Basang-Basa sa Ulan, Uhaw sa Bukas
May kakaibang kapangyarihan ang ulan sa Pilipinas: hindi lamang nito binabasa ang mga kalsada; binabasa rin nito ang mga pangako.

Ngayong opisyal nang nagtapos ang habagat, naiwan sa atin ang putik sa gilid ng kalsada, mga sasakyang inanod, mga bahay na pinasok ng tubig, at mga komyuter na nakipagsapalaran sa baha. Noong Oktubre 5, idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng Southwest Monsoon o habagat, kasabay ng paghina ng mga hanging kaugnay nito at pagbabago ng pangkalahatang pattern ng panahon. Kasabay nito, nagtapos din ang rainy season sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ngunit ang pagtatapos ng panahon ng pag-ulan ay hindi nangangahulugang tapos na ang mga problemang iniwan nito. Sa halip, pagkakataon ito upang itanong kung ano ang natutunan natin sa isa na namang panahong binaha ang mga komunidad lalo't hindi naging banayad ang mga nakaraang buwan.
Noong Agosto, limang tropical cyclone ang pumasok o nabuo sa Philippine Area of Responsibility. Ilang ulit na pinalakas ng mga ito ang habagat, na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa Luzon at ilang bahagi ng Visayas. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), lumampas sa ₱2.2 bilyon ang pinsala sa agrikultura at ₱6.3 bilyon ang pinsala sa imprastraktura batay sa mga paunang ulat ng kalamidad.
Sa loob lamang ng ilang araw ng matinding pag-ulan, nakita natin kung gaano kabilis lumampas ang tubig sa kapasidad ng mga lungsod at komunidad.
Hindi lahat ng baha ay maaaring isisi sa baradong drainage, at hindi rin lahat ay maipapaliwanag ng katiwalian. May mga pag-ulang talagang matindi, mga ilog na lumalampas sa kapasidad ng mga estruktura, at mga weather system na walang imprastrakturang kayang ganap na kontrolin. Ngunit kung alam nating paulit-ulit na haharap ang bansa sa matinding pag-ulan, dapat ding itanong kung gaano kahanda ang mga sistemang inaasahang poprotekta sa atin.
Mahirap ihiwalay ang tanong na ito sa flood-control fiasco na patuloy pa ring iniimbestigahan. May mga alegasyon ng ghost, substandard, at ineffective projects—mga proyektong maaaring nagkaroon ng pondo ngunit hindi nagbigay ng inaasahang proteksyon. Kung may ghost project, may paglabag na dapat imbestigahan. Kung substandard ang isang proyekto, may dapat managot. Kung may ninakaw, dapat itong singilin. Ngunit kung bilyon-bilyon ang ginugol subalit nananatiling kulang ang proteksyon ng mga komunidad, hindi sapat na tukuyin lamang kung sino ang nagnakaw. Kailangan ding alamin kung bakit nabigo ang sistemang dapat sanang naghatid ng proteksyon.
Ito ang problema ng kapasidad ng estado: hindi lamang kung may pondong inilaan o proyektong itinayo, kundi kung ginagawa ng pamahalaan na gawing aktwal na proteksyon ang mga ito.
Sinabi mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matagal nang may flood-control master plan ang bansa ngunit hindi ito naipatupad nang maayos. Kasalukuyan pa rin nasa proseso ang pag update ng pamahalaan ng mga flood control master plans para sa 18 major river basins, na karamihan ay naiulat nang updated noong Mayo.
Mahalaga ang mga hakbang na ito, ngunit ang plano ay hindi proteksyon. Ang blueprint ay hindi floodwall, at ang presentasyon ay hindi drainage. Walang pakialam ang tubig sa procurement documents, ribbon-cutting, o press conference. Kapag wala itong mapaglagyan, hahanap ito ng ibang daan—madalas, sa mga kalsada, tahanan, at kabuhayan ng mga taong dapat sanang pinoprotektahan ng mga proyekto.
Kaya hindi sapat na matapos ang habagat na may listahan tayo ng mga proyekto, pulong, pagdinig, at clearing operation. Ang mahalagang sukatan ay kung gumagana ang mga ito kapag kailangan na. Nakakabawas ba ng panganib ang mga proyekto? Nakapagtatapon ba ng tubig ang mga drainage system? Napoprotektahan ba ang mga komunidad na paulit-ulit na binabaha?
At hindi dito nagtatapos ang problema. Sapagkat habang sinusubukan nating harapin ang sobrang tubig, kailangan din natin paghandaan ang panahon maaaring kulangin naman tayo rito.
Hindi nangangahulugang bawat baha ay direktang dulot ng climate change. Ang mga partikular na pagbaha ay nagmumula sa aktwal na weather systems, gaya ng habagat, low-pressure areas, at tropical cyclones. Ngunit hindi rin maaaring balewalain ang mas malaking pagbabagong nagaganap sa ating klima. Ayon sa PAGASA, maaaring maging mas madalas ang heavy rainfall habang tumataas din ang bilang ng dry days. Sa ilang bahagi ng bansa, inaasahang maaaring lumakas ang extreme rainfall kasabay ng mas maiinit na temperatura at mas mahahabang panahon ng matinding init.
