Ang Tunay na Peste sa Sakahan
Insulto at hindi katanggap-tanggap ang baldeng solusyon ng pamahalaan sa tone-toneladang problemang kinakaharap ng uring magsasaka sa banta ng Super El Niño sa bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan ang paglakas ng El Niño na maaaring magdulot ng kakulangan sa ulan, dry spells, at tagtuyot sa malaking bahagi ng bansa mula Setyembre at tatagal hanggang sa mga unang bahagi ng 2027.
Hindi na bago ang El Niño. Isa itong ordinaryong pattern ng klima kung saan mas higit ang init na ating mararanasan sa maraming bahagi ng bansa. Dahil dito, mahalagang ito ay lubos na pinaghahandaan, hindi lamang ng taumbayan kundi pati na rin ng mismong pamahalaan.
Ngunit gaano nga ba tayo kahanda sa ganitong sitwasyon, kung ang mismong gobyerno ay walang konkretong solusyon?
Nitong Oktubre 12, sa isang panayam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang nasa Singapore, tinalakay nito ang mga paghahanda para sa Super El Niño mula sa mga subsidiya ng mga ahensya at ang pag-iipon ng tubig-ulan sa mga balde. Maging ang pamimigay ng mga water filtration kit para sa inuming tubig. Kung ating titingnan, may punto naman ang mungkahi, ngunit katatwang marinig ito sa isang pangulo na siyang dapat handang ibigay ang pinakamabisang serbisyo para sa taumbayan.
Maaaring mapakinabangan ang tubig-ulan, ngunit hindi ito awtomatikong ligtas na inumin kung walang wastong proseso ng pagsasala. Kahit pa maglaan ng mga balde na may water filtration at maglabas ng maraming madramang demonstrasyon ang ahensya, wala pa ring kasiguraduhan na ito’y masasala nang maayos. Hindi sapat ang demonstrasyon lamang; kailangang mapatunayan din ang kaligtasan at pagiging epektibo ng sistemang ito para sa mga Pilipino.
Bagama’t maaaring ipandilig ang tubig-ulan, hindi sapat ang balde lang para diligan ang mga sakahan dahil bilang agrikultural na bansa, isa sa mga pinakaapektado nito ay ang mga sakahan at mga magsasaka—sapagkat kung walang ulan, walang sapat na tubig, walang itatanim, at wala tayong maihahain sa hapagkainan.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) noong Setyembre 26, tinatayang nasa 223,214 ang bilang ng mga magsasaka ang apektado ng pagkasira ng mga sakahan dahil sa El Niño. Ito’y nagresulta sa pagkawala ng produksyon na humigit-kumulang 163,812 metriko tonelada, habang umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala at pagkalugi ng sektor ng agrikultura.
Sa kabilang banda, hindi pa man umaabot sa Super El Niño ang panahon, matagal nang nagdurusa sa sakahan ang mga magsasaka.
Ayon sa pag-aaral ng The Global Food Banking Network, tinatayang 50% ng mga inaning pananim sa Pilipinas ang nasasayang lamang bawat taon, dahil sa kakulangan ng imbakan at bagsakan. Kabilang na rito ang tone-toneladang nasisirang pananim sa panahon ng bagyo o tagtuyot bago ang itinakdang anihan nito. Kung hindi nasisiraan ng pananim, binabarat naman sa merkado ang mga magsasaka, at ang pinakamabigat para hindi pa lalong malugi, hinahayaan na lang mabulok ng ilang magsasaka ang mga produktong para sa kanila “hindi rin naman maibebenta”.
At imbes na suportahan ng gobyerno ang mga magsasaka upang maiwasan ang pagkasira ng mga ito, taun-taon ay umaabot pa sa apat na milyong metrikong tonelada ang inaangkat na mga produkto tulad ng bigas at mais na siyang pangunahing inaani sa bansa. Kaya ngayon, papalo sa limang milyong metrikong tonelada ang ating iaangkat.
Hanggang kailan aasa ang gobyerno sa importasyon bilang solusyon sa tuwing may krisis ang lipunan? Hindi importasyon kundi suporta sa lokal na produksyon ang kailangan ng mga magsasaka mula sa gobyerno.
Kahit pa naglabas ang pamahalaan ng pangunang P6.2 bilyon para sa mga magsasaka at mangingisda, hindi ito magiging sapat hangga’t umiiral pa rin ang sistemang pyudal at mala-pyudal kung saan ang lupang sakahan ay nananatiling kontrolado ng iilang panginoong maylupa. Hindi nito masosolusyunan ang matagal ng problema sa sakahan.
Dahil kahit tuyot ang kabukiran, mananatiling lubog sa putik ang mga magsasaka hangga't ang tunay na peste ay nasa sakahan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 72% ng mga sakahan noong 2022 ang hindi lubos na pag-aari ng mga mismong nagsasaka sa mga ito. Sa ilang rehiyon, kabilang ang Western Visayas, Negros, at Bicol, umaabot ang bilang na ito sa walo sa bawat sampung sakahan.
Maging sa paglipas ng mga dekada, ang orihinal na pangakong 10.3 milyong hektarya ng Department of Agrarian Reform, na bumagsak sa 5.4 milyong hektarya sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng 1988, ay 4.9 milyong hektarya pa lamang ang naipamamahagi.
Bukod dito, sa paglipana ng mga peste sa kalunsuran, pilit pinapatahimik ang sigaw ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Nariyan ang walang habas na pamamasista ng kapulisan sa mga mobilisasyon mula Oktubre 15 hanggang Oktubre 19, hindi lamang sa mga magsasaka bagkus pati na rin sa midya at kabataan.
Kaya kung balde lamang at kakarampot na ayuda ang solusyon ng gobyerno, huwag nilang harapin ng karahasan ang mga Pilipino, dahil hindi ito sapat sa matagal na kasaysayan ng pananamantala sa mga magsasakang Pilipino.
Pangmatagalang solusyon ang dapat na ihain ng pamahalaan. Nararapat lamang na pondohan ang produksyon, mula sa mga pataba at patubig sa irigasyon, hanggang sa pag-angkat ng mga lokal na produksyon tungo sa merkado. At ang pinakamahalaga, ang matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ay ang pantay na pamamahagi ng mga lupain sa ipinangako ng CARP.
Sa laki ng suliranin ng mga magsasaka sa panahon ng Super El Niño, kabastusan na marinig ang isang baldeng ulan bilang solusyon. Wari’y sinasanay na lamang ang taumbayan sa mga hindi makatotohanang lunas imbes na magtakda ng komprehensibong aksyon.
Hindi naman nakakagulat pa dahil hangga’t ang mga nakaupo sa pamahalaan ay ginagawang komedya ang kalbaryo ng mga magsasaka sa kanayunan, wala tayong kahihinatnan. Kaya’t upang ito’y mapagtagumpayan, magpapatuloy ang pagtangan sa mga karit at maso ng uring magsasaka hangga’t ang para sa kanila ay makamtan, at tuluyang magapi ang mga peste sa sakahan.
Artikulo: Roselle Ochobillo
Dibuho: Raeka Alcaraz





Comments