Kandidaturang mula sa Kapal ng Mukha
- The Communicator
- 2 days ago
- 4 min read
Hindi nakagugulat ngunit katawa-tawa ang lakas ng loob na ipinakita ni bise presidente Sara Duterte nang ianunsyo niya ang intensyong tumakbo bilang pangulo sa darating na eleksyon sa 2028. Bukod sa masyado pa itong maaga, malinaw na pagpapakita ito ng kakapalan ng mukha sa dami ng katiwalian at kontrobersyang hinarap ng kaniyang mag-aapat na taong termino.

Nitong nakaraang buwan, pinaingay ni Sara ang buong bansa nang ibahagi niya sa isang press conference noong Pebrero 18 ang plano niyang pagtakbo sa pagkapangulo, dalawang taon bago pa mangyari ang national elections. Bago ito, humingi pa siya ng kapatawaran sa taumbayan matapos suportahan ang noo’y ka-“Uniteam” tandem na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin ang umano’y korapsyon at bulok na sistema sa pamamahala ng administrasyon.
Kung babalikan, manhid na sa iba't ibang isyung may kinalaman sa katiwalian at bigong pamumuno ang ikalawang pangulo. Nariyan ang maanomalyang paggastos ng Office of the Vice President (OVP) ng P125-milyong confidential funds noong 2022 sa loob lamang ng 11 araw. Kabilang din sa isyu ni Sara sa pareho ring taon ang kontrobersya kay “Mary Grace Piattos” at sa iba pang mga hindi makilalang pangalan sa listahan ng libo-libong nakatanggap ng pondo mula sa OVP at Department of Education (DepEd)—na ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay mga walang birth records sa kanilang ahensya.
Naging mainit din sa mata ng publiko ang pamumuno ni Sara bilang dating kalihim ng DepEd dahil sa hindi niya naresolbang mga problema, mga proyektong nagdulot ng dagdag-pasanin, at sa isyu pa rin ng korapsyon sa sektor ng edukasyon. Habang mas mabilis pa sa alas-kwatro ang kaniyang pag-anunsyo ng pagtakbo, naging usad-pagong naman ang mga proyekto sa nasabing kagawaran sa loob ng halos dalawang taon niyang panunungkulan dito. Nanatiling suliranin ang kakulangan ng mga silid-aralan kahit pa may mga pinagkagastusan na noon para sa pagpapatayo nito: mula sa planong 6,379 na bagong klasrum, kakarampot na 192 lamang ang naipatayo rito.
Para kay Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) Party-List Rep. Antonio Tinio, si Sara ang “worst DepEd secretary ever,” hindi lang dahil sa mga hindi natapos na silid-aralan, kundi pati na rin sa lakas ng loob nitong magreklamo sa kabila ng bilyon-bilyong pondong inilaan sa kagawarang kaniyang pinamahalaan.
Samantala, kilala rin si Sara sa hindi pagiging propesyonal nang lantaran niyang sabihin noong 2024 na may inutusan na siya umanong papatay kay Marcos Jr. at ilang kaanak nito sa oras na pagtangkaan ang kaniyang buhay, bagay na naging dahilan upang ituring si Sara bilang banta sa seguridad ng pangulo. Ito rin ay malinaw na hudyat ng tuluyang pagkasira ng tambalang Marcos-Duterte.
Mula sa mga nabanggit, hindi maikakaila na pansariling adyenda at politikal na interes ang pangunahing motibo ni Sara upang tumakbo sa pagkapangulo. Halata ang lamat sa alyansa nila ni Marcos Jr. at ang intensyon nitong makabawi sa pangulo lalo pa't tuluyan nang inaresto ng International Criminal Court (ICC), sa ilalim pa mismo ng administrasyon ng dati niyang kaalyado, ang amang si Rodrigo Duterte kaugnay sa madugo nitong drug-on-war.
“Madalas, iniiwasan ng mga pulitiko ang maagang paghayag ng kanilang mga plano upang hindi sila maging target ng pag-atake. Ngunit matagal nang sinira ng administrasyong ito ang pangalan ko.”
