top of page
Writer's pictureThe Communicator

Modelo, inihalal na bagong Rehente; 24th ANAK PUP Congress, nairaos

Iniluklok si PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) President Miss Kim Modelo bilang kauna-unahang transgender womannaStudent Regent (SR) ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) noong Disyembre 10 sa kabila ng mga anomalya sa ANAK PUP Congress.

Ginanap ang 24th Alyansa ng Nagkakaisang Konseho (ANAK) PUP Congress nitong Disyembre 7–10 kung saan naghalal ng bagong ANAK PUP Executive Committee at ika-24 na SR na magiging tanging representante ng mahigit kumulang na 85,000 na Iskolar ng Bayan sa Board of Regents (BOR).


Matatandaan sa inilabas na programa ng 23rd ANAK PUP Federation, Disyembre 7 at 8 ang nakatakdang mga araw para sa kongreso ngunit umabot ito hanggang Disyembre 10 dahil sa kaliwa’t kanang iregularidad.


Layon ng naunang programa na mapag-usapan ang one-year program at General Plan of Actions (GPOA) ng 24th ANAK Federation, kasabay ng pagtalakay sa executive committee report at mga naisakatuparan ng 23rd ANAK Federation sa termino ng kanilang pamumuno.


Mga Iregularidad sa Kamay ng 23rd ANAK PUP Fed


Pagkadismaya ang naramdaman ng mga presidente at representante sa hindi magandang pagpapadaloy ng unang araw ng 24th ANAK PUP General Assembly na pinamunuan ni 23rd SR Provido bilang presider.


Naging mahigpit ang 23rd ANAK PUP Fed sa pagpapasok sa Zoom dahil kailangan nilang i-verify ang mga ina-admit. Kabilang na rito ang mga publikasyon na halos 30 minuto naghintay bago makapasok.


Sinimulan ang roll call sa kabila nang paulit-ulit na pagtaas ng hinaing ng mga SC presidents na ang iba sa kanila ay nasa lobby pa. Bukod pa rito, naging isyu rin ang pinapatayan sila ng mikropono habang nagpapaabot ng hinain.


Makailang ulit ding kinuwestyon ng mga presidente ang hindi pinangalanang dalawang secretariat sa pulong na inalis sa meeting matapos iminungkahi ni College of Education (COED) SC President Charles Janssen Dela Peña na tanggalin ang mga ito kung hindi magpapakilala.


Nagmungkahi ng bagong agenda si College of Social Science Student Council (CSSD SC) President Redphoebe Reyes para sa magiging daloy ng asembleya kabilang ang presentasyon ng 23rd ANAK PUP Fed ng accomplishment report.


Tinutulan naman ito ni PUP Biñan CSC John Warren Ching ang mosyon ni CAL SC Presdent Monge na i-livestream ang kaganapan sa Facebook page ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM) at nagbigay ng suhestiyon na ANAK PUP ang dapat mag-livestream na siya namang sinalungat ng karamihan upang maiwasan ang mga pansariling interes.


Samantala, isiniwalat ni PUP SKM President Modelo ang isang ulat mula sa isang impormante ng The Catalyst na inuudyok umano ni Ching ang ilang presidente na umalis sa Zoom meeting.


Nang magpatuloy ang panghapong sesyon, ipinagdiinan ni Provido na isuspende ito dahil marami ang hindi dumalo at wala umano ito sa quorum. Base sa ikalawang roll call, 15 ang absent at 26 naman ang mga dumalo.


Kinontra ng mga presidente ang desisyon ni Provido na kanselahin ang asembleya. Anila ay nasa sapat na bilang pa rin sila upang masabi na “in quorum” pa rin ito. Dagdag ni College of Tourism, Hospitality and Transportation Management (CTHTM) SC President Godofredo Baracca Jr., nagpapakita ito ng pagiging ‘unprofessional’ nila.


Bigla naman pinatayan ng mikropono ni Provido si Baracca Jr. at tinapos ang Zoom meeting.


