top of page
Writer's pictureThe Communicator

Ang Kumukupas na Saysay ng Ukay-Ukay

Bakit nga ba sa bodega ng mga lumang kasuotan pinipili ng mga Pilipino maghanap ng “bagong” gamit para sa kanilang sarili?



Nakaugat na sa ating mga Pilipino ang pagbili ng mga segunda manong kagamitan, partikular ang mga damit, na mas kilala sa katawagang pag-uukay-ukay. Bagaman maituturing na pinaglumaan, patuloy ang pagtangkilik sa mga produktong ito. Saan at paano nga ba nagsimula ang ukay-ukay sa Pilipinas?


Kasaysayan ng Ukay-ukay


Ang “ukay” ay nagmula sa mga salitang “hukay” at “halukay” dahil sa tila paghuhukay na pagpili mula sa mga nakasalansan na mga damit. Karaniwan din itong tinatawag na “wagwagan” na mula naman sa salitang “wagwag” kung saan kailangan munang pagpagin o wagwagin ang mga alikabok upang makita ang taglay na kalidad ng isang produkto. 


Sa pananaliksik ni Ma. Rina Locsin na pinamagatang Fashioning a Culture through Baguio City’s Ukay-Ukay, hindi tiyak kung kailan nagsimula ang ganitong kalakaran at kung sino ang nagdala nito sa Pilipinas. Ayon naman kay Lynne Milgram, isang antropologo, nagkaroon tayo ng akses sa mga segunda manong pananamit pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 


Naging daan din ang mga relihiyosong grupo partikular ang Protestantismo at iba’t ibang mga Non-Government Organizations (NGOs) sa pag-usbong ng ukay-ukay sa bansa. 


Noong 1800s at 1900s, nag-ipon ang mga relihiyosong grupo ng mga lumang damit at iba pang kagamitan upang ibigay sa mga miyembro na humaharap sa matinding kahirapan. Habang ang mga natirang gamit naman ay ibinenta sa murang halaga upang makalikom ng pondo para sa kanilang mga proyekto. Samantala, ang ilang mga humanitarian groups gaya ng Red Cross ay ginawa itong donasyon para sa mga biktima ng sakuna at mga kapus-palad. 


Pinaniniwalaang malaki rin ang papel ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong. Sinasabing bumibili sila ng mga patapong damit at ipapadala sa bansa upang ibenta sa Baguio City. Dahil dito, nakilala ang lugar bilang sentro ng kalakalan ng mga segunda manong damit na kalaunan ay dumami at kumalat na rin sa iba’t-ibang lungsod sa Pilipinas. 


Ngunit alam mo bang ilegal ang importasyon ng mga segunda manong damit sa bansa alinsunod sa Batas Republika Bilang 4653,  “An Act to Safeguard the Health of the People and Maintain the Dignity of the Nation by Declaring it a National Policy to Prohibit the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known as Used Clothing and Rags”?


Itinuturing na banta ang batas na ito sa mga nakatagpo ng hanapbuhay sa ukay-ukay at sa potensyal nito bilang negosyo sa mga may maliit na puhunan lamang. Dahil sa anti-consumer at anti-business nitong layunin, ilang mga petisyon at panukalang batas ang inihain upang amyendahan ito, gaya ng Senate Bill 1778. Subalit hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin ang pagsasawalang bisa at ganap na pagiging legal ng ukay-ukay sa bansa.


Sa kabila nito, patuloy pa ring namamayagpag ang industriya. Sa kasalukuyan, tanggap ng masa ang konsepto ng mga segunda manong kagamitan. Sa kabila ng kupas nitong kulay at lipas na sa modang disenyo, bakit nga ba tinatangkilik pa rin ng mga Pinoy ang mga produkto galing sa ukay?


Saysay ng Ukay-Ukay


Dekalidad at abot-kaya—dalawa lamang ito sa mga dahilan kung bakit patok ang ukay-ukay sa masa.


Batay sa pag-aaral ng Milieu Insight, Pilipinas ang may pinakamaraming konsyumer ng mga segunda manong damit sa Timog-Silangang Asya; tinatayang 83% ng mga Pilipino ang tumatangkilik sa ukay-ukay.


