Hindi lang pasahero ang laman ng dyip, kundi pati na rin mga pangarap
- The Communicator
- 2 days ago
- 2 min read

May pasok sa eskwela. Hindi sinuspende kahit may welga.
Narito ako sa kahabaan ng kalsada, nag-aabang ng masasakyan, tila naghihintay ng himala.
Limang minuto. Sampu. Tatlumpu. Wala pa rin, wala na yata talaga.
At noong malapit na akong mawalan ng pag-asa, nakarinig ako ng busina. Huminto ang dyip sa harapan ko at pinasakay ni manong na may ngiti sa kaniyang mukha.
“Kuya, buti po pumasada kayo ngayon? Parang wala pong dumadaan ‘e.”
“Naku, kailangan, hija. Walang makakain ang pamilya.”
Humaba ang usapan naming dalawa. Medyo naparami rin ang tanong ko sa kaniya. May lima siyang anak, lahat ay nag-aaral pa. May sakit din ang kaniyang asawa.
Nagkukuwentuhan kami nang may biglang pumara: ang mag-ina. Sumunod naman ang estudyanteng maraming dala-dala; halata ang puyat sa kaniyang mukha.
Nang magbayad ang isa, napasambit si manong na ito raw ay kulang pa. Kunot-noong kumuha ang pasahero ng barya sa kaniyang pitaka.
“Pasensya na ‘ho kayo, mahal na ang presyo ng krudo ngayon, wala rin kaming magagawa.”
Dahil hindi nga naman nila hawak ang presyo nito dahil sa mga kapitalista. Pero kung iisipin, may ginagawa naman sila; sadyang hindi lang napakikinggan ang kanilang mga boses at salita.
Kaya tulad ng dyip na sinasakyan ko, wala rin silang ibang magagawa kundi ang umabante. Umabante sa hindi patas na laban ng buhay—mga laban na hindi binibigyang pansin ng mga nakaupong tila walang pake sa mga maralita.
At kung iisipin, ang mga dyip ay hindi lang pasahero ang dinadala, sakay-sakay rin nila ang bawat pasaherong may kani-kaniyang iniinda.
Dala-dala nito ang mga pangarap ng bawat indibidwal: ang makapasok sa paaralan at makapagtapos; makarating sa trabaho at may ipakain sa pamilya; bumaba sa ospital para magpakonsulta at gumaling. Lahat ito’y nagsisimula sa pagsakay sa dyip gamit ang kanilang mga barya.
Ngunit paano kaya maaabot ang mga munting pangarap na ito kung hindi nabibigyang pansin ang hinaing ng mga tao? Kung dumarating na sa puntong nag-aaway na ang mga tsuper at mga pasahero sa gulong hindi naman sila ang nagsimula?
Ang tanging hiling na aking naiisip ngayon ay sana ang mga dyip na pumapasada ay makapunta sa kanilang destinasyon nang walang problemang iisipin pa. B’yaheng balang araw ay patungo na sa pag-asa.
Article: Maui Umali
Illustration: Jin Grayce L. Hernandez




Comments