"Happy birthday to you."
Ang musmos na ako ay nagmadaling punitin ang kulay rosas na balot ng regalong natanggap ko. Tumambad sa akin ang isang blondina na Barbie. Pagngiti lang ang tanging kaya nitong gawin. Sa isip-isip ng pitong taong gulang na ako ay ganito lang ang maging babae. Ganito ang buhay na sasalubong sa akin paglipas ng ilang kaarawang darating.
Ang magpaganda lang at maging masaya. Tulad nitong hawak kong Barbie.

—
"Mama! Ano po itong nasa underwear ko?"
Teenagerna ako. Nasa ika-pitong baitang sa hayskul. Kanina pa sumasakit ang ilalim na bahagi ng aking tiyan. Hindi ko alam ang tawag doon. May iba pa bang parte ang tiyan? Maaga akong pinauwi ng aming dalubguro sa eskwela. Nakangiti lang ito, ako'y inaalalayan palabas habang paulit-ulit na winiwika ang, "Dalaga ka na talaga". Tiningnan ko lang siya nang may halong pagtataka. Ang tanging inaalala ko lang ay ang parang basa at malagkit na pakiramdam.
Pagdating sa bahay ay kumatok si Mama at bahagyang binuksan ang pinto. Sa maliit na butas nito ay may inilusot siya. Isang napkin na may brand na sa Filipino ay “ate”. Pinabuksan ito sa akin at tinuro kung paano itapal sa kulay lila kong panty.
Mula noon, hindi na lamang ang magpaganda at ngumiti ang dapat kong gawin dahil tuwing sasapit ang ikawalong araw ng buwan ay siklo lamang itong umuulit.
Naiinggit ako kay Barbie. May ganito rin kaya siyang nararanasan? Kung meron man ay bakit nakangiti lang siya? Hindi tulad ko—namimilipit sa sakit at sobra ang pagkainis.
—
"13 na, ang dalaga ko!"
Pagtungtong ko sa edad na trese, ay hindi na tulad ng dati ang lahat. Wala ng naglalakihang regalo na may lamang doll house o ‘di kaya’y mga kamukha ni Barbie na minsan ay sirena, fairy godmother, o kaya ay naka-gown–parang debutante.
Ah… Limang taon na lang pala ay magsusuot na rin ako ng gown gaya niya.
Ngayon, isa sa mga regalo ni Mama ay iba'tibang kulay ng tinatawag niyang "baby bra”. Ito raw muna ang binili niya dahil hindi pa naman daw ganoon kalaki ang hinaharap ko.
Nakakabanas. Sinubukan ko itong isuot. Hindi ako sanay, mainit at nangangati ako. Kailangan ba talagang magtiis sa pagsusuot nito? Hindi ba pwedeng kahit wala nang ganito? May damit naman ako.
"Anak, hindi kasi normal na hindi ka magsusuot ng bra. Ang tingin ng mga lalaki baka palaging nasa hinaharap mo."
Simula noon ay lagi na akong may tapal sa dibdib. Mayroon na nga sa ibaba tuwing dalaw, ito naman ay araw-araw. Buti na lang at naawa ang mama na pwede naman daw itong tanggalin kapag gabi.
Nakakainis lang dahil bakit ako ang kailangang mag-adjust sa mga lalaki? Bakit naman kasi sila ganoon mag-isip?
Napatingin ako sa una kong naging Barbie. Buti pa siya. Hindi dinadatnan at hindi pinipilit magbra para hindi raw "mabastos".
—
"Hahahaha! Babae ka ah? Bakit may buhok ka sa kili-kili? Yakkkk!"
Padabog akong lumabas ng klasrum namin. Year-end party ngayon at suot ko ang bago kong bili na tank top. Uso raw kasi ito ngayon sa mga kaedad ko. Kanina, habang nasa harap ng salamin ay gandang-ganda ako sa pormahan ko. Naka-ilang pose pa nga ako.
Panira lang itong tropa ni Buchokoy! Naglalaro kami ng Hephep Hooray tapos nang itinaas ko nang sobra ang kamay ay bigla na lang humagalpak. Ang lakas-lakas pa ng pagkakasigaw na akala mo naman ngayon lang nakakita ng buhok. Silang mga lalaki rin naman meron ah, akit tila parang bago lang sa kanila iyon?
Dahil ba babae ako?
Muli kong tinitigan ang sarili sa salamin. Sinuri ko ang mga naging pagbabago sa pisikal kong anyo. Medyo nahahalata na ang dibdib ko. Tumangkad na rin nang kaunti kung ikukumpara noong ako ay nasa elementarya pa. Bukod doon ay ganoon pa rin, palaging may dalaw. At ito ngayon, may papatubong buhok sa kili-kili.
