top of page

ATANG

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 1 day ago
  • 15 min read

Sa kusina ng makata, hinulma ang bawat titik sa hugis ng puso—nagtutuos, nagdadalamhati, nagpupuyos, nagmamahal—nag-uumapaw ng sustansya; at kapag sumalubong ang tagtuyot sa lalamunan, hayaan mong manalaytay ang dugo mula sa pluma ni Kamatayan.


Kaya ngayong buwan ng kaluluwang yumao, damhin mo ang lasa ng pagkatakot na dadaluyong sa bawat piyesang iaalay sa hapag—ang atang.

Si Lola Isay

Ni: Hazel Anne Naguinbin


Dibuho:  Lara Denise Tinos
Dibuho:  Lara Denise Tinos

Suot ang pawisan na sando at lawlaw na bag sa kaliwang balikat, mabilis na binuksan ni Daniel ang pinto ng bahay nila. Hinubad niya ang mga sapatos gamit lang din ang maliliit niyang mga paa, at agad na tumakbo patungo sa kwarto. Pagpasok ay binagsak lang niya ang bag sa sahig at kaagad na nagpalit ng short saka tumakbo palabas ulit ng bahay—tila hindi alintana ang sigaw ng Nanay niya.


“Daniel! Saan ka na naman pupuntang bata ka!”


Habang humahagikhik ay tumakbo siya papunta sa basketball court ng barangay nila. Maglalaro na kasi sila ng pogs.


Papasok na sana siya ng basketball court nang mamataan ni Daniel ang Lola niya sa isang tindahan.


Lagot.


Magtatago na sana siya ngunit malinaw ang pandinig at paningin ni Lola Isay niya.


“Psst! Halika nga rito,” tawag ng kaniyang Lola Isay. Nakayuko si Daniel habang dahan-dahang lumapit sa direksyon ng Lola niya.


“Anong sinabi ko sa ‘yo?” Malumanay na tanong kay Daniel habang nakaupo sa harap ng tindahan. 


Inangat naman ng bata ang kaniyang tingin. “Matulog po sa tanghali.”


“At nasaan ka ngayon?”


“Nasa labas po.”


“At saan ka pupunta?”


“Sa basketbolan po, maglalaro ng pogs…”


Tumayo si Lola Isay at hinawakan sa balikat si Daniel, “Halika na apo, uuwi na tayo.” Anyaya niya sa apo. Kaagad na sumunod ang bata dahil ayaw niyang magalit sa kaniya ang Lola Isay niya. 


Ayaw ko na mapaluhod sa asin.


Pagkauwi ng bahay ay dumiretso sila ng kwarto at humiga upang maghanda na sa pagtulog. Tinabihan ni Lola Isay si Daniel dahil alam nitong hindi ito nakakatulog agad. Tinapik-tapik niya ang hita ng bata para patulugin.


“Kapag natutulog ka palagi sa tanghali, mabilis kang lalaki,” sabi ni Lola Isay habang tinatapik-tapik si Daniel. 


“Eh lola naghihintay po ‘yung mga kalaro ko sa basketbolan eh,” dismayadong sagot naman ng bata.


“‘Yaan mo muna sila, paggising mo mamaya papayagan na kita maglaro sa labas.”


Dahil sa sinabi ng Lola niya ay pinikit na ni Daniel ang kaniyang mga mata. Nagpatuloy ang Lola niya sa pagtapik sa hita nito.


Ngunit pinapakiramdaman lang pala ni Daniel ang Lola niya. Mariin itong pumikit at nagtutulog-tulugan habang hinihintay niyang huminto ang pagtapik. Tatakas siya kapag nakatulog na ang Lola niya.


Tuwing hapon ay sabay na natutulog ang Lola, Nanay, at Ate ni Daniel kaya madali niyang nabubuksan ang pinto nang walang nakakarinig. Dahan-dahan lamang siyang maglalakad palabas ng kwarto, mga ilang segundong hindi hihinga habang binabaybay ang sala nila, at unti-unting bubuksan ang pinto at isasara nang tahimik.


Sa wakas ay makakapaglaro na rin siya ng pogs.


Matapos maisuot ang tsinelas ay tumakbo ulit siya pabalik ng basketball court.


Pero napahinto ulit siya nang makita niya ulit ang Lola Isay niya na nakaupo katulad ng pwesto nito sa tindahan na pinanggalingan nila kanina. Nagtataka man kung paano ito nakarating sa tindahan, mabagal siyang naglakad siya patungo sa nakaparadang kotse upang magtago.


