Mula sa alabok, hinubog ng Diyos si Eba
Mula sa sinapupunan.

Sumisibol ang lupa sa ilalim ng talampakan. Ito'y mundong malaya, hindi inaararo ng kamay na hindi kailanman nagdala ng bigat ng pagdadalantao. Sa pagpatak ng ulan, nag-ugat ang isang bagong anyo ng daigdig: hindi tahimik, ngunit payapa; hindi man gaanong matiwasay, ngunit makatarungan. Walang nagtatakda kung sino ang dapat mabuhay o mamatay, kung sino ang dapat tumahan at lumuhod. Ang mga ina ay diyosa ng sariling katawan. Walang nagdidikta kung kailan sila magpapahinga. Walang may-ari ng kanilang laman.
Tinubuan ng katawan.
Narito ang mga balikat na hindi kailangang bumigat upang pagtakpan ang takot. Narito ang mga kamay na hindi nanginginig sa pangambang mahawakan nang walang pahintulot. Sa lungsod na binuo ng mga palad na hindi kailanman nanghina, ang kalsada’y hindi na patibong, ang gabi’y hindi na halimaw, at ang bawat pintuan ay bukás—hindi bilang banta kundi bilang paanyaya sa ligtas na pag-uwi. Sa mundong ito, walang nag-aalangan kung marapat bang magsuot ng maikli o mahaba, masikip o maluwag, kung tama bang magsalita o manahimik. Ang tingin ay hindi na pambasag. Ang haplos ay hindi na pag-angkin.
Hanggang sa malayang galaw ng dila.
Nagsimula ang lahat sa katahimikang hindi sapilitan, hindi nakamamatay. At mula roon, umusbong ang naglalakasang tinig, bumuka ang bibig na noon pa man ay marunong nang umawit ng digma. Walang pangungusap ang pinutol sa gitna ng argumento. Walang ideyang binalewala dahil hindi ito nagmula sa tinig na mababa at malamya. Ang mga salita ay matalim, bumabagsak sa lupa na parang binhi, lumalago sa anyo ng batas, ng panitikan, at ng sining. Dito, ang pagsusulat ay hindi na pagsuko kundi pagbawi. Ang tula ay hindi na paghingi kundi paghahari.
At babalik sa multong kaluluwa.
Hindi ito bagong mundo kundi isang paraiso kung saan ang sugat ay naghilom, ang alaala ay naging aral, at ang hinaharap ay hindi na isang patibong. Sa pagitan ng pagsasayaw at pagsigaw, sa ilalim ng langit na hindi kailanman minaliit ang pag-iral ng isang babae, patuloy ang paglikha. Sila ang nagpanday ng mundong ito, hinubog mula sa abo ng dating sistema. At ngayong ang araw ay sumisikat nang wala nang anino ng pang-aalipin, isang bagay lamang ang tiyak: hindi na sila mananahimik.
Ito ang sinabi ng Diyos kay Eba: Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin. Ito'y alabok na may iniwang baga na magpapaliyab sa laya habambuhay.
Artikulo: Dulce Amor Rodriguez
コメント