Isa si Mariel sa libo-libong Pilipino na madaling mabudol o mahikayat sa pagbili ng damit sa mga ukayan. Sa halagang P600, nakakabili na siya ng isang bestida, blusa, palda, at sumbrero. Dahil sa abot-kayang halaga, naging monthly routine na nga raw niya ang mag-ukay. 


Para kay Elizabeth Carin naman, parte na ng kanilang pamamalengke tuwing Linggo ang pagdaan sa ukayan. Sa halagang P100 ay nakabili siya ng “buy one take one” na damit. Sino ba naman ang hindi mapapalingon sa tuwing mapapadaan sa mga bodega ng ukayan na may nakapaskil na mga karatulang “Sale”, “Blouse 3 for 100” at “50% off”


Ngunit kung susuriin, ang mga dahilan na “mas mura” o “maayos pa” ay may mas malalim pang kahulugan—praktikalidad. 


Ayon kay Anna, mas malaki ang natitipid niya sa pag-uukay kumpara sa pagbili ng mga damit sa mga mall. Para sa kanya, bagaman pinaglumaan na ay maaari pa rin naman itong gamitin.


Kahit tatak “SM” o Segunda Mano, hindi maikakaila na dekalidad at matibay pa rin ang mga gamit sa ukay-ukay. Para kina Mariel, Elizabeth, at Anna, mas pipiliin nila ang bumili at patuloy na tangkilikin ang mga ukayan dahil ito ay tiyak na para sa masa.


Kung tutuusin ay mas sumigla pa nga ang ukay-ukay nang makahanap ito ng lugar sa iba't ibang plataporma sa social media tulad ng Facebook at Instagram. 


Kasalukuyan ng Ukay-ukay


Ngayong nakikilala na ang modernong ukay-ukay bunga ng pagkakaroon ng mas malawak na espasyo sa social media, masasabi pa rin bang para ito sa masa?


Taliwas sa nakasanayan ang mga nauusong thrift stores sa iba’t ibang online platforms. Plantsado at halos walang bakas ng kalumaan  ang mga panindang damit sa bawat larawan; maaliwalas at hindi nakasalansan sa iisang lalagyan ang mga samot-saring  kasuotan.


Dulot ng makabagong sistema ng pagbili na umiiral sa online ukay tulad ng “mine”, “grab”, at “steal”, naging pahirapan na rin ang pagbili ng mga damit dahil sa paunahan at agawan na paraan. Bukod dito, ang dating swak sa bulsa na presyo ay pumapatak na ngayon sa halagang P250 at higit pa para sa isang pirasong damit.


Tila naging batayan ang kakayahang makapagbayad ng mas malaki upang makuha ang napupusuang damit. Kung noon, sapat na ang diskarte upang maghalukay ng “rare finds” sa ukayan. Ngayon, mahalaga na siguradong may pambayad bago mag-comment upang hindi masabihang bogus buyer.


Bagaman mas madali at komportable ang ganitong kalakaran, maituturing pa bang tunay na abot-kaya ang mga makabagong ukay-ukay kung hindi nito naaabot ang pangunahing dahilan kung bakit sa pag-uukay kumakapit ang karamihan?


Kung uugatin ang kasaysayan ng ukay-ukay, tiyak na mauunawaan kung bakit sa murang halaga ito ibinebenta. Katulad ng layunin ng mga tone-toneladang segunda manong damit na unang dumating sa bansa, ang mga ito ay dapat na pupuno sa pangangailangan at magsilbing tulong para sa mga naghihikahos. 


Ang kultura ng ukay-ukay sa bansa ay hindi lamang sumasalamin sa pagiging masinop sa pera ng mga Pinoy, ipinapakita rin nito ang kanilang pagiging likas na maparaan. Sa kabila ng kupas na ganda ng mga tela, nakikita ng bawat isa ang halaga ng isang gamit—tiyak na kung pwede pa ay pwede na!


Ngunit, huwag sanang isantabi ang mapait na katotohanan kung bakit umusbong ito sa bansa. Hangga’t may mga walang kakayahang makabili ng bago at maayos na kasuotan na tutugon sa araw-araw na pangangailangan, mananatiling buhay at magpapatuloy ito—isang alternatibong solusyon na sumasalba sa mga Pilipinong lubog sa kasalatan ng buhay.


Artikulo: Yzabelle Liwag

Grapiks: Aldreich Pascual


Comments


bottom of page