ng pag-asa at pagkakaisa. 


Sa kanilang wika'y unti-unting nagliliwanag sa akin ang kahalagahan ng aking representasyon. Ako ang sumisimbolo sa dugong ibinuhos ng ating mga bayani. Ako rin ang nagtatakda ng direksyon tungo sa karunungan at kaunlaran. 


Ako ang patuloy na magdadala ng liwanag.


Ngunit bakit tila ako ang tiwalag?


Ako ang ginamit ng tao na ang ama ay siyang gumupit ng demokrasya ng Pilipino, singkwenta'y unong dekada na ang nagdaan.


Ako ang nakikitang resulta ng pagmahagupit ng dapat na kakampi ng bayan.


Ako ang binabansagang terorista kapag nakikita ako sa pagmartsa.


Ako ang ngayong "kumakaliwa." 


Isa man akong negatibong tanda sa ngayong lipunan, hindi mapawi sa aking isip na ako ang kadaupang-palad ni Maypagasa, matapang na hinarap ang mga nagmamalupit na dayo bilang patunay ng pagmamahal sa bansa. 


Ako, at ako pa rin ang kasama ng sambayanang ang hiling lamang ay maitumba ang imperyalistang sistema.


Ako ang pula 

Pulang kasama ni Bonifacio

Pulang kasama ng mga rebolusyonaryo

Pulang kasama ng mga Pilipino

Pulang kasama sa bandilang nagrerepresenta sa tapang at patriyotismo.

Comments


bottom of page