Ang hiling ko ngayong pasko
- The Communicator
- 18 minutes ago
- 2 min read

Dear Santa,
Merry Christmas, Santa!
Alam ko pong medyo matanda na ako para magsulat pa sa inyo. Pero sana tanda mo pa kung sino ako.
Isa lang naman po ako sa mga bata noon na nagsusulat para sa iyo. Sinabi po kasi sa amin na tutuparin mo kung ano man ang nais naming regalo tuwing pasko.
Hatinggabi nga raw kayo dumadalaw sa bahay. Masyadong pagod ang batang ako para hintayin pa kayo noon kaya hindi ko kayo maabutan.
Ngayon namang matanda na ako, wari ko’y nawala na ang paniniwala ko sa iyo. Pero nandito pa rin po ako, nagsusulat ulit para sa’yo.
Gusto ko lang po talagang magpasalamat sa pagtupad ng mga kahilingan ko.
Salamat sa laruang luto-lutuan. Halos maiyak ako sa tuwa noong nabuksan ko ito! Mula noong nagkaroon ako ng laruan, hindi na lang ako sa bao at lata nagluluto-luto.
Sobrang kinagiliwan ko rin ang manikang binigay mo sa akin. Bitbit ko ito noon kahit saan ako magpunta. Ilang litrato ring kasama ko ito noong paslit pa lamang ang naipon sa aking photo album. Ni ayaw ko nga itong ipahiram sa mga nakababatang pinsan ko noon. Pasensya na po sa kadamutan.
Habang tumatanda ako’y nasilayan kong suot ng mga batang pinsan ko ang mga regalong damit at sapatos sa akin noon. Grabe rin talaga ang pormahan ko dati. Makukulay na damit, umiilaw at may tunog na sapatos, at mga burluloy na hindi ko mawari kung bakit ko nagustuhan noon.
Napakarami sa aking kahilingan ang iyong natupad. Hanggang ngayon ay bitbit ko pa rin ang mga alaala tuwing nagbubukas ng regalo… iniisip kung ano kaya sa mga nilista ang matutupad at masisilayan kapag nabuksan ko na ang balot.
Santa, pasensya kung medyo matanda na ako at nagsusulat pa rin sa ‘yo, ha. Hindi ko naman aagawan ang mga bata. Sadyang may naalala lamang akong kahilingan na hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasakatuparan.
Sa mga liham ko noon sa iyo, laging tatlo ang hiling ko. Noon ay mumunti kong bulong na sana lahat ito ay maibigay sa akin, ngunit kalaunan ay napagtanto kong isa o dalawa lamang dito ang matutupad.
Kaya Santa, sana ngayon ay hayaan mo akong humiling ulit! Malay naman natin na baka ngayon, matutupad na rin ito.
Tatlong kahilingan: ang naunang dalawa ay matagal ko nang gustong bilhin, at ang pangatlo ay ang matagal ko nang hiling na regalonghindi ko pa rin natatanggap hanggang ngayon.
Lego set (Kahit ano pa ‘yan! Ok lang sa akin).
Brown shoulder bag (May kalakihan sana dahil marami ako kung magdala ng gamit).
Kumpletong pamilya kahit saglit.
Masyado pala akong bata para mapansin ‘yan, at masyado na akong matanda para humiling pa n’yan.
Ngayon man ay hindi na ako naniniwala sa iyo, ‘di tulad ng batang ako, ngunit sana alam mo na isa kayo sa mga nagpapasaya ng pasko ko. Maraming salamat sa pagkakataon na humiling, sa saya at tuwa na iyong ibinigay sa akin. Kahit hindi man buo ang pamilya ko noon (hanggang ngayon), tuwing pasko naman ay masaya pa rin ako… dahil may regalo akong natatanggap galing sa iyo, Santa.
Santa, maraming salamat! Enjoy po kayo sa mga cookies at gatas!
P.S. Mabigat po itong isulat noong bata pa ako, ngayon ko lang naramdaman :)
Artikulo: Jessica Mae Galicto
Dibuho: Glaciane Kelly






Comments