Ang Hindi Masukat na Lupa
- The Communicator
- 3 days ago
- 1 min read
Sa bawat hakbang ng mga bota,
may lamat na naiiwan sa pusod ng gubat.
Hindi nila dala ang ulan,
kundi ang init ng bakal na naghahanap ng ugat.

May mga papel na kasing puti ng ulap,
ngunit kasing talim ng itak kung humiwa.
Sinusukat nila ang hindi naman sa kanila
habang ang mga bantay ng bundok ay unti-unting itinatali ang diwa.
Huwag mong itanong kung bakit tahimik ang batis;
natatakot ito na baka ang daloy niya ay maging abo.
Ang mga bisig na dati’y nagtatanim ng buhay,
ngayon ay nakakandado sa luhang hindi na tumutulo.
Magtanim man sila ng takot sa bawat tarangkahan,
ang ugat ng katuwiran ay hindi kayang hadlangan.
Darating ang araw na ang lupa mismo ang sasaksi
upang bawiin ang liwanag mula sa gitna ng pighati.
Sapagkat ang bundok ay may alaalang hindi nabubura—
sa bawat hukay, may tinig na muling magbababadya.
Hindi ginto ang tanging nakabaon sa kanilang dibdib,
kundi ang panata sa lupang sa kanila'y kumakandili’t umiibig.
Ipamana ang lupang tinubuan;
hindi ang ipamina't wasakin nang tuluyan.
Ang pakikibaka ng mga lokal na mamamayan
ay naging tagapamulat sa buong sambayanan.
Kaya’t kahit piliting igapos ang bawat hininga,
ang bulong ng bundok ay hindi kailanman mawawala.
Sa huli, ang katotohanan ang siyang magpapalaya
sa lupang dinilig ng pawis, luha, at dakilang pagsinta.
Artikulo: Sayrine Cornito
Dibuho: Jin Hernandez








Comments