top of page

MassComm-plikado: Pagkaantala ng Gusaling Pangarap ng mga COCians

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 3 hours ago
  • 6 min read

Mataas na gusali, kumpletong pasilidad, at maayos na kagamitan—ilan lamang ito sa mga inakalang makikita ni Raeka Alcaraz, isang first-year Journalism student, sa kanyang unang pagtapak sa PUP - College of Communication (COC). 



Lingid sa kaniyang kaalaman, may dalawang dekada nang hamon na kinahaharap ang kolehiyo: ang kakulangan sa mga klasrum at pasilidad. Ngunit, sa kabila ng mga hamon, simula nang itinatag ito noong 2001, patuloy pa ring nagsisilbing gabay ang COC sa libu-libong mag-aaral na nagnanais tahakin ang mundo ng pamamahayag at komunikasyon. 


Magmula noon, nagsisilbing kanlungan ang kolehiyo sa mga kabataang nagmumula pa sa mga malalayong lugar, sa pangarap na maging isang alagad ng midya. Isa na rito si Alcaraz, na nagmula pa sa Dasmariñas, Cavite. Nagtapos siya sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) strand noong senior high school. Sa kaniyang pagtungtong sa kolehiyo, pinili niyang pasukin ang kursong Journalism dahil sa kaniyang talento at karanasan sa kartuning at pagbabalita. 


Subalit sa kanyang pagpasok sa kampus, hindi maiwasang mapansin ni Alcaraz ang malinaw na kakulangan sa mga pasilidad at kagamitan ng kolehiyo.


“Noong unang pagtapak ko dito, I was expecting, mas mataas pa na building. No’ng nakita ko yung mga classrooms, maliit s’ya. And, ‘yung ibang upuan, parang umuuga. Tapos, ‘yung iba, parang butas na yung sa foot na pang-tapak [ng upuan].”


Para naman kay Mikaelah Bianca Panopio, isang graduating Journalism student, apat na taon na ang lumipas ngunit nananatiling isang munting pangarap ang magkaroon ng kumpleto at maayos na pasilidad sa COC—pangarap na hindi pa rin natutupad sa kanyang huling taon sa unibersidad.


Sa simula pa lamang ng kaniyang paglalakbay sa kolehiyo, mataas na rin ang kanyang mga inasahan.


“Nag-expect ako na s’yempre itong school na ito ay talagang maghubog sa akin or it will shape me to become a future journalist or communication individual. So, ang in-expect ko na meron sa school natin ay of course complete facilities or equipments.”


Bagama’t matagal nang umaalingasaw ang mga suliraning ito, patuloy na nagluluwal ang kolehiyo ng mga tanyag at matagumpay na personalidad sa industriya ng midya katulad nina Ted Failon, Steve Dailisan, Maricel Halili, Betong Sumaya, at Joy Barcoma.Minsan na rin nilang dinanas ang mainit na klasrum, limitadong espasyo, kulang na pasilidad, at sira-sirang kagamitan.


Kaya naman, ang planong pagpapatayo ng bagong gusali para sa kolehiyo ang isa sa pinakainaabangang proyekto ng mga COCians. Inaasam nilang magsisilbi itong bagong lugar na may malawak na espasyo ng pagkatuto kung saan maaari nilang higit na paunlarin ang kanilang kaalaman at kasanayan. 


Subalit sa loob ng 24 na taon ng pagtuturo, nananatili pa rin itong plano. Nasaan na nga ba ang pangakong “Mass Communication Building”?


Pagkaantala ng Mass Communication Building


Noong Abril 11, 2025, nakatakdang simulan ang konstruksyon ng Mass Communication Building batay sa tarpaulin na makikita sa loob ng kampus. Itinakda rin dito na matatapos sa Marso 6, 2026. Subalit, matapos ang halos isang taon, wala pa ring makikitang pundasyon o anumang bahagi ng gusali na naipatayo.


Sa ibinahaging panayam ni Architect Reynaldo C. Ventura Jr., Director ng Physical Planning and Development Office (PPDO), naantala ang pagtatayo ng gusali dahil sa mga suliraning kinaharap sa disenyo, badyet, lokasyon, at pamamahala ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Noong nagkaroon ng inspeksyon at soil boring(isang proseso ng pagbubutas sa lupa upang suriin ang uri, tibay, at katangian nito bago magtayo ng gusali), ikinuwento ni Ventura na may natuklasan na problema sa lupang pagtatayuan ng Mass Communication Building, na nakatakdang itayo sa mga upuang may silungan sa  tabi ng main entrance, lugar na madalas tinatambayan ng mga estudyante kasama na rin ang carpark


Ayon sa kanya, kinakailangan ang mas matibay na pundasyon upang matiyak ang kaligtasan at katatagan ng gusali. Dahil dito, kinailangang baguhin ang orihinal na disenyo nito na nagdulot ng pagkaantala sa proyekto.


Larawan 1. Unang disenyo ng “PUP Mass Communication Building & Fernando Poe Jr. Film Center”
Larawan 1. Unang disenyo ng “PUP Mass Communication Building & Fernando Poe Jr. Film Center”

Dagdag pa ni Ventura, posible ring maapektuhan ang kasalukuyang COC building sa naging orihinal na disenyo. Aniya, maaaring gibain ang ilang bahagi nito, na siyang hindi rin pinahintulutan ni Dean Joey Alagaran II. 


