Sinalubong ang pagtatapos ng taon ng malawakang kilos-protesta ng mga tsuper, operator, komunidad ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) at iba’t ibang progresibong sektor upang ipanawagan ang pagpapabasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa Mendiola, Disyembre 29.
Pinangunahan ng grupong PISTON at MANIBELA ang pagtitipon sa kahabaan ng UP Diliman upang simulan ang araw sa isang misang pasasalamat na pinamunuan ni Fr. Robert Reyes. Sinundan ito ng solidarity lunch kasama ang mga tsuper at mga nasa hanay bago isinagawa ang jeepney caravan papuntang Welcome Rotonda sa Quezon City.
Dumalo rin ang iba’t ibang balangay ng transport groups mula sa kalakhang Maynila habang humanay sa Welcome Rotonda ang komunidad ng PUP na nakapagpadalo ng 315 na estudyante mula sa mga organisasyon tulad ng Anakbayan PUP, League of Filipino Students (PUP), SAMASA PUP, at mga kolehiyo sa loob ng PUP.
Nakasama rin ang ibang kabataan at pangmasang organisasyon gaya ng GABRIELA, Kabataan Partylist, Anakbayan, at Kilusang Mayo Uno kabilang ang mga pangsining at kultural na organisasyon tulad ng Panday Sining, Sining Bugkos, at Tambisan ng Sining.
Sa gitna ng mahabang hanay ng masang nagmamartsa, nagkaroon ng giriian sa pagitan ng kapulisan at mga tsuper, gawa ng pagharang ng mobil ng kapulisan sa kahabaan ng Recto.
Dagundong ang sigaw na “Laban!” at patuloy na militanteng pagkilos ang dinig nang nakarating sa paanan ng Mendiola ang protesta, na siyang sinundan ng pagsisimula ng programa at mga kultural na pagtatanghal mula sa mga multi-sektoral na organisasyon.
Sinimulan ni Ka Mody Floranda, Presidente ng PISTON ang programa at nagbigay diin sa huwad at bogus na modernisasyong itinutulak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng Department of Transportation (DOTr).
Binigyang pansin din niya ang mga lugar sa labas ng NCR na apektado sa nangyaring tigil-pasada nitong mga nakaraang buwan kagaya ng Iloilo, Bacolod, Cebu City, at iba pa.
“Kung ang layunin ng gobyerno ay ayusin ang moda ng transportasyon, dapat inuna ng gobyerno ay ang paglilikha ng sariling industriya dito sa ating bansa,” giit ni Floranda.
Ayon naman kay Mar Valbuena ng MANIBELA, mula ng maihain sa gobyerno ang usapin ng PUV modernization noong 2017 hanggang sa panahon ni Ferdinand Marcos Jr., tila naging dagdag isipin sa kagaya nilang mga drayber-opereytor ang panggigipit ng Omnibus Franchise Guidelines.
“Maraming magagandang jeep katulad ng ating mga dala-dala ngayon, ang nagpapamalas na kaya nating sabayan ang gawa ng ibang bansa at hindi ito mapapantayan ng mga dayuhan. Katulad ng sinasabi natin, maraming nag-modernize sa atin, marami ang nakapag-rehabilitate ng hindi kinakailangan pumasok sa kooperatiba, hindi kinakailangan mag-consolidate at hindi kinakailangang magbayad ng mahal!“ pahayag ni Balbuena.
Matatandaang layon ng PUVMP na ikonsolida ang prangkisa ng mga tsuper at i-phaseout ang mga traditional jeepneys upang mapalitan ito ng mga bagong yunit na nagkakahalaga ng humigit kumulang 2.8 milyong piso.
Kamakailan lamang ay naglabas ng bagong ekstensyon ang LTFRB kung saan pinahihintulutan ang mga “unconsolidated jeepeneys” na pumasada hanggang Enero 31, 2024 ngunit nanatili pa rin ang deadline ng franchise consolidation sa Disyembre 31, 2023.
Nagpatuloy pa ang programa sa pagpapahayag ng iba’t ibang drayber-operator kasama ang mga iskolar ng bayan hinggil sa dagok na dala ng jeepney phaseout sa sambayanang Pilipino, habang nagkaroon din ng mga pagtatanghal mula sa iba’t ibang pangsining na organisasyon.
Nang matapos ang programa sa Mendiola, sabay-sabay na nagsindi ng kandila ang mga tsuper kasama ang iba pang rallyista bilang tanda ng panawagang pagbabasura sa ‘di umano’y dilim na bitbit ng jeepney phaseout sa kabuhayan ng mga tsuper at komyuter.
Samantala, nagpatuloy pa sa pagmartsa ang hanay ng mga tsuper at progresibong grupo papuntang Recto upang doon isagawa ang kampuhan at programa. Sa gitna ng martsa, batid pa rin ang tensyon sa pagitan ng kapulisan at mga raliyista nang muling harangan ang hanay papuntang kampuhan.
Nagpatuloy naman ang programa at pagkampo sa kahabaan ng Recto kung saan inabot ng gabi ang protesta. Kabi-kabilang pagtatanghal, pagpapa-ingay at pagpapahayag hinggil sa epekto ng jeepney phaseout ang gumising sa diwa ng kalsada.
Sa nalalapit na deadline hinggil sa franchise consolidation, nanatiling nagpapatuloy sa pagtulong ang mga Iskolar ng Bayan para sa mga jeepney drivers at operators na apektado sa mga nagdaang tigil pasada. Kabi-kabilang donation drive ay isinasagawa ng Tulong Kabataan Sta. Mesa kasama ang mga organisasyon sa PUP para maipamahagi sa mga pamilya at tsuper na nakiisa sa malawakang transport strike nitong mga nakaraang buwan.
コメント