Ito ang isa sa mga naging pahayag ni Sara sa kaniyang anunsyo. Kung uunawaing mabuti, lantad na upang pabanguhing muli ang kaniyang pangalan ang nag-udyok kay Sara para tumakbo—isang rasong siya lamang ang makikinabang at malaking kabiguan naman para sa taumbayang kaniya dapat pinagsisilbihan.
Ayon nga kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, “Tumatakbo lang si Sara Duterte mula sa pananagutan, hindi para sa bayan. Gaya-gaya siya sa mga Marcos na nag-ambisyong bumalik sa Malacañang para linisin ang kanilang pangalan.”
Bagama't may karapatan namang magpahayag ng kagustuhan at tumakbo sa pagkapangulo si Sara, isang kahihiyan ang magpakita ng intensyong maghain ng kandidatura para sa pinakamataas na posisyon sa bansa kung ang simpleng pananagutan ay hindi niya magawa.
Sa kasalukuyan, apat na mga impeachment complaints na ang inihain laban sa bise presidente, matapos siyang ma-impeach ng 19th Congress noong 2025. Lahat ng mga ito, nag-ugat sa mga kontrobersya tulad ng maling paggamit ng pondo ng bayan, tangkang pagpatay sa pangulo, at bigong paglabas ng kumpletong Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) na labag sa konstitusyon.
Samantala, muli namang binuhay sa social media ang naging pahayag ng dating pangulong si Duterte noong 2021, kung saan sinabi nitong ang pagkapresidente ay hindi trabaho ng isang babae. “You know, the emotional set-up of a woman and a man is totally different. You will become a fool here,” ani Duterte.
Maling-mali at nagpapakita ng pagiging “misogynistic” ang katwirang ito; sapagkat una sa lahat, hindi tinitingnan sa kwalipikasyon ng pagkapangulo ang kasarian. Ang husay at integridad ng isang pinuno ay hindi nakatali sa pagiging lalaki o babae. Sa katunayan, ayon sa World Economic Forum noong 2025, ang 10% na pagtaas ng representasyon ng kababaihan sa gobyerno ay nagreresulta ng pag-angat ng gross domestic product (GDP) ng isang bansa. Sadya lamang na hindi tumutugma rito si Sara na politika at pansariling interes lamang ang inuuna kung kaya't nais na kumandidato para sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno.
Ang pagiging presidente ay maaari ding gampanan ng mga babae, ngunit hindi ni Sara Duterte.
Kung pagsusumahin, isang malaking kalokohan ang deklarasyon ni Sara ng kaniyang kandidatura sa 2028. Malinaw na sa likod ng kaniyang talumpating para umano sa Diyos, bayan, at pamilyang Pilipino ang kaniyang planong pagtakbo ay ang katotohanang nagmula talaga ito sa kakapalan ng mukhang iangat muli ang kaniyang pamilya at ipagpatuloy ang kanilang legasiyang puno ng karahasan, katiwalian, palpak, at pasistang pamumuno.
Ganumpaman, hindi ang maagang pag-anunsyo o ang kaniyang kandidatura ang pinakanakababahala, kundi ang dami ng mga taong patuloy na nagbubulag-bulagan at sumusuporta sa desisyon niyang ito. Kaya naman, nararapat na mapagtibay pang lalo ang oposisyon; mahalagang magkaisa sa hangaring puksain ang maitim na balak ni Sara. Sa panahong tiyak ang pananaig ng kadiliman, hindi dapat na mahati sa dalawa o higit pa ang oposisyon, sapagkat pare-pareho namang kaliwanagan sa pamamagitan ng tapat at maayos na pamumuno ang nais na magwagi ng bawat isa.
Bukod dito, kailangan ding simulan na ang masusing pagsusuri ng mga inihablang impeachment complaints laban kay Sara, upang mapatawan siya ng pagkakasala sa taumbayan at tuluyan nang matanggal sa kaniyang posisyon. Sa oras na mangyari ito, hindi lamang mawawala ang kaniyang kasalukuyang kapangyarihan, kundi maging ang pagkakataong muling linlangin ang bansa sa 2028—isang tagumpay na magbibigay ng hustisya sa kalapastanganang ginawa niya sa mga Pilipino at sa bayan.





Comments