Ang pangarap kong gawing kahapon ang bukas
- The Communicator
- 2 minutes ago
- 2 min read

Naalala ko pa noon sa kahabaan ng Tayuman—magkahawak ang kamay, naglalakad kahit umuulan. Iba talaga tayo noon, ’no? ‘Yun ‘yung mga alaalang masaya, mga oras na hindi ko ipagpapalit sa iba.
Ngayon, sa kahabaan ng Pureza, hindi ko maiwasang maalala ang lahat ng kahapon na bigla na lang iniwan—mga tawanan na wala namang katuturan, sa bawat paghawak ng kamay na hindi natin maiwasan. Minsan naiisip ko, saan ba nagbago? Nag-iba na kasi ang lahat. Nagulat na lang ako isang umaga, lahat ng nabuo natin ay naglaho na parang usok sa kalsada. Lahat ng pangarap at plano natin, hindi na matutuloy pa nang magkasama.
Hindi na siguro natin maibabalik ang lahat. Kung tatanungin man kita, sa tingin mo ba ay kaya pa? Kakayanin pa kaya nating maglakad nang mahaba sa gitna ng ulan, magkahawak ang kamay, at hindi naglalaho sa dami ng tao at ingay sa daan?
Hindi na siguro. Hindi na talaga ata.
Kaya sa bawat paggising ko, hindi ko maiwasang maluha. Naaalala ko ang mga kahapon na kay saya, mga oras na ibibigay ko ang lahat para maibalik tayo sa umpisa. Masakit mang isipin, ngunit bawat paggising ko kinabukasan ay paghahanap sa mga alaala ng nakaraan.
Hindi na ako masaya tuwing babalik sa Tayuman. Ang kinagigiliwan na lang ng puso ay ang maibalik ang nakaraang lumisan.
Pero nagpapasalamat pa rin ako sa bawat kahapon nating pinagdaanan; sa bawat daan na natapos nating lakaran, at sa bawat taong nalampasan. Dahil sa araw na hindi ako masaya at damang-dama ang pagiging mag-isa, naiisip ko ang binaong pakiramdam, ang mga aral na natutunan, at ang mga taong minahal. Gumigising ako sa mga araw na may pag-asang matutupad ang isang hiling: na sa susunod kong pag-apak sa Tayuman, ang mga kahapon ko’y maging bukas.
Dahil kung hindi pa, ang kahapon ang unti-unting papatay sa akin.
Article: Helaena Calo
DIbuho: Divine Balote








Comments