Medyo napapansin ko na rin pala na sa bandang ibaba ay mayroong maliliit. Normal naman ito sabi ni Mama. Lahat ng tao ay dumadaan sa ganito pero bakit kapag sa babae ay parang masyadong nakakagulat? Tila kailangan pa naming mahiya dahil lang meron kaming buhok, o kaya ay may tagos dahil sa malakas na menstruation o buwanang dalaw.
Bakit kapag ang mga lalaki naman ang nakaranas ng pagbabago sa kanilang katawan ay tila normal na agad sa lahat? Walang nabibigla. Walang namamahiya.
Ganito pala ang maging babae. Maging ganap na babae. Akala ko naman ay parang si Barbie lang ako. Palagi lang nakangiti, nakabestida, nagpapaganda't ang problema lang minsan ay ang sumasabit na buhok sa laruang suklay. Akala ko ay katulad lang din ako sa mga napapanood ko noon na mga prinsesa habang naglalaro ng lutu-lutuan o kaya naman ay bahay-bahayan.
"Ayusin mo ang suot mo, iha. Dise otso ka na, baka mabastos ka lalo."
Katatapos lang ng debut ko kagabi at ngayo’y panibagong responsibilidad na naman ang kailangan kong sundin dahil hindi raw nakakababae kapag nilabag ang gusto ng lipunan para sa mga babaeng tulad ko.
Habang nadadagdagan ang edad ko, pabawas naman nang pabawas ang sariling karapatan. Hindi ko na rin maihalintulad sa akin si Barbie. Dito kasi sa reyalidad, mahirap nang kumilos para sa sarili ang babaeng gaya ko lalo na kung hindi na maituturing na bata.
Kung dati, ang nagpapahirap lang sa akin ay ang hindi ko mahanap na nawawalang heels ni Barbie, ngayon ay ang nawawalang dignidad na sa tuwing pinipilit ko ang sariling gawin ang mga bagay na inaasahan ng lipunan para irespeto ang kababaihan.
"Kailangang hindi ka magpapahuli sa klase mo ah? Para hindi ka ismolin. Babae ka pa naman, dapat magaling ka lagi."
Hindi ko na talaga nakikita ang sarili ko kay Barbie. Napakalayo na ng nararanasan ko ngayon bilang babae kumpara sa mundong binuo ko para sa aking mga laruang manika.
Doon sa dollhouse, at sa paborito kong princess show, masaya ang mga babae. Dito sa reyalidad, dito sa katotohanan, kailangan munang maging magaling ang mga babae bago maging masaya.
Dahil kung hindi kayang makipagsabayan ng kababaihan, wala silang puwang sa lipunan.
Umuwi akong napapagal. Ramdam ko ang malupit na hagupit at sampal ng totoong buhay. Akala ko noon ay natatapos na ang problema sa pagresolba kung paano papatayuin ang mga Barbie sa istante ng makulay kong aparador. Habang lumalaki't lumalawak ang kapasidad ng pag-iisip, mas napagtatanto kong hindi lang ganoon ang buhay ng mga babae. Hindi lang sa simpleng pink, manika, teddy bear, at doll house nakukulong ang mga kababaihan. Mas maraming bagay ang i-aadjust para sa kapakanan ng iba, dahil kapag babae, ang hindi paggawa rito ay kalapastanganan at pagiging walang modo.
Kesyo babae. Ang madalas tinitignan bilang imahe. Inspirasyon kuno ng karamihan. Dapat sa babae ay magalang, mahinhin, mapagmahal, mapagpasensya, mapakumbaba, malambot ang puso, masunurin... at mahaba pang listahang sa babae lang madalas na pinapaobligang gawin.
Huwag din daw maging palamura ang babae pero sa reyalidad ng lipunan, sa aking pagmulat, kahit maging magandang halimbawa pa ang babae sa karamihan, madalas pa rin kaming estereotipo bilang puta.
Puta talaga.
—
"Anak, babae ka! Dapat ikaw na lang itong umiwas."
Padabog kong sinara ang pinto ng kwarto at sinara ang kwadrado ng isip at puso. Ayan na naman sa dahilang babae kasi ako. Mula nang dinatnan, lumaki ang dibdib, humubog ang bewang, nagkabuhok ang kili-kili, kailangan ko raw iayon ang aking sarili sa sasabihin ng ibang tao.
Habang pinipigilang lumuha ay kinuha ko ang unang Barbie na regalo sakin, si Blondina. Ilang taon na siya sa akin pero hindi pa rin siya napapagod ngumiti. Yakap-yakap ito, ako ay nahiga't humugot ng lakas.
Hindi ko alam kung gusto ko pa rin maging si Barbie, dahil sa katunayan, ang gusto ko lang ngayon ay kung mabibigyan man ako ng tatlong kahilingan, tatlong ulit kong hihilingin na sana ay iniluwal na lang ako sa isang reyalidad na hindi ko na palaging kailangang magpakababae.
Artikulo: Juliene Chloe Pereña
Dibuho: Vincent Gabriel Lacerna
Comments