Yes! Hindi pa siguro ako nakita ni Lola dito.


Habang hindi nakatingin ang Lola niya ay mabilis na kumaripas ng takbo si Daniel.


Sa wakas ay hindi na siya napauwi ng Lola niya.


Habang naglalaro ng pogs kasama ang mga kaibigan ay hindi na namalayan ni Daniel ang oras. 


Mag-gagabi na pala.


Lumabas na siya ng basketball court at naglakad pauwi. Nadaanan niya muli ang tindahan at sa malayuan pa lamang ay nakita niya ulit ang kaniyang Lola na nakaupo pa rin sa mismong pwesto niya kanina.


Baka hinihintay ako ni Lola kasi susunduin niya na ako! 


Sa isip-isip ni Daniel ay baka hindi naman galit sa kaniya ang Lola niya. Nakangiti siyang pumunta sa tindahan at umupo sa tabi nito, pagkatapos ay hinawakan niya ito sa braso.


“Tara na po, ‘La!”  


Katulad ng nakagawian ay naglakad sila pauwi habang nakahawak si Daniel sa braso ng kaniyang Lola. Pero may hindi matanggal sa isip si Daniel nung mga oras na ‘yon.


Bakit ang lamig ng braso ni Lola? At hindi rin siya nagsasalita katulad ng dati. Dati naman ay kinakausap niya ako habang naglalakad eh.


Ah. baka pagod lang kakahintay sa ‘kin si Lola.


Habang tahimik na naglalakad ay narinig ni Daniel ang kaniyang Lola na kinakausap siya–pero nakatingin pa rin ito sa daan at hindi sa kaniya.


“Kapag natutulog ka palagi sa tanghali, mabilis kang lalaki.” 


“Kapag natutulog ka palagi sa tanghali, mabilis kang lalaki.” 


“Kapag natutulog ka palagi sa tanghali, mabilis kang lalaki.”


Pabulong at paulit-ulit na sinasabi sa kaniya ng Lola niya. Sa mga oras na ‘yon ay naguguluhan na si Daniel, unti-unti na ring namumuo ang takot at kaba sa isip niya.


Pero dahil alam niyang kasama ang Lola ay pinagsawalang-bahala niya na lamang ito.


Baka jino-joke time lang ako ni Lola.


Pagpasok ng bahay ay naabutan ni Daniel ang pamilya niya na kumakain.


“Oh, Daniel! Naku! talagang tumakas ka na naman! Halika na rito at kumain ka na,” pagtawag ng kaniyang ina. Umupo naman si Daniel sa hapagkainan saka nagsandok na ng kanin.


“Mama, alam mo ba kanina sinundo ako ni Lola, ta’s nung pauwi kami natakot ako sa kaniya onti haha! Ba’t ‘di pa pala siya kumakain?” Tanong ni Daniel habang ngumunguya at kaharap ang nanay niya.


Napakunot ng noo ang nanay ni Daniel, nagtataka man ay ngumiti nalang ito sa kaniya dahil iniisip nito na nagbibiro lang ang bata. 


Paano siya masusundo ng Lola niya kung hanggang ngayon ay tulog ito sa kwarto?


“Nga pala, gisingin niyo na ang Lola niyo, nagbilin ‘yon na gisingin lang siya kapag maga-alas otso na.” Utos ng nanay ni Daniel sa anak nitong panganay. Tumayo ang kapatid ni Daniel at nagtungo sa kwarto para gisingin ang Lola Isay nila.


Kasabay ng malamig na ihip ng hangin ay bigla ring nagpatay-sindi ang ilaw sa kusina. 


Bumukas ang pinto at pumasok ang Tatay nila na galing sa trabaho, kakalabas lang din ng kapatid ni Daniel sa kwarto.


“Nay, wala naman po d’on si Lola.”


Habang nagbababa ng bag ay sarkastikong tumawa ang Tatay nila.


“Mga anak, wala talaga diyan ang Lola niyo dahil umuwi siya ng probinsya kagabi. Anong sinasabi niyo diyan?”


Sa katapusan ng linggo

Ni: Xyruz Barcelona


Dibuho: Bianca Diane Beltran
Dibuho: Bianca Diane Beltran

Simple lamang ang aking pang-araw-araw, kahit pa katapusan na ng linggo.