Pagpapatalsik kay Provido at Pagbuo ng 24th ANAK PUP EleComm


Sa botong 18 pabor, tuluyang napatalsik sa puwesto si Provido bilang presider. Itinalaga namang President Pro Tempore si COED SC Dela Peña para sa pagpupulong na ito.


Matapos tanggalin ang standing Election Committee (EleComm) ng 23rd ANAK PUP, naitalaga si PUP Main Student Council COMELEC Chairperson Gad Thomas Duele Mendiola bilang punong-tagapangasiwa ng eleksyon nang imbitahan ni Dela Peña at mapagdesisyunan ang konseho na kunin ang mga miyembro ng EleComm mula sa mga opisyal ng Student Council COMELEC sa iba’t ibang sangay ng pamantasan.


Ang iba pang bumubuo sa EleComm ay sina PUP Maragondon COMELEC Chairperson Kiana Gele Denajiba bilang Vice-Chairperson, PUP Main Student Council COMELEC Secretary-General Melwel Arcel Gorumba bilang Secretary-General at PUP Main Student Council COMELEC CPSPA Deputy Commissioner Marvie Angeline Dapo bilang Deputy Secretary-General ng 24th ANAK Election Committee.


Natuon naman ang paksa kay PUP Ragay CSC President John Patrick Delima matapos niyang tanggapin ang nominasyon sa pagka-rehente na inihain ni PUP Pulilan CSC President Rheneboy Tabon. Kinuwestiyon ito ni CCIS SC President Hampal ang pag-organisa ng NTF-ELCAC ng tatlong araw na Youth Leadership Summit sa loob ng campus na sinuportahan ng PUP Ragay CSC.


“Sa basis natin sa Declaration of Principles ng ANAK, hindi siya tugma, ‘yong ginagawa ng PUP Ragay Campus and the same with the student body,” pagdidiin ni Hampal.


Bigo namang makasagot si Delima sa mga katanungang ibinato sa kaniya na naging basehan ng ilang mosyon na itinaas na idiskwalipika ang nominasyon ni Delima na umalis sa pagpupulong.


Nag-iisang kandidato para sa pagka-rehente si PUP Main Campus SKM President Modelo matapos maghain si Delima ng withdrawal sa kandidatura.


Nagtagal ng labing-anim na oras ang ikalawang araw ng 24th ANAK PUP Congress na natapos bandang 2:56 ng madaling araw ng Disyembre 9.


Mga Amyenda sa Implementing Rules and Regulations (IRR)


Makasaysayan ang mga repormang inilatag ng 24th ANAK sa pangunguna ni COED SC Dela Peña dahil sa pagtanggal ng mga probisyong “time-bound” sa IRR.


Nakagawian sa mga nakaraang asembleya na ang akdang IRR ng bababang SR ay mabisa lamang para sa taong iyon.


Matatandaang binuo ng 24th ANAK Fed ang EleComm na may mga election commissioner sa labas ng pederasyon. Ayon kay College of Political Sciences and Public Administration (CPSPA) SC President Danniel Jiro Fernandez, maaaring mawalan ng karapatan sa kandidatura kung miyembro ng ANAK Fed ang bubuo sa EleComm.


Itinuturing ito ni PUP Santa Maria, Bulacan (SMB) CSC President Sean Paul Dela Cruz bilang isang hakbang sa pagdedemokratisa ng eleksyon ng SR at ANAK PUP ang executive committee. Aniya, kaiba ito sa dating kalakaran na siyang “prone to railroading.”


Isinapubliko ang botohan sa pamamagitan ng pagpapakita ng Zoom meeting chat sa livestream na taliwas sa nakasaad sa 23rd ANAK PUP IRR na secret balloting.


Tinanggal ang probisyong ito dahil maaaring mamanipula ang bilang ng mga boto at hindi malaman ng sangkaestudyantehan kung sino ang mga bumoto maging ang piniling kinatawan ng kani-kanilang representante.


