anim na bilang bago kumalabit ang gatilyo
- The Communicator
- 13 minutes ago
- 2 min read
sabi ng mga matatanda,
hindi nakakatakot ang mga multo;
dahil mas nakakatakot ang buhay na tao
lalo na 'yung mga nakamasid sa malayo.
bumubulong at nagmamatyag—binibilang na ang pintong padadalhan ng kaso.

una,
“tao po, dito po ba nakatira si juan?”
ayan na naman sila.
may bigat ang mga yabag,
lalo na 'yung mga naka-tsapang asul—
bitbit ang de-kalibre na baril—sila'y nangangatok.
pangalawa,
“pakisabi ho ay siputin niya kami sa opisina” kumasa na sa bulsa ng masikip na slacks.
naniniktik at kung hindi masagot ang
mga nagdadabog—gumagawa ng kuwento
para gawing masama ang hindi nila ka-anyo.
pangatlo,
“kung hindi po siya dadating. pasensyahan na ho—wala pong nakakaangat sa batas.”
ngunit tila baliktad—
wala sa lugar nila ang makatao.
ang uso sa uri nila ay dahas at ugaling hudas.
ano naman daw kung lumalabag na sila?
sumusunod lang daw sa utos nitong mga preskong nakaupo
kaya pasensyahan na kung mapagdidiskitahan
dahil walang pinipili ang kinakasahan.
at bago pa mangalahati ang pagbibilang,
umurong na ang gatilyo.
hindi naman sila ganoong nakakatakot.
gasgas na parang plaka ang mga paandar.
naninindak pero sila ang nakatago sa saya,
sunud-sunurang de pihit na parang makina,
ang wangis ay parang ngumangawang tuta.
apat,
“at parang david kay goliath”
may nakapagpapaatras sa kanila;
'yun ang parehong pwersang kanilang sinisita.
mga kabataan na may puso sa pagsulong
nakatakda ang kapalaran para sa karapatan
hindi sila para sa rehas—
sila dapat ay nakikita sa lansangan;
nakataas ang kamaong nangwawaksi,
ibinibigkas ang mga tinig na nakakubli
kahit pawis o ngalay—
paglingkod sa bayan ang kanilang pinili.
lima,
hindi dapat matakot sa multo.
matakot sa mga taong hindi makatao.
gamit ang pinanday na sikhay at tapang,
walang aatras sa nasimulang laban.
walang hihinto sa minamartsang pagbabago,
walang tintang mauubos;
at walang lakas na mapapagal.
anim,
hindi mahahagilap sa puntod ang peligro.
hindi rin sa mga kaluluwang nagmumulto.
ang tunay na panggigipit at pananakot
ay umaalingasaw sa nabubulok na estado.
Artikulo: Juliene Chloe Pereña
Dibuho: Kaiser







Comments