EDITORYAL | Ang Pananahimik ay Pagpapabaya
- The Communicator
- 19 minutes ago
- 5 min read
Naging maingay at malakas ang pagdaluyong ng boses ng libo-libong mga Iskolar ng Bayan upang palagan ang samu't saring hamong hinarap ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa taong 2025. Subalit sa kabilang panig, hindi maikakaila ang nakabibinging katahimikan ng pamunuan ng pamantasan hinggil sa ilang mga isyung nangangailangan ng kanilang malinaw na pagtugon at pananagutan.

Ngayong taon, binarat muli ng pamahalaan ang pondo ng pamantasan sa kakarampot na P3.4 bilyon—malayong-malayo sa hininging P12 bilyong panukalang badyet para sa pinakapopuladong unibersidad ng bansa na kasalukuyang may humigit-kumulang 95,000 estudyante. Samantala, umabot na sa tinatayang P3 trilyon ang kumpirmadong pondong kinulimbat ng mga tiwaling nasa kapangyarihan—isang tahasang insulto sa buong komunidad ng Sintang Paaralan na patuloy na naghihikahos sa mga silid-aralan, kagamitan, at pasilidad na mababa ang kalidad.
Bukod sa mga guro at iba pang kawani ng pamantasan, higit na apektado sa problemang ito ang mga Iskolar ng Bayan—ngunit para sa mga kampus mamamahayag at iba pang mga aktibong estudyante na kadalasang may partisipasyon sa mga usapin at kilusang politikal, hindi lamang dito natatapos ang kanilang pagsubok.
Isinagawa noong Setyembre 21 ang isang makasaysayan at malawakang kilos-protesta laban sa katiwalian, kasabay ng komemorasyon sa anibersaryo ng Batas Militar ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. Umingay rito ang balita ng naging kaguluhan sa pagitan ng mga nagproprotesta at kapulisan sa Mendiola kung saan maraming sibilyan ang nasaktan dahil sa pwersahan at marahas na pag-aresto at karamihan ay ilegal na ikinulong. Kabilang dito ang estudyante mula sa PUP College of Engineering na si Gio Caballes.
Batay sa mga ulat, dinakip si Caballes bitbit ang kaniyang kamera sa gitna ng tumitinding tensyon sa lugar matapos ipagbigay-utos ang paghuli sa mga nakasuot ng itim. Dinala siya sa Manila Police District (MPD) Baseco Police Station 13 at sinampahan ng mga kasong itinuturing na imbento at walang sapat na batayan tulad ng “Tumults and Other Disturbances of Public Order,” “Direct Assault,” at “Resistance and Disobedience to a Person in Authority or Their Agents.” Kasama ang higit 200 pang ilegal na inaresto ayon sa National Union of People's Lawyers (NUPL), sampung araw din siyang nanatili sa piitan at nagtamo ng mga pasa at sugat dahil sa umano’y pangto-torture sa kanila ng mga kapulisan, salungat sa Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009.
Nakalaya siya noong Oktubre 1 matapos magbayad ng piyansang umabot sa P18,000. Sa kabila nito, hindi maitatangging marami sa kaniyang mga karapatan ang nilabag. Malinaw ring sinuway ng mga tagausig ang 36-hour rule sa ilalim ng Article 125 of the Revised Penal Code nang ipagkait sa kaniya ang agarang pakikipag-ugnayan sa kaniyang mga abogado.
Sa nangyaring ito, nakadidismayang walang inilabas na pahayag ang PUP at hindi rin nakakitaan ng anumang aksyong makatutulong kay Caballes.
Samantala, anim na araw matapos ang paglaya ni Caballes, sumunod naman ang naging pag-atake sa kampus-mamamahayag na si Jacob Baluyot, National Chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag - PUP at estudyante mula sa College of Communication (COC). Isang subpoenang may kinalaman pa rin sa nasabing kilos-protesta ang ipinadala sa kanilang tahanan noong Oktubre 7 ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Inanyayahan si Baluyot na makipagpulong sa Camp Crame hinggil sa alegasyong nagtuturo sa kaniya bilang lider ng demonstrasyon, at may kaugnayan umano sa mga grupong nagmitsa ng gulo sa Mendiola. Gayumpaman, dahil sa legal na rason ay hindi siya tumuloy rito at nagsapubliko na lamang ng response letter sa tulong ng kaniyang legal counsel. Dahil dito, nakatanggap si Baluyot ng Petition for Indirect Contempt noong Nobyembre 26.
Subalit bago pa man ang nasabing petisyon, isang lider-estudyante pa ng PUP ang nabigyan din ng subpoena, noon namang Oktubre 22, sa parehong dahilan—si Tiffany Faith Brillante, dating pangulo ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM). Batay sa mga ulat, ilang ulit pang hinanap ang tahanan ni Brillante bago matagumpay na maipadala sa kaniya ang subpoena.
Ayon kay Brillante, matapos silang makatanggap ng subpoena, agaran naman silang ipinatawag ng administrasyon ng PUP, sa pangunguna ng Office of the Vice President for Student Affairs and Services (OVPSAS), upang pormal na alamin ang kanilang kalagayan. Nagkaroon din ng koordinasyon sa University Legal Counsel Office (ULCO) para sa posibleng tulong legal.