Gigising, maghihilamos, magsisipilyo, magtitimpla ng kape, at kakain ng pandesal na bili ni Nanay bago umalis para magtinda sa palengke. Laging maaga umaalis ang aking ina, lalo na kapag Sabado at Linggo—saktong alas singko ng umaga. Kapag maraming takdang aralin, iniiwan akong mag-isa ni Nanay para tapusin ang mga gawaing bahay at mga gawain para sa eskwelahan. Ganito ang ginagawa ko habang hinihintay si Nanay na makauwi pagpatak ng alas singko ng hapon. 


Dahil iniwan na kami ng aking ama, dalawa na lang kami ng aking Nanay, kaya higit walong oras na lamang ang pagkayod niya para lamang may gastusin kami sa pang-araw-araw. Wala pang pahinga pagkauwi dahil kailangan muling mag-asikaso ng ibebenta kinabukasan, at tinutulungan ko naman siya. Simple lamang ang buhay namin ni Nanay, kahit minsa’y kinukulang, iniraraos namin nang magkasama.


Ngayong araw ng Linggo, balak kong isingit ang pagsimba pagkatapos kong mananghalian. Maaga kong tinapos ang paglalaba at paglilinis para maaga ring makapagsimula sa aking mga proyekto’t takdang aralin pagkabalik ko mula sa simbahan. Bago gumayak paalis ay inihanda ko muna sa mesa ang niluto kong dinuguan. Sabi ni Nanay, ito ang paborito ni Tatay sa mga luto niya, at naging paborito ko na rin mula noong itinuro niya sa akin kung paano ito lutuin. 


Nang ilapag ko ang baso sa mesa ay nasagi ko ang aking tinidor. Ting. 


Laging biro ni Nanay na baka bumisita ang aking ama sa tuwing mayroong mahuhulog na tinidor tuwing sabay kaming kumakain. Hindi ko talaga alam kung nasaan si Tatay. Sinasabi ni Nanay—na mayroong halong pait at poot—patay na raw siya. Ngunit iba ang narinig ko mula sa aming mga kamag-anak, isang araw ay hindi na lamang daw umuwi ang aking ama. 


Sa aking pangungulila ay nais ko siyang hanapin, kahit pa ikagagalit ito ni Nanay, ngunit hindi pa kaya. Kaya minsan, kapag mayroong nahuhulog na tinidor, hinihiling ko talaga ang kaniyang pagbisita. 


Matapos akong kumain ay agad akong gumayak upang makakuha ng magandang pwesto sa simbahan. Ala una y medya ako nakarating at halos mapuno na agad ang simbahan. Naging mabilis lamang ang misa dahil tila nagmamadali ang pari sa kaniyang sermon. Bumili lamang ako ng sampaguitang isasabit sa may altar bago tumungo pauwi. 


Nang makarating ako sa labas ng aming bahay ay rinig kong nakabukas ang aming TV. Imposibleng nakauwi na ang aking ina dahil mag-aalas tres ng hapon pa lamang. Bukas na rin ang aming pinto. Walang susi si Nanay, at isinarado ko ang pinto bago umalis. O ‘di kaya’y nakalimutan ko?Pagkapasok ko ng bahay ay nanlaki ang mata ko sa aking nakita. Kawangis ng aking ama ang nakaupo sa sala, payapang nanonood. Nakangiti siyang lumingon sa akin. Hindi ko maigalaw ang aking mga paa sa gulat na nakaupo lamang siya sa aking harapan. Hindi pala sila nagsisinungaling… Buhay na buhay ang aking ama.“Ako ito, anak. Kumusta ka?” 


Ngayon ko lamang narinig ang boses ni Tatay. Hindi ko mawari kung totoo ang naririnig at nakikita ko, ngunit tanda ko ang itsura niya mula sa mga litratong kinalkal ko sa tinatagong kahon ni Nanay noon. Siya ito. Hindi p’wedeng magkamali ako dahil alam ko ang hugis ng kaniyang mga mata, kulay ng kaniyang buhok na ngayo’y namumuti na, at ngiti niyang kayang magpangiti rin ng iba.


“‘Tay… Alam ba ito ni Nanay? Paano ka nakapasok dito?” Agad na tanong ko sa kaniya. Hindi ko alam ang sasabihin, ngunit unang pumasok sa isip ko si Nanay. 


Hindi niya sinagot ang aking tanong. Inulit niya lamang ang pangungumusta. “Tumabi ka muna sa akin, anak. Magkwentuhan tayo,” aniya.Sa hindi ko malamang dahilan, walang luhang nabubuo sa aking mga mata. Hindi ako nakakaramdam ng lungkot, galit, o anuman. Hindi pa rin ako makapaniwala dahil hindi ko naman talaga siya kilala. Siya nga ba talaga ito?


