top of page

Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 4 minutes ago
  • 2 min read

"Bata, bata, paano ka ginawa?"

Tanong ng sistemang nagsuot ng maskara.

Hinulma ba ng luha ang iyong simula,

O ng semento ng kalsadang puno ng kaba?

Hindi ka hinubog sa banig ng kalinga,

Kundi sa ingay ng gabi at talsik ng mura;

Ang naging duyan mo’y esterong mabaho,

At ang unang gatas ay usok ng kanto.



"Bata, bata, paano ka ginawa?"

Nililok ang isip mo ng aming kawalan,

Sinalpakan ng baril sa larong taguan,

Tinuruan ng gutom na ang mabuhay ay digmaan,

At ang batas ng gubat ang tanging katotohanan.

Ang papel at lapis na dapat ay hawak—

Pinalitan ng plastik na may "shabu" at tanso’t pilak;

Ikinandado ka namin sa labas ng paaralan,

Kaya sa dilim ng eskinita ka natutong lumaban.


"Bata, bata, paano ka ginawa?"

Ginawa ka ng aming marahas na ngiti,

Ng sulyap na bulag sa iyong pighati;

Tenga ng lipunan ay bingi sa ‘yong  iyak at hikbi,

Kaya sa dilim ng kalsada ka naghanap ng pagkandili.

Hinubog ang utak mo sa bakal at dugo

Ng mga sindikatong sa batas ay nagpapakasubo;

Ikaw ang naging mitsa ng kanilang negosyo,

Habang ang gobyerno'y nagpapakasasa sa ginto.


"Bata, bata, paano ka ginawa?"

Sa pagitan ng gutom at hampas ng magulang,

Kung saan ang pag-asa ay laging nagkukulang;

Ang murang kaisipan na dapat ay dalisay,

Ay naging mistulang kabaong na walang buhay.

Ang bawat sampal ng tadhana at lipunan,

Ay tila pako sa krus na iyong pinapasan;

Paano ka magiging mabuting mamamayan

Kung ang paligid mo'y puno ng karahasan?


At ngayong ang kamay mo ay may mantsa ng krimen,

Ang hatol ng rehas ang nais nilang ihain;

“Ibaba ang edad, ikulong ang paslit!”

Sabi ng mga haring ang puso ay galit.

Ngunit sino ang may sala sa dugong dumanak?

Ang lason ba sa baso, o ang sistemang nagtulak?

Nang ang murang kaisipan sa dumi ay lumubog,

Ang lipunan ang siyang unang gumuho at nadurog.


Huwag mong sisihin ang murang halaman,

Kung ang lupang tinaniman ay tigang at may lason naman.

Ang tubig na dilig ay luha ng bayan,

Paano hahaba ang malalagong dahon sa parang?

Ang tunay na may sala ay ang nakaupo,

Sa malalaking silya na ginto ang trono,

Pinapanood ang batang sa gutom ay napadpad,

Upang kumuha ng tinapay na isusubo sa lahat.


Bawiin ang batas na walang kasing-pait,

Huwag mong itulak sa dilim ang may bitbit.

Ayusin ang lipunan, ang dumi ay iligpit,

Iligtas ang bata sa kamay ng malulupit.

O, lipunang bulok, dinggin ang babala:

Ang batang binalewala ay magiging malalang pinsala;

Ang sugat ng kahapon na hindi mo ginamot,

Ay magiging kanser na bukas ay lalamon sa takot.


Huwag ibilanggo ang murang biktima,

Baguhin ang lipunan, ayusin ang sistema;

Ibalik ang bata sa laro at sa kalinga,

Huwag silang itapon sa dilim ng kabaong ng hustisya.

Ang pagpapabaya sa munting kaisipan

Ay ang pinakamalalang sakit na papatay sa ating kinabukasan.


Artikulo: Sayrine Cornito

Dibuho: Kaiser


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page