Isko’t IsCATS: Kwento ng mga Sintang Pusa sa PUP
- The Communicator
- 2 days ago
- 3 min read
Sa isang sulok ng kampus ng PUP, may pusang payapang nakahiga sa ilalim ng punong nagbibigay ng lilim. Hindi ito pinapansin ng karamihan—abala ang mga estudyante sa paghabol sa oras, sa klase, sa mga gawain. Ngunit maya-maya, may isang hihinto, maglalabas ng pagkain, at marahang lalapit. Sa simpleng tagpong ito, nabubuhay ang diwa ng Sintang Pusa.

Hindi na bago ang presensya ng mga pusa sa PUP. Matagal na silang bahagi ng tanawin—tahimik na gumagala sa mga pasilyo at tambayan, maging sa loob mismo ng silid-aralan. Ngunit sa paglipas ng panahon, nagbago ang paraan ng pagtingin sa kanila. Mula sa pagiging “gala,” unti-unti silang kinilala bilang mga nilalang na may lugar sa komunidad.
Dito umusbong ang Sintang Pusa—hindi agad bilang isang pormal na organisasyon, kundi bilang kusang-loob na pagkilos ng mga estudyante, guro, empleyado, at alumni. Sa paglipas ng panahon, ang simpleng pagbibigay ng pagkain ay naging isang organisadong adbokasiya: ang pangangalaga, pagpapagamot, at pagprotekta sa mga pusang bahagi ng kampus.
Isa sa mga detalyeng nagbibigay-kulay sa kanilang identidad ay ang tinatawag na “tilapia cat”—ang pusang tampok sa kanilang profile. Sa kulturang Pilipino, ang katawagang ito ay hango sa itsura ng pusang may guhit na kahawig ng balat ng tilapia. Isang payak na obserbasyon na kalauna’y naging simbolo ng pagiging malikhain at mapagbigay-kahulugan ng komunidad.
Ngunit ang kuwento ng Sintang Pusa ay hindi lamang umiikot sa loob ng PUP. Sa mas malawak na konteksto, lumalaki ang problema ng stray animals sa buong Pilipinas. Ayon sa The PhilBiz News (2026), umabot na sa humigit-kumulang 13.11 milyong stray cats at dogs sa bansa, mula sa tinatayang 12 milyon noong 2019.
Dagdag pa rito, ayon sa parehong ulat at sa Philippine News Agency (PNA), patuloy na nadaragdagan ang populasyon.Tinatayang umaabot ito sa 100,000 hanggang 500,000 kada taon, na nagpapakita ng patuloy na paglala ng sitwasyon.
Ipinapakita rin ng mga pag-aaral na ang problemang ito ay hindi lamang likas na pagdami ng hayop, kundi resulta ng kilos ng tao. Ayon sa CARA Welfare Philippines, marami sa mga pusang gala ay dating alaga na iniwan dahil sa kahirapan, hindi planadong pagpaparami, o pagiging “abala” ng mga may-ari. Dagdag pa rito ang tinatawag na preference gap, kung saan mas pinipili ang mamahaling lahi kaysa sa mga lokal na “puspin,” na nagiging dahilan ng patuloy na pagdami ng mga napapabayaan.
Sa usapin naman ng kalusugan, ayon sa mga ulat na binanggit ng PNA at iba pang pag-aaral, nananatiling kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na kaso ng rabies sa buong mundo, at karamihan dito ay iniuugnay sa kagat ng hindi bakunadong hayop.
Sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas tulad ng Republic Act No. 8485 “Animal Welfare Act of 1998” at Republic Act No. 9482 “Anti-Rabies Act of 2007,” ayon sa mga ulat mula sa ABS-CBN News at Inquirer, nananatiling hamon ang epektibong pagpapatupad ng mga ito dahil sa kakulangan ng pondo, pasilidad, at organisadong programa sa lokal na antas.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, mas nagiging makabuluhan ang mga inisyatibang tulad ng Sintang Pusa. Sa loob ng PUP, makikita sa kanilang mga inilalathalang update ang patuloy na pagpapakain, pag-aalaga, at pagbabantay sa kalagayan ng mga pusang nasa kampus. Ang kanilang adbokasiya ay hindi lamang nakabatay sa damdamin, kundi sa konkretong aksyon.
Isa sa pinakamalaking pagsubok sa kanilang pagkilos ay dumating noong pandemya. Sa pagkawala ng mga estudyante sa kampus, kapansin-pansing nabawasan ang regular na pagpapakain sa mga pusang dating umaasa sa komunidad. Sa kanilang opisyal na Facebook page, makikita ang mga panawagan ng Sintang Pusa para sa donasyon—pera man o pagkain—upang matustusan ang pangangailangan ng mga ito.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang kanilang misyon. Ipinapakita sa kanilang mga post ang patuloy na suporta ng mga boluntaryo at taga suporta—may mga nag-aambag, naglalaan ng oras, at patuloy na nakikiisa—patunay na ang isang komunidad ay kayang kumilos kapag may iisang layunin.
Ang presensya ng Sintang Pusa ay nagpapakita ng mas malambot na mukha ng buhay sa unibersidad. Sa gitna ng presyur akademiko, may mga sandaling humihinto ang lahat—kapag may pusang dumaan, humiga, o simpleng nagpakita ng presensya. Dito nabubuo ang koneksyon na hindi matutumbasan ng anumang marka o grado.
Ang ganitong uri ng malasakit ay umaalingawngaw din sa mas malawak na konteksto, tulad ng pagdiriwang ng National Tabby Cat Day tuwing Abril 30. Ngunit sa PUP, ang pagpapahalaga sa mga pusang ito ay hindi lamang tuwing may okasyon—ito ay bahagi ng araw-araw na pamumuhay.
Sa huli, ang Sintang Pusa ay higit pa sa isang organisasyon. Isa itong salamin ng komunidad—kung paano nito pinipiling alagaan at pahalagahan ang mga tahimik at madalas nakakaligtaang nilalang. Ipinapakita nito na ang tunay na diwa ng pagiging iskolar ng bayan ay hindi lamang nasusukat sa talino, kundi sa kakayahang makiramay at kumilos para sa iba.
Sa bawat pusang makikitang gumagala sa kampus, may kuwentong patuloy na isinusulat—kuwento ng pag-aaruga, ng pakikipagkapwa, at ng isang pamantasang may pusong hindi lamang para sa tao, kundi para sa lahat ng buhay na kasama nito.
Artikulo: Jae Juson
Grapiks: Yvonne Gacillos




Comments