top of page

Kabayarang dugo’t kaluluwa, sinisintang karunungan

46 minutes ago
2 min read

Nalaman ko ang daang papasok. Kaya ko pala pero medyo mahirap lang ang daan dahil limitado ito; at tila naubos at may naiwan ako habang binabaybay ang daan palabas.


Apat na taon, at para sa iba naman, mas labis pa rito. 


Sa pananatili ko sa Sinta, ang daming mukha at pagkatao ang aking nakilala. Umusbong din ang parte ng aking sarili na ‘di ko naisip na makikilala ko pa. May mga tao na pamilyar dahil ilang beses ko nang nakasalubong—sa loob ng paaralan o kaya naman sa kalsada ng Teresa at Pureza. May iilan na nakangingitian at nakakawayan ko dahil kilala sila ng mga taong malapit sa akin. 


May mga taong makukulay, iba-iba ang tapyas at hugis ng tela na suot, may sari-sariling bitbit na gamit, at kani-kaniya ang takbo ng kwento ng kanilang buhay. 


At lahat kami ay nakalista sa iisang papel ng paaralan. Nalalakaran ang pare-parehong daan ngunit nagkakaiba lamang ng oras at araw. 


Maraming pagkakapareho at pagkakaiba, ngunit isa ang aking sigurado: nasa Sinta ang dugo’t kaluluwa, nasa amin naman ang karunungan.


Ang karunungan na binigay sa amin ng bawat sulok at labas ng Sinta.


Hindi lamang karunungan na itinuro sa amin ng bawat propesor sa silid na kulang ng silya’t bentilador. 


Ang mga karunungan na ito’y hindi lamang umiikot sa akademiko dahil lumalabas ito sa klase at napupunta sa kalye’t bawat paligid ng paaralan. Ang dunong na lumaban at manawagan—sabihin ang bawat karapatan at isawalat ang karumihan. 


Ang dunong ng komunidad na nagtutulungan upang iangat ang isa’t isa, pagtitinda ng pagkain, likhang sining, at kung ano-ano pa. 


Ang mga karunungang nakuha ng bawat estudyante sa isa’t isa. 


Ikaw, Sinta, ang naging daan upang mas mamulat at makilala namin ang bago na namang mundong gagalawan. Ang bawat dunong na nakuha namin sa bawat parte mo’y bitbit hanggang paglabas dito. 


At ang naging bayad naman namin ay ang aming dugo’t kaluluwa. Hindi pera, kundi parte ng aming buhay. Tila nag-iwan kami ng patak ng aming sarili sa bawat sulok mo. Ang dugong dumadaloy sa amin ay bumahid sayo at mukhang ilang bahagi ng aming kaluluwa ay maglilibot lamang diyan. 


Dugo’t kaluluwa kapalit ang karunungan na bibitbitin hanggang pagtanda.


Hindi ko alam kung pantay ba ito pero upang makalabas, malaki nga siguro ang dapat maging kabayaran dahil wala naman kaming binigay noong kami ay pumasok—sarili lamang namin ang aming dala-dala. 


At sa aming pagtatapos, may mga taong aakyat sa entablado na makukulay, iba-iba ang tapyas at hugis ng tela na suot, bababang bitbit ang papel at pagkilala, at kani-kaniya ang takbo ng kwento sa susunod na kabanata. 


Isasabuhay ang karunungang natanggap at natutuhan. At hihilinging bawat dugo at kaluluwa na bayad ng estudyante ay maging pundasyon ng Sintang nais maging kinabukasan—ang Sintang hindi salat, walang kulang, at matayog na maglalabas ng mga estudyanteng hindi nagbayad ng dugo at buo ang kaluluwa.


Sa ngayon, nasa Sinta ang dugo’t kaluluwa, nasa amin naman ang karunungan.


At sana bukas, wala ng estudyante na maubos at may maiwan sa loob habang binabaybay ang daan palabas. 


Maging kasing buo sana sila noong sila’y pumasok, o maging buo habang nasa loob. Madagdagan ang kung sino sila habang namamalagi sa Sinta. 


Nawa’y matuto lamang sila at makatanggap ng karunungan nang walang kapalit.


Artikulo: Jessica Galicto

Dibuho: Leann Grace Tamares


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page