top of page

(SI)NONG (SA)LARIN?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 4 minutes ago
  • 5 min read

Sa tuwing binabanggit natin ang pangalang Sisa, tila bigla-bigla na lamang umaalingawngaw ang mga sigaw ng paghahanap niya kina Crispin at Basilio. Nakakubli na ang pagiging baliw sa kaniya—isang babaeng talunan at biktima ng kalupitan ng tadhana. Ngunit paano kung panahon na para sa Sisa na malayo sa kung paano ito binigyang-buhay ni José Rizal? Parehong nawalan, parehong sinugatan, ngunit malaki rin ang kaibahan—ang isa’y nabaliw… at ang isa’y nagbaliw-baliwan. 



Noong 1898, sa ilalim ng Kasunduan sa Paris (Treaty of Paris), ipinagbili ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos sa halagang dalawampung milyong dolyar. Matapos ang 333 na taon mula sa kamay ng mga Kastila, pinalaya tayo ng mga Amerikano. Ngunit tila ba ang layang ito ay isa ring patibong—pinalaya nila tayo upang alilahin at sakupin muli. Mula rito ay hinugot ni Direk Jun Robles Lana ang konsepto at takbo ng kaniyang pelikulang SISA. Ika niya, hindi ito isang historical film; isa itong period film kung saan ang mga karakter ay wala sa totoong buhay; hango lamang sila sa kaisipan at katangian ng mga pangyayari noon. 


Umikot ang kuwento sa pagpapakita ng lahat ng hindi makataong pagtrato ng mga Amerikano sa ating mga kapwa: sinusunog ang mga tirahan, dinadakip ang mga rebolusyonaryo, pinapatay ang pamilyang walang kalaban-laban, at inalila ang mga kababaihan—ginawa silang mga alipin. Hindi nirerespeto, hindi inaalagaan. Ang buong pelikula ay punong-puno ng mukha ng kababaihang naagrabyado ng mga dayuhan. 


“Sa dami nang nabaliw sa digmaang ito, dapat na yata silang ipagpatayo ng santuwaryo.” 


Sa pelikulang likhang Jun Robles Lana, makikita ang panibagong mukha ng isang Sisa kung saan ang kabaliwan ay hindi isang sakit, kundi isang sandata sa paghingi ng hustisya.


Hilda, Ang Bagong Sisa


Mula sa The Mistress noong 2012, ang huling pelikulang kinabilangan niya bago ang 13 taong hiatus, muling nagbabalik sa Philippine Cinema ang nag-iisang Hilda Koronel bilang Sisa na malayo sa kinagisnan ng lahat. Ang Sisa na ito’y hindi baliw. Siya ay galit. Galit na galit. Sino ba namang hindi uusbong ang pagdadalamhati kung walang kaawa-awang kinitil ng mga dayuhan ang buhay ng kaniyang mga minamahal? Mula sa pagkakaroon ng buong pamilya, siya’y naiwan sa labas ng apoy na bumabalot sa kanilang tahanan. 


Sa likod ng mga eksena, mawawari mong naging matindi ang kaniyang preparasyon upang mabigyan-hustisya ang karakter na ibinigay sa kaniya ni Lana. 


Isa sa pinakamahirap na parte ng kaniyang pagganap bilang Sisa ay hindi sa pagsasabuhay ng karakter sa kaniyang pag-arte. Kundi, mas nahirapan siya sa behind-the-scenes kung saan, aniya’y naglalagkitan na sila sa init at sa nalulusaw na brown makeup sa kanilang buong katawan. 


“Kasi talagang hirap na hirap kami sa init, sa costume, and sa wig. But we all love each other and enjoy na enjoy kami sa mga ginagawa namin,” dagdag pa niya. 


Ipinamalas ni Koronel ang tunay na dedikasyon ng isang beterana. Mula sa pagtitiis sa ilalim ng araw, sa mabibigat na wig at wardrobe, hanggang sa epektibong pag-arte kahit bilang lamang ang mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Tunay ngang ang mga mata ay may kakayahan din na magsalita. 


Eugene, Ang Ulilang Ina


Kapag ang anak ay nawalan ng ina, ang tawag sa kanila’y ulilang anak. Paano naman kapag ang ina ang namatayan ng anak, anong tawag sa kanila?


Kabaligtaran sa kaniyang mga nakasanayang karakter sa mga komedyang pelikula, ipinamalas din ni Eugene Domingo ang kaniyang karakter bilang Delia, ang mukha ng kababaihang kahit pa direktang naging biktima ng dahas sa pananakop ng mga Amerikano, ay patuloy pa rin na nagpapaalila dahil iyon lamang ang makapagliligtas sa kanila ng kaisa-isang anak niyang itinira at hindi napaslang ng mga dayuhan. 


