top of page
Writer's pictureThe Communicator

Ang Saysay ng Kasaysayan ni Gat

Basa ang palad kong binabagtas ng tingin ang mga kabanata ng nobelang tumatak sa mga isip at puso. Habang ninanamnam ng aking kokote ang manipestasyon nito, nang may mahagip ako. 


Dibuho ni Luke Perry Saycon

Tanaw ko siya sa malayo. 


Bakas ang kaniyang anino. Bukas ang palad at nakakaway. Tila bang may bitbit na paalala. 


Alaala na ang kaniyang saysay sa kasaysayan ay marapatin lamang na isalaysay. Hindi napuputol at hinding-hindi mapapatid. 


Ang kaniyang pluma at tinta ay nagsilbing simbolo ng pagsulong at paglaban. Naging dahilan ang mga piraso ng kaniyang lathala para mamulat at makalaya sa rehas ng dahas. Walang tinag niyang sinuong ang mga paratang, babala, at banta ng mga dayuhang mapanamantala. 


Mahirap ipaglaban at lumaban.


Pero hindi niya inalintana ang tagaktak ng pawis dala ng samut-saring emosyon sa pakikibaka para sa bayan. Kahit nakalubog ang isang paa sa hukay, may baril de-kalibre ng banyaga ang nakatutok sa katawan, masidhi niyang isinulong ang dapat na makamit at manaig. Gamit ang paraang panulat at ang mapanuring ideya ng paglaban, matagumpay niyang naipanalo ang kalayaan. 


Kaya’t sana, habang inaalala't pinasasalamatan natin ang sakripisyong ginugol, matutunan din natin na kahit sa ngayon ay huwag nang magpatalo at magpakabilanggo sa selda ng pekeng pangako. Gaya ni Gat Jose Rizal, gamitin ang dunong at maging mulat. Ihanda ang boses at puso sa pakikibaka na lagi't-lagi para sa bayan.


Para sa Pilipinas. 


Para sa Pilipino. 


At para sa kasarinlang karapatang maranasan ng darating pang mga henerasyon.


Artikulo: Juliene Chloe Pereña

Yorumlar


bottom of page