Ang Bulaklak ng Mayo
- The Communicator
- May 21
- 2 min read
Buwan ng Mayo nang ipakilala mo ang iyong hardin. Ang sabi mo, pilit mo itong inayos nang minsan itong bagyuhin. Doon ko nakilala ang mga bulaklak na nagsasabing hindi ka raw mahirap mahalin.

Ang sabi ng kalachuchi, alam mo raw kung gaano nila kinakailangan ang araw. Hindi raw nagkukulang ang palad mo sa pagpaparamdam ng init. Sumang-ayon ako, lalo't ganoon din ang naramdaman ko noong hinila mo ako para makilala ang paborito mong gumamela.
Ang sabi ng gumamela, kilala mo raw ang kapangyarihan ng tubig. Alam mo kung paanong maging marahan sa mga ugat kaya sapat ka lang kung umibig. Sumang-ayon ako, dahil kahit nakalulunod sa inyong tahanan ay alam mo pa ring punan ang pagkauhaw ng aking damdamin.
Ang sabi ng mga rosas, handa ka raw masaktan matanggal lang ang kung anong bumubuhol sa kanilang sistema. Walang takot at marahan ka raw mag-alaga kahit ang ibig sabihin nito ay masusugatan ka sa mga natural nitong tinik. Sumang-ayon ako lalo't pagtanggap pa rin ang ganti mo sa bawat pagtaboy ko.
Ang dami kong natutuhan nang pinatuloy mo ako. Naintindihan ko na kung bakit minahal ka ng mga bulaklak, at lalong naintindihan ko kung bakit hindi ko magawang magpalago ng isang hardin.
Binabangungot ako ng mga nasira. Nanghihinayang ako sa binhi ng ating pagsasama. Sana puwede pa silang itanim sa panibagong punla. Hihintayin ko silang mamunga at hihingi ako ng kapatawaran sa Diyos ng lupa. Pag-ibig sana ang ibalik sa iyo, kapalit ng mga hindi ko nasabi’t nagawa.
Dahil hanggang ngayon, nakadikit pa rin sa akin ang halimuyak mong tinuruan akong mamukadkad. Sana hindi kailanman umalingasaw sa’yo ang mga nabulok kong salita. Sana may paghilom kahit bagyo ko ang laging sumasalanta. Pinitas ko pa ang lahat ng sa iyo, hindi naman ako handang mag-alaga.
Artikulo: Shannia Cabuello
Dibuho: Vincent Gabriel Lacerna
Comentários