Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga pambansa-demokratikong pangmasang organisasyon sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) noong ika-17 ng Nobyembre bilang pagkondena sa isinasabatas na National Polytechnic University (NPU) Bill kasabay ng pagdiriwang ng International Students' Day.
Tunguhin ng batas na ito gawing komersyal at pribado ang pamantasan kapalit ang ₱8-bilyong badyet sa kabila ng patuloy na pagkakaltas ng pondo sa mga State Universities at Colleges (SUCs)
Ang batas na ito ay naglalayong palakasin ang charter ng PUP sa pamamagitan ng pagdedeklara rito bilang NPU nang sa gayon ay patuloy na mabigyan ng “kalidad at abot-kayang edukasyon” ang mga estudyanteng kabilang sa maralitang antas ng pamayanan ngunit walang sapat na kakayahan para makapag-aral.
Samantala, Inihayag naman ng tagapagsalita ng PUP Budget Increase Alliance (BIA) na si Reggie Romeo, ang banta ng kaltas-badyet sa mahigit 35,000 Iskolar ng Bayan sa PUP Main na pumipigil upang makamit ang akademikong kalayaan at demokratikong karapatan ng mga kabataan.
“Hindi sapat ang kasalukuyang badyet sa mga kinakailangang kumpunihin at idagdag sa ating mga pangangailangan upang ganap na matamasa ang libre at kalidad na edukasyon… na siyang bumabansot sa ating pagkatuto at mga oportunidad,” wika ni Romeo.
Dagdag pa ni Romeo, ang kakulangan sa pasilidad at kagamitan ang ilan pa sa mga kinakaharap na suliranin ng pamantasan bukod sa kaltas sa badyet.
Samantala, kabilang ang PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM), SAMASA PUP, Anakbayan PUP, Panday Sining, League of Filipino Student (LFS), at College of Political Science and Public Administration Student Council (CPSPA SC) sa mga nakilahok sa naganap na “Grand Kalampagan” na nagsimula sa Charlie Del Rosario Building hanggang sa PUP Obelisk.
Nagpakita rin ng pagsuporta si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa naganap na kilos-protesta, na nagbigay ng mensaheng kasama itong titindig sa paglaban sa NPU Bill at kaltas-badyet na kinakaharap ng pamantasan.
Namataan din ang presensya ng bulto ng kapulisan sa labas ng unibersidad kasabay ng isinagawang protesta ng mga progresibong organisasyon sa PUP.
Article: Princes Del Corro
Graphics: Kayceline Alfonso
Photos: Jann Conrad Bonifacio & Jannah Taguibao
Comentarios