Ang Liham Para sa Pangarap na Hindi ko Mabili
- The Communicator
- 2 days ago
- 2 min read

Para sa aking minamahal,
Sabi nila, abutin mo raw ang iyong mga pangarap, kaya sinubukan kitang abutin. Pero walang nagturo sa akin na may mga pangarap na hindi nasusukat sa layo o oras; minsan, ito ay nasusukat sa laman ng bulsa.
Napagtanto ko sa unang pagkakataong nakita kita kung gaano kadahas ang reyalidad. Akala ko noon, sapat na ang tapang para ipakita kong mahal kita. Ngunit nang makilala ka, saka ko rin nalaman ang bigat ng aking mga kakulangan. Sa panahon kung saan ang bawat pangarap ay may katumbas na presyo, mapapatawad mo ba ako kung ang tanging kaya kong ialay ay ang pagmamahal at oras na maaari kong ipagkait sa aking sarili para maibigay sayo?
Ngunit, matatawag pa ba nating pagmamahal ang mga oras na kumakalam na ang ating sikmura at hindi magawa ang mga bagay na gusto natin?
Matatawag pa ba nating pagmamahal kapag ang bawat paglalakad ay pinipili dahil walang pamasahe;
ang bawat plano ay ipinagpapabukas dahil mas mahalaga ang susunod na hapunan;
at ang bawat "ingat" ay may kasunod na pangambang baka wala na namang sapat para bukas.
Dahil alam ko rin na ang pagmamahal ay nagbibigay—ngunit anong magagawa ng pagmamahal kung ang aking bulsa’y wala nang maibigay?
Paano kung ang mga bulaklak ay nananatiling tanim sa hardin dahil hindi ko kayang bilhin;
ang mga date ay nauuwi sa pag-upo sa bangketa;
at ang mga pangakong "dadalhin kita roon balang araw" ay mananatiling pangako lamang?
Pero, mahal, ang lahat ng ito ay hindi dahil kulang ang pagmamahal ko; madaming lang pagkukulang ang mundong ginagalawan ko.
Masakit palang umibig kapag alam mong kaya kang mahalin ng isang tao, ngunit hindi mo kayang ibigay ang buhay na sa tingin mo'y nararapat para sa kaniya—hindi dahil naghahanap siya ng marangya, kundi dahil alam mong karapat-dapat siyang hindi mamroblema kung saan kukuha ng susunod na kakainin.
Kung may isang bagay mang mas mahal kaysa sa mga bulaklak, regalo, at hapunang hindi ko kayang ilibre, iyon ay ang katotohanang kailangan kitang pakawalan hindi dahil nawala ang pagmamahal;
dahil ayokong ang kahirapan ko ang maging balakid sa mga pangarap mo.
Dahil mahal pala ang magmahal.
Hindi dahil may presyo ang pag-ibig, kung hindi dahil sa mundong ito, madalas kailangang may laman ang bulsa bago paniwalaang puno ang puso mo.
Sana dumating ang panahon na hindi na natin kailangang mamili sa pagitan ng pag-ibig at pang-araw-araw na pangangailangan.
Hanggang doon, mamahalin muna kita mula sa malayo; dahil sa ngayon, pangungulila palang ang kaya kong magawa—dahil ito lamang ay walang bayad.
Dahil ang mahal magmahal sa malayang lipunan na kinulong sa sistema ng kahirapan.
Sana, kung may laman na ang aking bulsa, ay nandiyan ka pa.
Nagmamahal,
Taong Pinapangarap Ka
Artikulo: Jobelle Marie Palopalo
Dibuho: Simon Emmanuel M. Sampani




Comments