Gipit ang kita sa nilangis na sistema
- The Communicator
- 24 hours ago
- 2 min read
Tao po, may nakakarinig po ba?
Hindi po kami namamasko,
Mas lalong hindi rin po kami nanlilimos;
Pero rinig niyo po ba kami sa mataas ninyong pader?

Isang buwan na simula nang tinamaan tayo ng krisis,
Ngunit sa kabila nito, patuloy pa rin tayong pinapaikot;
Pinapaikot ng mga taong mas marami ang salita kaysa gawa,
Habang ang masa ay patuloy na kinakain ang tira-tira sa lamesa.
Tumaas ang langis; nilunod ang tsuper—
Mas marami pang pawis ang tumagaktak kaysa sa kitang naipon.
Sa halip na may pangkain, pinili na lang magutom,
Pinipilit na lumulutang sa nilangis na sistema.
May estudyanteng tinitipid ang baon para lang may matirang pera;
Nanay na iniisip kung ano ang kakainin sa bawat araw;
Amang halos baliin ang buto para lang may maiuwing pagkain sa pamilya;
Habang patuloy lang ninyong binabastos ang masa sa mga planong walang katuturan.
Mga planong ipinanukala, mga ayudang hindi nagtagal;
Nakikita n’yo ba ang galit ng masa sa krisis na labis silang kinakain?
“Wala tayong magagawa,” ‘yan lamang ang kaya ninyong sabihin;
Sapagkat mas mahalaga ang yaman n’yo kaysa sa pamilyang umaaray sa gutom.
Hindi ba ninyo batid ang kaguluhang nangyayari sa bansang pinapakain kayo?
Alin ba ang mahirap: ang maging bulag o ang maging hangal?
O mas madali para sa inyo maging taong mangmang,
Habang sinusubukan pitasin ng masa ang bungang bulok na.
Presyo ng krudo’y patuloy na tumataas; presyo ng bilihin umiiyak,
Mga tsuper na halos ibaliko ang kanilang mga likod sa initan para lang kumita,
May mauwing pera lang para patuloy na mabuhay sa lugmok na sistema.
Walang halaga ang pangako, kung ang sistema mismo ang sumasakal sa masa.
Masdan ninyo ang matang galit; hindi n’yo ba batid ang sakit na aming winiwika?
Ang presyo ng bilihin ginigisa sa sariling mantika;
Ang presyo ng gasul, kaunti na lang sasabog na,
Habang ang buwis ay patuloy na pinapahirapan ang masang katiting lang ang kinikita.
Hindi n’yo kayang tanggalin ang malaking buwis na pinapataw,
Pero kaya n’yong sahuran ang manggagawa ng kakarampot na kwarta;
Bigyan ng katiting na ayudang hindi sumasapat sa araw-araw.
Samantalang halos sambahin n’yo ang tubo na pahirap sa masa.
Hindi niyo ba dama ang sistemang pilit na pinapako tayo sa ganitong buhay?
O sadyang may pribilehiyo lang kayong humiga sa komportable ninyong mga higaan,
Habang ang bawat Pilipino’y patuloy na dinudulas ng sistema sa krisis.
Kung hindi pa rin kayo galit, bakit?
Artikulo: James Parrilla
Dibuho: Divine Balote




Comments