Sa naging panayam naman ng The Communicator kay Baluyot noong Nobyembre, inihayag niyang wala siyang kahit na anong suportang natatanggap sa parehong administrasyon ng PUP at COC, kahit pa nakausap na umano nila agad si PUP President Manuel Muhi kaugnay sa subpoena.
“We’ve had several discussion multiple times pero wala, hanggang ngayon wala pa rin talaga. We’ve had our courtesy call last time and we raised this issue, at lagi nilang sinasabi na baka raw mag-heighten pa itong issue,” saad ni Baluyot. Nang tanungin naman siyang muli ukol dito ilang araw pagkatapos ang Pasko, “wala” pa rin ang kaniyang naging kasagutan.
Nanatiling tahimik ang PUP. Walang kahit na anong inilabas na pahayag ng tulong at suporta para kina Caballes, Baluyot, Brillante, at sa lahat ng mga Iskolar ng Bayang naninindigan lamang naman sa tapat at makatarungang pamamahala. Naging parang bulag, pipi, at bingi ang administrasyon na takot sa mga maaari nitong maging epekto sa kanila. Subalit hindi rin, sapagkat maski ang bulag, pipi, at bingi malamang ay gagawin ang lahat matulungan lamang kung sino ang inaapi.
Bagama’t hindi dapat sa administrasyon ng PUP, kundi sa gobyerno, ibaling ang sisi sa lahat ng mga nangyaring inhustisyang ito, hindi pa rin maitatangging sila dapat ang nagtataguyod ng karapatan ng mga estudyanteng napapasailalim sa kanila; lalo pa’t kitang-kita naman na ang mga naging pag-aresto at pagpapadala ng subpoena ay mukha ng state repression o pag-atake ng kasalukuyang pamahalaan sa mga kabataang lumalaban kontra korapsyon.
Ngunit ano nga bang aasahan sa PUP? Sa administrasyon nitong kahit ang maglabas lamang ng pahayag hinggil sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero ay hindi magawa; sa mga nakatataas na opisyal na nilayasan lamang ang mga nagsipagtapos na nagpahayag ng kanilang mga panawagan sa isang iglap-protesta noong nagdaang Year-End Commencement Exercises 2025; sa mga namumuno sa PUP na hindi makikita sa lansangan at kung hindi pa kakalampagin nang sobra-sobra ay wala yatang balak na tumindig laban sa mga tiwaling nasa pwesto.
Anong aasahan sa mga kikilos lamang kung may kamera at photo opportunity?
Noong Oktubre 10, sa isang interbyu, nagpahayag ng suporta si Muhi sa mga pagkilos ng mga estudyante. Aniya, kinikilala at hinihikayat niya ang pagkilos ng kabataan hangga’t nananatili itong mapayapa at hindi nagdudulot ng kaguluhan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng sama-samang lakas ng buong PUP sa panawagan para sa pananagutan at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan. Subalit, naging hungkag lamang ang pahayag na ito lalo na’t hindi naman ito naisasalin sa konkretong aksyon. Nanatiling salita ang suportang ito na hindi sapat sa panahong ang karapatan ng mga estudyante ay lantaran nang nilalabag.
Malabo ang dahilan kung bakit magpahanggang ngayon ay natitiis ng PUP na mayroong mga estudyante nito ang inaatake ng gobyerno. Ngunit isa lamang ang malinaw: mas pinipili nila ang manahimik imbes na kondenahin ang hindi makataong gawain ng pamahalaan. Pananahimik na maiuugat sa hindi pagkiling o neutrality na sa huli’y mas pumapabor sa nang-aapi.
Kung magpapatuloy pa ito, lalo lamang magdurusa ang mga estudyante sa panunupil. Hindi naman sasapat kung pawang mga Iskolar ng Bayan lamang ang titindig para sa isa’t isa. Kailangan din ng malinaw at konkretong suporta ng mga namumuno sa unibersidad, hindi lamang sa antas ng salita, kundi sa pamamagitan din ng pagsama sa lansangan tuwing may kilos-protesta, pagbibigay ng pinansyal at legal na tulong sa mga sitwasyong tulad kina Caballes, Baluyot, at Brillante, at higit sa lahat ay ang aktibong pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng sangkaestudyantehan upang hindi na ito maulit pa.
Matatapos na ang taon, ngunit hindi ang laban ng mga estudyanteng pinagmalupitan ng sistema—sana ay isipin ito ng administrasyon ng PUP bago sila bumati ng “Happy New Year” sa kanilang social media pages. Hindi na rin dapat nila isulat pa sa kanilang New Year’s Resolution, o ‘di kaya’y hintayin na mas dumami pa ang ganitong kaso sa pagpasok ng mga buwan sa susunod na taon, para tumindig at makapaglaan ng malinaw na suporta sa mga Iskolar ng Bayan.
Hindi na dapat na manahimik. Dahil ang pananahimik ay pagpapabaya.







Comments