Dito nagiging mas malinaw ang ugnayan ng baha at tagtuyot. Hindi magkasalungat na suliranin ang sobrang tubig at kakulangan nito; kapwa nilang sinusubok kung gaano kahusay pinamamahalaan ng bansa ang tubig na mayroon tayo, kung kailan ito dumarating, at kung saan ito napupunta.
Ang tubig-ulan na hindi kayang maayos na pamahalaan ay maaaring bumaha sa isang komunidad, sumira ng pananim, at magdulot ng pinsala sa imprastraktura. Ngunit kapag dumating ang mas mahabang panahon ng tagtuyot, ang kakulangan sa imbakan, maayos na distribusyon, at pangmatagalang pagpaplano ay maaari namang magpalala sa kakulangan ng tubig para sa mga tahanan, sakahan, at industriya.
Noong Setyembre 23, nagbabala ang PAGASA na ang kasalukuyang Strong El Niño ay inaasahang lalakas tungo sa Very Strong El Niño sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026 at maaaring magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027. Inaasahan ang mas mataas na panganib ng dry spells, drought, at stress sa suplay ng tubig, gayundin ang mga epekto sa agrikultura, pagkain, enerhiya, kalusugan, at ekonomiya. Gayunman, kahit sa pangkalahatang mas tuyong kondisyon ng El Niño, maaari pa ring magkaroon ng localized heavy rainfall mula sa habagat at tropical cyclones.
Ibig sabihin, hindi maaaring magplano ang pamahalaan na para bang may simpleng switch ang kalamidad: baha ngayon, tagtuyot bukas. Maaaring magkasabay ang matinding pag-ulan sa isang lugar at kakulangan ng tubig sa iba. Maaari ring bumuhos nang sobra ang ulan sa loob ng ilang araw, saka sundan ng mahabang panahong halos walang sapat na patak para sa mga sakahan at reservoir.
At kung ang imprastraktura at pamahalaan ay idinisenyo lamang para sa isang uri ng problema, lagi tayong mahuhuli sa susunod.
Ito ang hamon ng climate change: hindi nito kailangang gawing pare-pareho ang panahon upang gawing mas mahirap ang paghahanda. Kaya ang responsibilidad ng pamahalaan ay hindi lamang tumugon kapag may baha, maglabas ng relief kapag may kalamidad, o mag-inspeksyon ng nasirang tulay. Kailangan nitong bumuo ng mga sistemang gumagana bago pa dumating ang panganib—at sapat ang kakayahang umangkop kapag nagbago ang mga kondisyon.
Maaaring habulin ng imbestigasyon ang mga taong nagkamali, at dapat lamang silang managot kung mapatunayan may pananagutan sila. Ngunit kahit matapos ang mga pagdinig at makamit ang hustisya, kailangan pa ring harapin ng bansa ang ulan. At hindi rin naghihintay ang El Niño.
Kaya ngayong tapos na ang habagat, hindi dapat matapos sa pagbilang ng mga binahang lugar ang pagsusuri. Dapat nating alamin kung aling mga proyekto ang gumana, alin ang nabigo, alin ang kailangang baguhin, at alin ang hindi na sapat para sa mga kondisyong kinakaharap natin. Kasabay nito, dapat ding itanong kung paano magagamit at mapangangalagaan ang tubig upang hindi mauwi sa panibagong krisis ang mga susunod na buwan ng kakulangan.
Matagal nang may mga planong maganda sa papel ang Pilipinas. Ang kailangan natin ngayon ay mga planong gumagana sa tubig—kapag sobra ito at kapag kapos.
Dahil pagkatapos ng baha ay maaaring may ibang uri ng krisis na kumatok. Maaari itong magsimula sa isang gripo na mas matagal bago mapuno, isang bukid na kulang ang moisture, isang reservoir na unti-unting bumababa, isang magsasakang kailangang baguhin ang iskedyul ng pagtatanim, o isang lungsod na kailangang magtipid sa tubig.
Hanggang sa isang araw, mapapansin nating ang problemang dati nating tinatamasa gamit ang bangka ay siya namang problemang hinahanap natin gamit ang timba. Ngayon, basang-basa pa tayo sa patuloy na kapalpakan. Ngunit sa mga susunod, tila tayo ay manunuyot. At pareho silang nagtatanong ng iisang bagay: Handa ba talaga tayo?
Hindi humihingi ang climate change ng perpektong panahon. Hinihingi nito ang isang estadong marunong maghanda para sa panahong hindi perpekto. Kung sapat na ang isang habagat upang ilantad ang mga bitak sa ating flood-control system, maaaring ang darating na tagtuyot naman ang maglantad sa mga kakulangan ng ating pamamahala sa tubig.
Dahil ang tubig ay maaaring humupa, ngunit hindi dapat humupa ang pangangailangang ayusin ang sistemang humaharap dito. Kung hindi natin gagamitin ang panahong sariwa pa ang alaala ng baha upang itama ang mga pagkukulang, baka sa susunod na dumating ang krisis ay hindi na baha ang pangunahing problema.
Pumapatak na naman ang kapalpakan. At sa pagkakataong ito, baka hindi tubig ang susunod na pumatak baka wala na talaga.
Artikulo: Kyan Miguel San Agustin
Grapiks: Justine Ceniza





Comments