Naging balakid din para sa pamantasan ang pakikipag-ugnayan sa DPWH dahil sa kawalan ng tiyak na pinuno sa proyekto, bukod pa sa kinakailangan ding maghintay ng ilang araw o linggo bago makapagsagawang mga pagpupulong kasama ang ahensya.“We don’t know kung sino ang kakusapin pa namin kasi hindi pa namin alam kung sino ang assigned permanent. Puro, ano pa lang, officer in charge,” saad ni Ventura. Kaya hanggang ngayon, phase one (pagsusuri sa lamang lupa at lokasyon) pa lamang ang natapos at napondohan, at wala pang malinaw na iskedyul para sa mga susunod na hakbang.


Larawan 2. Kasalukuyang itsura ng lokasyon na pagtatayuan ng bagong Mass Communication Building.
Larawan 2. Kasalukuyang itsura ng lokasyon na pagtatayuan ng bagong Mass Communication Building.

Ngunit tiniyak ni Ventura na nakikipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng PUP sa ilang opisyal ng gobyerno upang maumpisahan na ang Mass Communication Building.


Gayunpaman, natapos na ang bagong disenyo ng six-storey Mass Communication Building na may limang klasrum sa bawat palapag. Nakatakda itong bumahay sa mga opisina, conference room, TV Studio Laboratory, Digital Post Production, Recording Studio, boardroom, meeting room, auditorium, at open garden.


Larawan 3. Aprubado at Bagong Disenyo ng Ipapatayong Mass Communication Building
Larawan 3. Aprubado at Bagong Disenyo ng Ipapatayong Mass Communication Building

Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon ni Dean Alagaran II kaugnay ng mga magiging plano sa oras na magsimula ang konstruksyon ng gusali. Ayon sa kanya, posibleng ilipat ang ilang klase sa ibang kolehiyo, kabilang ang paggamit ng ilang klasrum sa College of Law sa ground floor ng Ninoy Aquino Library and Learning Resources Center (NALLRC) sa PUP Main Campus upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagdaraos ng mga klase.


“So it's either we will be transferred to some other buildings or colleges kung meron pa talagang rooms na available. We cannot immediately request that our classes be switched to the online mode. Siyempre aaralin pa ‘yun.”


Danas ng mga COCian


Habang naghihintay sa bagong tahanan, patuloy pa rin na ang pagtitiis ng mga COCian sa siksikan at kulang na pasilidad ng kasalukuyang building ng kolehiyo. Matatagpuan sa dalawang palapag nito ang mga klasrum at ilang mga pasilidad tulad ng Radio Booth, TV Broadcasting Studio, Newsroom, Audio Visual Room, at Library. Subalit hindi nangangahulugan na nagagamit agad ang mga na ito ng mahigit 2,000 lokal na mga estudyante ng kolehiyo.


Kamakailan lamang ay naalarma ang mga Iskolar ng Bayan matapos mapabalita ang planong pagsasagawa ng buong implementasyon ng face-to-face classes sa pamantasan. Ngunit mariin itong kinondena ng maraming mga estudyante, maging ng mga COCian, dahil sa limitadong bilang ng mga silid at espasyo.


Dagdag pa rito, sa halip na maging madali at bukas para sa lahat ang mga pasilidad, ang pagkamit sa akses ng mga ito ay tila roller coaster ride dahil sa paikot-ikot na proseso ng pag-aasikaso ng mga dokumentong kinakailangan. Kabilang dito ang paglakad ng mga papeles sa mga opisina sa kolehiyo at sa Main Campus upang magpapirma at magpa-apruba sa paggamit ng mga silid at kagamitan.


Ang resulta—napipilitan ang karamihan sa mga COCian na maglabas ng mga sariling pera o mag-crowdfunding upang makapagrenta ng mga studio, pasilidad o ‘di kaya’y mga kagamitan sa labas ng kolehiyo sa tuwing may mga production work. Kung walang sapat na pondo, nagiging hamon sa kanila ang makalikha ng de-kalidad na awtput.


Namamaluktot pa rin sa maikling kumot ang mga student organizations at mga publikasyon para lamang mairaos ang kanilang mga event na kung minsan ay sariling gastos ng mga estudyante ang pagrenta sa mga venue upang magamit ito. 


Bagama’t may mga pagkakataong binabawasan o tuluyang naaalis ang mga bayarin sa pag-akses nito, nananatili pa rin itong dagdag-pasanin sa mga Iskolar, ayon sa COC Student Council (COC SC).


“Isa rin sa mga malinaw sa atin sa Student Council na kailangan talaga yung mga venue na ’yan, yung electricity na ’yan, ay talagang nagagamit natin libre. Pero sa kasalukuyang lagay, hindi talaga natin siya nagagamit,” saad ni COC SC President Alvin Aligam sa isang panayam sa The Communicator.


Patunay ang mga karanasang ito na sa kabila ng libreng tuition fee sa pamantasan,  hindi pa rin ganap na “libre” ang edukasyon para sa mga Iskolar ng Bayan.


Ngayong taon, sa pagtatapos ng paglalakbay ni Panopio sa pamantasan, maaaring hindi na niya maabutan ang makapagklase sa mas maayos na silid at magamit ang mga bagong pasilidad. Ngunit ang pag-asa’y nananatili para sa freshman na si Alcaraz—ang pag-asang maranasan na ng mga COCian ang mga pagbabagong matagal nang hinihintay.


Magkaiba man ang panahon ng kanilang simula sa Sintang Paaralan, iisa ang kanilang paninindigan: ang bawat PUPian ay may karapatang tumanggap ng pantay, sapat, at dekalidad na edukasyon—hindi bilang pribilehiyo, kundi bilang karapatan.


Article: Jannine Lagbawan

Graphics: Ronalyn Hermosa



Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page