Mayroong pagitan sa aming dalawa nang umupo ako sa tabi niya. Biglang umihip ang hangin na papasok sa aming bahay at naramdaman ko ang lamig ng simoy nito sa aking mukha. Biglang nagsimulang umulan, at kasabay nito ang paghawak ni Tatay sa aking kamay. Napaurong ako sa lamig ng kaniyang kamay. “‘Tay, ayos lang po ba kayo? Bakit po kayo nanlalamig?”


Bago pa siya sumagot ay nakarinig ako ng katok sa pinto. Tok, tok. “Anak, pagbuksan mo ako, may mga dala ako para sa ‘yo,” rinig kong sigaw ni Nanay mula sa labas. Siguro ay naisipan niyang umuwi nang maaga dahil sa ulan. Ngunit paano ito… ano na lamang ang sasabihin niya? 


“Sandali lang, ‘Tay, andito na si Nanay. Siguro sa kusina po muna kayo, ako po muna ang kakausap sa kaniya.” Sabi ko kay Tatay upang iwasang magalit agad ang aking ina. Hindi na naman ito sumagot at ngumiti lang sa akin. “Anak! Mayroon ka bang kasama? Papasukin mo muna ang Nanay,” pagtawag muli sa akin ni Nanay. Agad ko siyang pinagbuksan ng pinto at tinulungan sa iba niyang mga bitbit. 


“‘Nay… Huwag po kayong magagalit,” aking panimula habang nagmamano sa kaniya. “Bumisita po si Tatay.” 


Naramdaman ko ang biglang paglamig ng kamay ni Nanay. Hindi siya agad na kumibo. Hindi siya nagalit. Gulat at takot lamang ang nakapinta sa kaniyang mukha. “Nanay?”“Araw ng kamatayan niya ngayon, anak… Hindi totoo ang sinasabi nilang biglang umalis ang iyong ama sa katapusan ng linggo bago ka ipanganak. Isang buwan makalipas ang pagkapanganak sa’yo ay ibinalita nilang pinatay ang iyong ama noong Linggo bago ka ipanganak.”


aswang sa kanayunan

Ni: Dulce Amor Rodriguez


Dibuho: Zea Gestopa
Dibuho: Zea Gestopa

sabi ng matatanda, may mga matang nagmamasid mula sa palayan ng mga kanayunan. pula ang mga mata, nanlilisik, at nangingitim ang balat. sa unang tingin, aakalain itong mga ilaw mula sa lampara o alitaptap tuwing gabi. kung titingnang mabuti, gumagalaw sila, sumusunod sa bawat paghinga, sumusunod sa bawat pagkislot ng balat.


lahi ng mga ‘aswang’ kung pangalanan ng kapitan. mga pamilyang sinumpa ng lupa. mga halimaw na kumakain ng laman. 


sinasabing ang kanilang mga biktima ay natatagpuang walang buhay, namumutla sa pagkaubos ng dugo, walang laman ang tiyan, at kalat ang lamang loob sa paligid ng bangkay. kapag may nawala, nakalapit na ang mga anak ng dilim.


kahit sa mga balita, paulit-ulit maririnig o mapapanood ang mga babala sa aswang at ang mga pinapatay na aswang ng mga tagapagligtas “daw” ng bayan.


kung mapadpad ka sa kanayunan at may aswang sa paligid, makakaramdam ka ng kakaiba. magsisimula ito sa pagbigat ng pakiramdam mo, hindi ka makakahinga nang maayos, at mararamdaman mo ang mga mata nilang nakamasid sa'yo. 


kung nakatira ka sa kanayunan, malalaman mo na ang kwento ng aswang ay pawang kabalintunaan lamang. walang sinumang nakakita sa kanila na kumain ng laman. ang mga tinatawag na aswang ay sugatan ang mga kamay, wasak sa putik ang mga paa, at kinukuba kakayuko sa lupa. ang mga tinatawag nilang aswang ay amoy araw at pawis, hindi dugo. 


nanlilisik ang kanilang mga mata dala ng matinding galit sa kasakiman ng mga makapangyarihan. nangingitim ang kanilang balat sa pagbubungkal ng lupa sa ilalim ng mataas na tirik ng araw. minsan silang humiling ng makataong karapatan at pagkilala ngunit ang ibinalik sa kanila ay pamana ng sumpa.


