top of page
Writer's pictureThe Communicator

Balik-Tanaw: Mga Aral at Repleksyon sa Unang Semestre

Sa nakakapagod na mga buwan at sa nakakalunod na mga gawain sa paaralan, tiyak na wala na tayong ibang hiling kundi ang sembreak. Sa dami ng kaganapan, tila naging mabagal ang takbo ng oras; kahit ilang buwan lamang ay tila isang taon na nga ang nakalipas. 



Sa wakas, ayon sa ating university calendar, matatapos na ang tila walang katapusang unang semestre ngayong ika-11 ng Pebrero. Ngunit bago natin simulan ang panibagong yugto ng ating buhay-estudyante, halina’t balikan ang mga kaganapang tinawid natin nitong nagdaang semestre! 


Sino ba naman ang makalilimot sa taunang “Balik Sinta” sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) na talaga namang inaabangan at dinadagsa ng mga mag-aaral dahil sa samu’t saring mga aktibidad na pinangungunahan ng iba’t ibang mga organisasyon sa pamantasan. Dito, binibigyan ang bawat iskolar ng bayan ng espasyo kung saan maaari nilang itaas ang kanilang mga kamao at isigaw ang kanilang mga panawagan.


Magandang bungad at pagsalubong ito para sa mga estudyante, lalo na sa mga bagong iskolar na nagsisimula pa lamang makilala ang Sintang Paaralan at alamin kung ano ba ang ibig-sabihin ng pag-aaral dito. 


Matapos ang Balik Sinta, balik-aral naman ang naging gawi ng marami nang magsimula ang regular na klase sa unang semestre. Sa pagkakataong ito, mas naging buhay ang bawat silid sa loob ng pamatasan lalo na’t unti-unti na tayong bumabalik sa tradisyunal na paraan ng pag-aaral. Makikita sa pagtahak sa mga silid-aralan at kahabaan ng pasilyo ang mga mag-aaral na abala sa pakikibahagi sa talakayan o ‘di kaya’y paghahanda ng kanilang mga presentasyon at gawain sa kanilang mga kurso. 


Ngunit may bahagyang paghinto rin sa pisikal na mga klase dulot ng mga tigil-pasada na inorganisa ng mga tsuper ng dyip bilang panawagan at paghahayag ng kanilang pagtutol sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Gaya noong kasagsagan ng pandemya, online class ang naging takbuhang alternatibo ng unibersidad upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante. 


Sa malawakang pakikibaka sa kalsada, hindi nag-iisa ang mga tsuper dahil nakiisa rin ang maraming grupo ng mga PUPian upang mas palakasin pa ang panawagan at ipakita na “sa laban ng mga tsuper, kasama ang komyuter.” 


Tila mga alon sa dagat ang pagdagsa ng mga gawain, magsisimula sa maliit hanggang sa unti-unting lumalaki na maaari ka nang lunurin. Kaya naman sa nakalulunod na mga gawain, mahalagang matutunang lumangoy at isalba ang sarili. 


Nitong nagdaang Pasko at bagong taon, isang malaking hamon ang pamamahala sa oras dahil sa kabi-kabilang handaan at pagdiriwang kasabay ang mga mabibigat na gawaing kailangan ipasa sa takdang oras. Biro nga ng ilan, habang ang marami ay nagsasalo-salo sa hapagkainan, ang iba’y kaharap ang mga gawaing dapat tapusin. 


Hati ang isip at nagugulumihanan—ano ba dapat ang unahin, ang pagpapahinga at kasiyahan o ang mga responsibilidad sa paaralan? 


Sa dalawang bagay na tinitimbang, hindi naman kailangan mamili dahil pareho itong mahalaga at dapat bigyang pansin. Karapatan natin ang makapagpahinga at maging maligaya sa piling ng ating pamilya lalo na sa mga espesyal na okasyon, ngunit dapat din natin isaalang-alang ang ating tungkulin bilang mag-aaral at iskolar ng bayan. 


Bukod sa bigat ng mga gawain sa paaralan, naging hamon din ang pagratsada ng National Polytechnic University (NPU) Bill sa Senado noong Oktubre 2023. Ilan sa mga pangambang bitbit nito ay ang pagbabalik ng matrikula at iba pang gastusin sa Sintang Paaralan. Banta rin ito sa mga kursong hindi nabibigyan ng sapat na pondo lalo na at nakapaloob sa panukalang ito ang pagpapanday sa mga kursong engineering and architecture, applied sciences, accountancy, law, education at business and management. Patunay na mas lalong maghihirap ang mga estudyanteng napapabilang sa mga kursong hindi kasama sa prayoridad ng mandatong ito. 


Siguro, kung makakapagsulong ng mas makamasa at makaestudyanteng mga polisiya, hindi na natin kailangan ipaalala pa sa mga nanunungkulan ang karapatan ng lahat sa dekalidad at aksesableng edukasyon. Hindi na sana tayo nagtitiis sa limitadong kagamitan at pasilidad. Higit sa lahat, hindi na sana natin pasanin pa ang pagtawag sa pagbibigay solusyon sa mga suliraning dapat ang administrasyon ng pamantasan ang siyang tumutugon.


Maaaring sa puntong ito ay pagod ka na at nagsasawa nang balikan ang mga nakaraang nangyari lalo na’t talaga namang naging highlight ng unang semestre ang mga pagod at stress moments. 


Ngunit, sa kabila ng mga ito, naging maganda ang pagtatapos ng taong 2023 dahil sa pagkamit ng tunay na representasyon ng mga mag-aaral ng unibersidad—ang pagkapanalo ng pangulo ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) Miss Kim Modelo bilang ika-24 na student regent ng Alyansa ng Nagkakaisang Konseho (ANAK) PUP Federation


Ang pagkapanalong ito ay hindi lamang tagumpay ng libo-libong mga estudyante, patunay rin ito na ang sama-samang pagkilos at pagsulong ng iisang hangarin ay tiyak na magdudulot ng maliwanag na kinabukasan. Kaya’t sa mga susunod pang pagkakataon, piliin natin ang mga lideratong handang sumandig sa interes, kapakanan, at karapatan ng bawat iskolar ng bayan.


Nakakapagod ang mga nagdaang buwan. Bagaman nakakayanang magpatuloy sa kabila ng mga hirap na nararanasan bilang isang estudyante, hindi dapat nagiging pribilehiyo ang mga karapatan na dapat tinatamasa natin. Hindi sapat ang pagpapagal at katatagan upang makaligtas mula sa nakapanlulumong sitwasyong pilit na ipinamumukha na bahagi ng proseso tungo sa progreso. 


Kaya't sa darating pang mga semestre, kasabay ng pagharap sa mga panibagong hamon, patuloy na palakasin ang ugong ng mga panawagan, paigtingin ang kolektibong pagkilos, at kalampagin ang mga nanunungkulan.


Dahil sa bawat puyat at pagod,

Sa bawat puhon at padayon,

At sa bawat pagtindig at pananatili,

Kalakip nito ay ang mga pangarap hindi lamang sa sarili, kundi maging para sa masa. 


Artikulo: Yzabelle Jasmine Liwag & Brian Rubenecia

Grapiks: Hannah May Manalo


Comments


bottom of page