Alas diyes ng gabi. Katibuok ng buwan at maraming mga tala sa langit. Maingay ang mga kampana at umiilaw ang mga parol. Buhay na buhay ang gabi—maliwanag, maligaya, at puno ng pagmamahal. Isang gabi ng selebrasyon at pagtanggap sa kapanganakan ni Hesus.
Maraming tao sa simbahan ngayon sapagkat sa gabing ito ay idinaraos ang Misa de Gallo, isang pahiwatig na tunay ngang papalapit na ang Pasko. Bata man o matanda, karamihan ng mga Pilipino ay matatagpuan sa simbahan kasama ang kanilang mga pamilya. Ganito rin kami ng pamilya ko taon-taon, bago magsimula ang pandemya. Ngayong unti-unti nang bumabalik ang lahat sa dati, muli kaming dumalo sa misa. Para akong bumalik sa batang ako.
Pagkalabas namin ng simbahan ay agad akong natuwa sa aking natanaw. Mayroon pa ring nagtitinda ng mga bibingka’t puto bumbong. Pahabol na badyet siguro nila para sa Media Noche. Hindi ako kumakain ng mga ito noong bata ako pero nitong mga nakaraang taon ay palagi kong hinahanap ang mga ito. Bago umuwi ay bumili ako ng dalawang bibingkang paghahatian namin nila Mama kahit lima kami sa pamilya. Subok lang kung masarap. Ganito kami palagi, may okasyon man o wala, kapag susubukan lang ang isang pagkain ay maghahati-hati na lang muna. Isang tradisyon ng pagbibigayan.
Nang makarating kami sa bahay ay mayroon akong narinig na mga batang nangangaroling. Ilang oras na lang bago ang Pasko pero narito pa rin sila. Nakaporma gamit ang kanilang mga bagong damit at maligayang inaawit ang “Pasko Na Naman” ni Joey Albert. Hindi ko inaasahang maririnig ko ito mula sa mga bata, nakakabigla ngunit nakakatuwa.
“Ngayon ay Pasko, dapat pasalamatan,
Ngayon ay Pasko, tayo ay mag-awitan…”
Dali-dali akong ibinalik ng gabing ito, lalo na ng awitin, sa aking kabataan. Palaging nakikinig sila Mama sa radyo tuwing umaga at ang rekord album ni Joey Albert ang tumutugtog tuwing ika-24 ng Disyembre. Naghahanda ang buong pamilya namin para sa salo-salo. Nagsisiyahan sa kabila ng pagod na dulot ng pagluluto. Naaalala ko ang galak na nararamdaman ko tuwing nag-aabang ng Noche Buena, alam kong pagkatapos kumain ng lahat ay magsisimula nang magbukasan ng mga regalo. Kung iisipin, napakapalad ko para maranasan ang ganito kasayang selebrasyon ng Pasko mula pa pagkabata. Ang ibang bata kaya, gaya na lamang ng mga nangangaroling, kumusta ang Pasko nila? Kumusta ang Noche Buena ng kanilang mga pamilya?
Sa aking kaso, naging tradisyon na naming magkakapitbahay ang magkaroon ng munting selebrasyon tuwing Bisperas ng Pasko. Kaunting salu-salo, pagbabahagi ng mga regalo, at ilang palaro. Nakasanayan ko na ito, mula pagkabata hanggang sa makatuntong ako ng kolehiyo. Hindi ko inaasahang magiging tradisyon namin ito, na sa tuwing papalapit na ang Pasko ay nagiging isang malaking pamilya kami. Para bang iba’t ibang klase ng bola at Christmas lights sa isang matangkad na Christmas tree.
Mayroong mga nagtatangkarang kahon ng mga regalo na nakaabang para sa lahat, mga nagsisikantahan sa videoke, at mga umiinom ng beer o serbesa. Kaming mga magkaka-edad naman ay naglalaro ng iba’t ibang palarong Pinoy noon, ngayon ay kaya na naming makisabay sa kwentuhan ng mga nakakatanda. Ang bilis ng panahon. Kahit ginagawa pa rin namin ang mga nakasanayan ay ramdam na ramdam ko ang pagbabago. Hindi na ako bata, mayroon na akong kamalayan sa iba pang mga bagay-bagay.
Sigurado na rin akong sa higit isang daang milyong Pilipino sa mundo, isa ako sa mga maswerteng nakakapagdiwang ng Bisperas ng Pasko sa loob ng maayos at ligtas na tahanan. Kasama ang ilan sa mga mahal ko sa buhay. Pinagpala ang aking pamilya kumpara sa ibang mga pamilyang Pilipino—kaya hinihiling kong maging masaya rin ang Pasko nila.
Hiling ko na sa ibang mundo, kung mayroon man, lubos na masaya ang Noche Buena ng bawat pamilyang Pilipino—maliit man o malaki, kumpleto man o hindi, magkakadugo man o hindi, may-kaya man o wala. Sana bawat Pilipino, pasok man sa pamantayan ng lipunan o hindi, ay mayroong ligtas na espasyo para magdiwang at magpakasaya sa Bisperas ng Pasko. Sana ay kasama ng bawat Pilipino ang mga taong tanggap sila nang buo at mahal sila nang tunay, ano mang antas nila sa buhay—sino at ano man sila.
Sana hindi lang buhay ko ang maliwanag ngayong gabi. Sana bawat kalsada, bawat tahanan, ay mayroon ding Christmas lights at mga parol na nagbibigay liwanag sa buhay ng iba.
“Tatlo, dalawa, isa! Maligayang Pasko!”
Hatinggabi. Pirmirong salipod na ng buwan at kakaunti na lamang ang mga tala sa langit. Maingay ang distrito at umiilaw pa rin ang mga parol. Lalong nabuhayan ang gabi—kitang-kita ang sigla sa mga mata ng bawat kapitbahay at punong-puno ng pagmamahal ang kanilang mga yakap. Hindi lamang ito gabi ng selebrasyon at pagtanggap sa kapanganakan ni Hesus. Isa rin itong gabi ng pagmamahalan at pagbibigayan.
Sana ang diwa ng Pasko na siyang pagmamahal at pagbibigay ay palagi nating isaisip, isapuso, at ipaabot sa lahat ng mamamayang Pilipino.
Artikulo: Xyruz Barcelona
Dibuho: Kaiser Aaron Caya
コメント