Kahit pa siya ay kaliwa’t kanan sa paglilinis ng kuta ng mga ito, ramdam mo sa mukha at sa kilos niya ang galit na bumabalot sa kaniyang sistema na dulot ng napakaraming trahedyang kaniyang kinaharap. 


Ngunit kung tatanungin siya bilang si Eugene Domingo na may kabiyak na isang Italyano, isa sa mga bagay na labag sa kaniyang kaloobang gawin ay ang eksenang sobrang galit siya kay Nena, ang natitira niyang anak sa pelikula, dahil sa pakikipagkaibigan sa mga dayuhan. 


“Ano bang inaarte ni Delia? Anak [Nena], magrereklamo pa ba tayo?” Aniya, ngayong modern age, natutuwa tayo kapag may banyagang karelasyon ang ating kapwa, o mas tinatawag bilang AFAM, na tila ba’y sumisimbolo ito sa pag-angat sa buhay.


Ngunit sa mas malalim na perspektibo, talaga namang nagsagawa siya ng maiging internalization at pag-iintindi sa pinanghuhugutan ng kaniyang karakter, na hindi kulay ang gumuguhit ng linya sa pagitan ng isa’t-isa kundi ang dahas na dulot nila. Mula roon, nabuo ang galit na talaga nga namang makikita sa karakter ni Delia. 


Jennica, Ang Bihag ng Pagmamahal


Mula sa kaniyang katindig-tindig balahibong pagganap bilang ina ni Grace sa drama series na Saving Grace, malaking pagbabago sa production set-up  ang itinalon ni Jennica Garcia bilang Leonor sa Sisa. Ang pagganap niya rito, ika niya, ay parang una’t huling period film niya na—hindi dahil siya ay mapili, kundi dahil sobrang napagod siya sa araw-araw na shooting, dagdag pa ang mahahabang linya niya sa pelikula. 


“Lalo na si Leonor, best in narration ‘yan. Hindi ko alam kung bakit nagtiwala sa akin ‘yung writer para bigyan ako ng mahahabang linya,” dagdag niya. 


Ika niya, kinakailangan niya ng isang buong araw para kabisaduhin ang mga linya lalo na’t kung may kahabaan ang mga ito. Kaya mas mainam raw sa kaniya ang every other day shoot. Gayunpaman, hindi iyon naging alintana dahil may puso ang bawat bato niya ng salita. 


Sa kaniya namang pagganap bilang Leonor, talaga namang makikita na hindi siya nahirapang isabuhay ang karakter nito. Ang pagiging baliw sa pag-ibig at ang paggamit ng pagmamahal ang naging sandata niya para manatiling buhay at malayo sa pang-aapak ng mga dayuhan. 


“Hindi naging mahirap sa akin na pumasok sa karakter ni Leonor, kasi feeling ko gaanoon din akong magmahal. Kaya kong maging bingi sa sinasabi ng iba, basta sinabi mo sakin na mahal kita at naniniwala akong mahal mo ako, siguradong ibibigay ko sayo ang buong mundo.” 


SISA, Ang Santuwaryo ng Katapangan


Bakit nga ba kinailangan pa ni Lana na bumuo ng panibagong Sisa? Dahil ba nais niyang muling saktan ang ating mga damdamin, o upang ipaalala na ang kabaliwan ay madalas na hiyaw lamang ng isang pusong nagnanais ng hustisya?


Sa pluma ni Jose Rizal, si Sisa ay pumanaw nang talunan. Ngunit, sa lente ni Lana, si Sisa, Delia, at Leonor ang representasyon hindi lamang ng isang biktima, kundi isang biktimang nais makapaghiganti at makatamasa ng kalayaan. 


Ginawa niya ang SISA dahil ito ay pamilyar. Isang kuwentong kailangang isalaysay dahil ito ang realidad na matagal nang nakatitig sa atin. Ang tapang na ipinakita ng tatlong bida ay hango sa mga buhay ng totoong kababaihan na handang gamitin ang galit para sa ikabubuti ng iba. 


“When I made this film, I didn’t make it because I needed to give a platform to women. It is because I’ve been seeing and hearing them for the longest time.” Ani Direk Lana, sinasabing siya ay sanay na makakita ng palabang mga babae dahil lumaki siyang saksi rito at dahil kinaya siyang palakihin mag-isa ng kaniyang ina. 


Kung iisipin, hindi kinakailangan ng mga kababaihang ito na maligtas dahil kaya nila ang kanilang mga sarili. At nang kanilang makamit ang kanilang ninanais, sinong may pakana? Sinong may sala?


Gaya ng kanilang kagitingan, kailangan lang din nating magkaroon ng tapang na tanggapin ang kanilang galit, ang kanilang pag-ibig, at ang kanilang katotohanan. Dahil, ika nga ni Jennica Garcia, “Ang tunay na baliw ay siyang tunay na matapang.”  


Artikulo: Ma. Deborah Chelsey C. Bautista

Grapiks: Keren Hope De Leon

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page