ang langis ng mga tinatawag na aswang sa kanayunan ay gutom. at ang gutom, kapag hindi natatawid, nagiging halimaw.


sa’n sinukob

Ni: Alessandra Reodique


Dibuho: Allaine Arcaya
Dibuho: Allaine Arcaya

tumayo ako sa harapan ng salamin at tiningnan ang aking sarili. puting bestida, puting belo, itim na mahabang buhok, at kulay rosas na kolorete sa aking mukha. marahan akong umikot upang makita ang kabuuan kong porma sa salamin. napangiti ako at bahagyang nagpigil ng nagbabadyang luha.


ito na ang araw na matagal ko nang pinaka-hinihintay. isang yugto ng buhay ko ang magtatapos habang ang panibago’y magsisimula. 


huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili. basang-basa na ang palad ko at kumakabog na ang dibdib ko dahil sa halo-halong emosyong hindi maipaliwanag. 


sabik na akong makita ang reaksyon ng mga mahal ko sa buhay ‘pag nakita na nila ako sa altar—sigurado akong magugulat sila sa ayos ko. lumaki kasi akong hindi marunong manamit at magpaganda, kaya naman tingin ko’y halos hindi ako makikilala ng pamilya ko sa ganito. sana lang din ay hindi sila umiyak dahil mawawala na ang bunso nilang taga-luto sa bahay. 


napatawa na lamang ako habang iniisip ang mga ito. tinitigan kong muli ang sarili sa salamin sa huling pagkakataon. bigla namang may kumatok sa pintuan at bumukas ito nang kaunti:


“halika na, magsisimula na ang seremonya, ikaw na lamang ang hinihintay,” sinusundo na ako. 


ngumiti ako at tumango.


tumunog na ang kampana ng simbahan, tanda ng pagsisimula ng seremonya. kinakabahan at nanlalamig akong tumayo sa harap ng malaking pintuan ng simbahan hawak ang bouquet ng puting bulaklak. 


habang unti-unting bumubukas ang pinto ay biglang dumilim ang paligid at bumuhos ang malakas na ulan sa labas. tila flash ng mga camera ang sunod-sunod na pagkidlat. bumungad ang mga bisitang nakatayo at nang makita nila ako’y nanlaki ang mga mata nila. 


kasabay ng ugong ng kulog ang malakas na sigawan ng bawat isa. nagsitakbuhan ang karamihan na tila gustong magtago kung saan, habang ang iba naman ay nanginig at napadasal sa takot. 


naramdaman ko ang unti-unting pagputla ng balat ko, pag-itim ng paligid ng mga mata ko, at paglabas ng dugo sa aking bibig hanggang sa magmantsa ito sa puting bulaklak na hawak ko at puting bestida na suot ko.


lumakad ako sa pasilyo sa gitna ng kaguluhan at sigawan. napaatras ang pari at kinakabahan niya akong ipinagdasal:


“panginoon naming diyos, aming ama, buong kababaang-loob po kaming nananalangin sa iyo at nagmamakaawa. kalugdan mo po ang kaluluwa ng aming mahal na kapatid na pumanaw na sa daigdig na ito–”


tuloy-tuloy lamang ako sa paglalakad kasabay ng panalangin, at habang papalapit ako nang papalapit sa altar ay nakita ko ang katawan ko sa loob ng isang kabaong. nilapag ko rito ang bouquet ng bulaklak na kanina’y puti ngunit ngayo’y pula na dahil sa dugo—tulad ng kung paano rin nila binahiran at minantsahan ang kalinisan ko bago ako itapon na parang basura. 


nang humarap ako sa mga tao’y bigla na lamang silang nagsimulang bumato ng kung ano-ano sa akin. kung ano ang mapulot ng kanilang mga kamay ay walang pag-aalinlangang inihahagis sa direksyon ko, habang patuloy sila sa pagsigaw. hindi ko mabasa ang ekspresyon ng mga mukha nila ngunit sigurado akong hindi ito masaya.


dahil ba ‘to sa takot? pagkasuya? galit? hindi ko alam ang kanilang pinagmumulan. 


ngunit nakakalungkot isipin na hanggang sa huling araw ko rito sa sansinukob, hindi pa rin ako nakatakas sa karahasan at pananakit—isa pa rin akong biktima na madaling pandirihan at sisihin sa kasalanang sa akin mismo ginawa.


death’s gentle embrace

By: Denise Nicole Paulino


Dibuho: Glaciane Kelly
Dibuho: Glaciane Kelly

I used to be terrified of dying. Earning a visit from death feels haunting as it is, like it caught up to you on a random day with no warning, and takes you into a cold and dark pit of nothingness—an endless void that swallows you whole until you’re turned into a speck of dust that's bound to be forgotten.