Tinukoy sa IRR na ang may karapatang bumoto ay tanging mga pangulo ng konseho o sinumang kinatawan nito na may kaakibat na authorization letter. Subalit, ang mga pansamantalang humalili ay hindi maaaring mailuklok sa anumang posisyon.


Nagtakda na rin ang 24th ANAK Fed ng mas tiyak na probisyon sa tiebreaker kung saan magsasagawa ng toss coin o wheel of names kung ang eleksyon ay nasa online setup.


Samantalang para sa mga posisyong vice president for campuses, vice president for branches at cluster representatives na kadalasang pinagbobotohan ng piling miyembro nito, magkakaroon muli ng isa pang votation kasama ang buong asembleya upang tibagin ang tie.


Tinanggal din sa 24th ANAK IRR ang probisyong nagbabawal sa mga publikasyon na isapubliko ang anumang audio o video recording ng miting de avance (MDA) at ng eleksyon.


Bilang isang third-party entity kung saan walang access ang ANAK PUP, ang AKM ay minamandato sa bagong IRR na pangasiwaan ang Zoom meeting na pagdarausan ng asembleya at MDA pati ang pag-livestream nito sa kanilang Facebook page.


Layon ng mga pagbabagong ito sa IRR na mapanatili ang kalinisan at demokrasya ng halalan na malayo sa admin intervention at railroading, isang bagay na hindi tinugunan ng 23rd ANAK PUP.


24th ANAK PUP Executive Committee


Inihalal si PUP SKM President Modelo bilang 24th SR ng ANAK PUP na nakakuha ng 26 votes, 3 abstain at 7 no votes mula sa mga presidente at kinatawan ng mga konseho na lumahok sa ANAK PUP.


Sina PUP Taguig CSC President Ramos naman ang nahalal na Executive Vice President, PUP Maragondon CSC President Raquion bilang Vice President for Branches, PUP Pulilan CSC President Tabon bilang Vice President for Campuses, CPSPA SC President Fernandez bilang Secretary-General, at CADBE SC President Amorosa bilang Finance Officer.


Samantala, nailuklok sina PUP San Juan SA President Quihano bilang NCR Cluster Representative, PUP Bataan SKM President Deplomo bilang Central Luzon Cluster Representative, PUP Alfonso SC President Tenorio bilang Cavite-Mindoro Cluster Representative, at PUP STB CSC Saranate Jr. bilang Laguna-Batangas Cluster Representative.


Nananatiling bakante ang Quezon-Ragay Cluster Representative dahil sa pagliban ng tanging kandidato. Tanging si PUP Mulanay USG President Rixon Talisic lamang ang dumalo dito ngunit walang paliwanag kung bakit hindi ito lumahok sa botohan.


Bilang bagong rehente, itinuturing ni Modelo na isa sa “krusyal na gampanin” ng OSR ang United PUP na layong pagtibayin ang ugnayan ng bawat sangay ng PUP para sa mas madaling representasyon ng mga konseho, publikasyon, at iba’t ibang pang-akademikong organisasyon.


Ilan rin sa mga isinusulong ni Modelo ang pagpapalawak ng Defend PUP sa buong PUP system; mas maigting na lobbying efforts sa kongreso para sa mas mataas na badyet, Human Rights Violation Grievance Desk; Comprehensive SOGIE SC Policy at ASH Code, at pagpapalawig ng Committee on Decorum and Investigation (CODI) sa mga branches at campuses na tututok sa mga kaso ng pang-aabusong seksuwal.


“Ngayon higit kailanman, kinakailangan ng tunay, palaban, at makabayang representasyon ng mga Iskolar ng Bayan. Higit nating inaasahan ang presensiya ng isang Rehente ng Mag-aaral na lubog sa arawang-danas ng mga Iskolar ng Bayan at kasama sa mga laban ng sangkaestudyantehan at buong komunidad ng PUP sa pagtatagumpay ng maliwanag at mas malayang kinabukasan,” ani Modelo.


Artikulo nina: Kristine Jhoy Castulo, Raven Gabriel Cruz at Mary Rose Maligmat

Grapiks: Kayceline Alfonso

Comments


bottom of page