top of page
Writer's pictureThe Communicator

Bagong Kaban 'ata

Napagkasunduan naming magkakaibigan ang magkaroon ng bagong kaban. Dito namin ilalagay ang mga papel kung saan nakasulat ang bagong bagay na nais naming makamit at siguradong makatutulong sa pagbabago ng buhay namin sa susunod na taon.

S'yempre, hindi lang ang papel ang ipapamahagi, pati na rin ang mga kwento nitong sumasalamin...


"Ito ang sa 'kin, bag," panimula ni Sheena matapos niya iharap ang nakasulat sa kaniyang papel.


"Ang akin naman ay sapatos," sunod na sabi ni Rose, at iniharap din ang papel.


"Mga kolorete naman ang sa 'kin," tugon ko at saka iniharap ang pahina ng mga papel sa kanila.


"Oh, kwentuhan na! Simula kay Sheena tutal siya naman unang nagsabi ng kaniya," sabi ni Rose habang nakaturo kay Sheena.


"Bag 'yung sinulat ko kasi ayon ang ginagamit ko kapag bumibili ako ng mga kailangan ko. Mula gamit hanggang pagkain, pati na rin sa school. Hindi na nga lang sobrang laki. Mga ganito lang," ikinilos ni Sheena ang dalawang kamay upang ilarawan ang laki ng bag. 


Hindi ito malaki, hindi rin sobrang liit.


"Gan'on lang 'yung laki niya. Kakakita ko lang n'on kanina sa daan. Kapag nabili ko 'yun, siguro mga laman lang n'un ay isang kilo ng bigas, tatlong 555 Tuna, para 'pag wala akong pangkain; ta's pampaligo at panlaba. Mabubuhay na ako ng tatlo hanggang apat na araw n'un!" sabik na kwento ni Sheena. 


Gaano man niya tipunin sa kaban ang sabik na nadarama, kitang-kita ko ang kaniyang bahid ng pagkadismaya. Bukod sa nag-aaral ay nagtatrabaho pa. Nakatatanggap nga siya ng salapi, ngunit tila hindi ito sapat para mamuhay ng higit sa isang buwan. Mas nakababaluktot ng likod ang pasanin niya kaysa sa bag na kakarampot ang nilalaman.


"Ang akin naman ay sapatos," sunod na pamamahagi ni Rose. 


"Wala lang... gusto ko lang kasi 'yung matibay at komportable habang naglalakad papuntang paaralan. Malapit lang ang dorm ko r'on pero ang dadaanan, parang nakipagsapalaran ang sapin mo sa paa! Hindi lang malapit sa dorm ko, bawat pupuntahan ko 'ata ganoon. Madalas akong nasisiraan ng sapatos dahil sa mga daan na 'yan," pagpapaliwanag niya. 


Bawat salita ay may diin. Diing may pinaghuhugutan na galit. Pansin ko ring tinatapunan niya ng tingin ang gasgas at nakanganga niyang sapatos. Nakabuburyo naman talaga ang masikip na daanan ng mga tao. Madalas din ang pagtapak sa daanan ng mga sasakyan dahil wala nang space para daanan.  Masikip na nga, baku-bako pa.


"Mga kolorete naman ang sa 'kin," tugon ko habang isa-isang inilalapag ang mga papel na naglalaman ng bawat kolorete, mula foundation hanggang lip gloss.


"Wow! Ang dami!"

"Kukumpletuhin mo mga kolorete sa mukha? Grabe!"

manghang sabi ng dalawa. 


"Ayan, lahat ng kolorete sa mukha sinulat ko.  Sabihin na nating, naka-blush on ako, pero 'yung labi ko tuyot na tuyot, pangit tingnan 'yun sa 'kin. Gusto ko, kung maayos ang kilay ko, dapat buong mukha ko, ganern! Hindi ko kasi tipo 'yung bibili ng kolorete para lang sa isang parte lang ng mukha ko." 


"Huy, totoo ka diyan! Hindi maganda 'yung nakatuon ka lang sa isa, dapat pangkalahatan," sabi ni Rose na tila may pinaparinggan.


"Tumpak ka rin diyan, Rose! Pangit din sobra ‘yung maganda nga ang isang parte, pero ‘yung iba naiiwang nakatiwangwang, naghihirap sa kung paano nila pagagandahin sitwasyon nila," biglang tugon ni Sheena na may halo pang palakpak.


"Maganda para sa taas, ni hindi man lang bumaba sa upuan para matanaw ang tunay na kalagayan ng pinagsisilbihan," dagdag ni Rose.


Mukhang iba na ang patutunguhan ng usapang ito.


"Mas maganda kapag naaayos ang lahat. Lahat nagbebenepisyo at may magandang resulta sa lahat, pati dapat walang maiiwan," dugtong ko sa kanila. Napahiyaw naman ang dalawa sa sinabi ko. Natawa na lang kaming tatlo.


"Oh, sige na. Bumili na tayo n'ung mga nilagay natin sa kaban," tumayo na kaming tatlo para mamili.


Nang matapos ay sama-sama kaming naghintay ng masasakyan, kasabay ang iba pang mga komyuter. Maaga kaming natapos dahil may trabaho at pag-aaral si Sheena, babalik ng dorm si Rose, at ako naman, malayo pa ang uuwian.


Lunes nga pala bukas-- unang araw ng linggo sa unang buwan ng bagong taon.


Salong-salo namin ang usok at nakabibinging mga sasakyan. Ilang pampublikong sasakyan na ang dumaan ngunit karamihan sa mga ‘to ay isdang de-lata. Ito ba ang deskripsyon ng sinasabi nilang minorya?


Bagamat natuldukan na ang usapin sa kung gaano namin dinanas ang pait ng kahapon, pero hindi ko maalis sa isipan na, ganito pa rin kaya ang bukas kung sa lagay ng kasalukuyan ay wala namang pinagbago? 


Bibigat kaya ang bag ni Sheena sa nakalululang presyo ng bilihin at akademikong gastusin kung nananatili pa rin ang katiting na sahod?


Makakadaan pa kaya ang sapatos ni Rose kung hindi ito pabor sa kapakanan ng paa ng taumbayan?


Makaaangat ba ang lipunan sa sistemang may naiiwan, na sa taas lang tumatalima at hindi sa masa?


Laman ng bagong kaban ‘ata ang napagdesisyunang pag-usapan, mga bagong bagay na makaaapekto sa buhay namin sa panibagong pahina ng taon…


…subalit kahit anong bago ang mayroon kami, sa lagay ngayon na walang pinagbago ay talagang makaaapekto sa nararapat naming bagong kabanata.


Anong oras na hindi pa kami nakakasakay…

Ang hirap pa rin mag-komyut sa Pinas.


Artikulo: Eden Mae Garcia

Dibuho: Luke Perry Saycon


Comments


bottom of page