But there was a theory that said you would have 7 minutes to relive everything—the patchwork quilt and the mosaic I curated from everyone I’ve ever loved. 7 minutes until I’m gone for good.


I looked back on the life I lived—the laughter, the memories, the people I met and lost—and I thought, maybe death would feel kind, like a gentle embrace. Maybe when death visits me, it would be like coming home after a long day at school, as the smell of dinner lingers in the air.


So in the midst of the grief that surrounds me, I'll find solace in the people I'd remember even when I inevitably leave this plane of existence tomorrow, or the day after. My heart grew fainter and my eyelids grew heavier.


And as I feel myself slowly slipping away from reality, I feel a figure lift me up and carry me in their arms. The sound of their footsteps feels like the tick of a clock, and before I knew it, the 7 minute countdown had started.


For the first minute, I’ll see my family—chaotic but complete and full of life. They're taking me to the beach for the first time, and I could feel the waves hitting my tiny feet and the mushy sand from where I stand. I remember my cousins playing with me as gently as possible, while my aunts and uncles would walk with me before the sun sets. When my eyes started to close, I knew I was in the safety of my mama's arms as my dad drove us back home.


The second minute begins, and I'll see the memories I shared with my mama when I was little—and she's as beautiful as ever. The packed lunches made with love before going to school, the kiss goodbyes, the pasalubong after work, and the trips to her office that became a second home to me. I remember the times when she would take me to a new place as we explored like astronauts in space, the days where we would dance like it's just the two of us in the world, and the movie nights that would echo our laughter. She always chose to put me first and raised me with the gentleness of her soul.


The third minute comes around quickly, and my dad is there—oh, how I missed him. I see the memories of us on his motorcycle, feeling the breeze tug my skin as we soared through the air all the time. I remember the cartoons we watched, the projects he helped me build, and the inside jokes only the two of us could understand. But above all, the highlight will be the times where he will accompany me to my competitions; that even if I win or lose, he'll clap and cheer the loudest with pride beaming in his chest—because that's his little girl. He raised me with patience, and to have kindness in my heart.


Time slips once again, it's the fourth minute now. My friends are there, my chosen family. I'll remember the times I first met all of them, that even if I changed schools, we were bound to stay in each other's lives. I see the memories we made in cafés, the spontaneous dates in the plaza, and the hilarious conversations that are immortalized in my mind. But how could I forget our trips to the local mall that witnessed our growth over the years? And that time when we attended our friend's birthday party, seeing us complete was like finding the missing puzzle piece in my life. When the world feels too heavy, I know well in my heart that I could lay it all down on them.


The fifth minute was the hardest one to get through, but my brain decided to cling onto every memory I made even if it'd dig up the pain I've shoved in the back of my mind. I remember the losses I've experienced, the sudden changes that disrupted all I've ever known. I see my loved ones at the end of their life—how death came swiftly and quietly. I remember my mama and  moving houses as we left the life we built behind us, unpacking everything as we healed and moved forward. Yet our shared unspoken grief brought us closer, for all of it was once love for the people we lost.


Two minutes left, my brain plays all the accomplishments I've made in this life. I see myself in the competitions I won, the hard work I've put in for the medals I earned. The times where I stepped out of my comfort zone and tried something new. The memory of my graduation after pouring my blood, sweat, and tears; and how I bid goodbye to my high school years that I will deeply miss. And when college started, it was another chapter of my life that awaited to see the passion I have for the journey ahead.


The last minute remains—I knew it was the end, though I felt calm. I remember falling asleep on the couch after our family celebrated Christmas. Gifts were given, food was shared, and the holiday spirit was warm, merry, and bright. A figure picked me up with utmost care which woke me up, walking down the hall as the sounds of the footsteps returned.


Step. Step. Step.

Tick. Tick. Tick.


I saw the door open and I felt the soft mattress tickle my skin—I am placed once more in my childhood bed. The figure leaves the door open just a bit, and I could've sworn they looked like my dad. But as the weight of the world slowly dissipates, I could hear the faint laughter of my family in the next room. My eyes closed for the final time, the world fading to black.


It wasn't so terrifying after all. Death visited me, and it gave me a gentle embrace until I fell asleep.


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page