top of page
Writer's pictureThe Communicator

Ang buhay ay isang pelikula

Dibuho ni Bianca Diane Beltran

Noong bata ako, ang tingin ko sa mundong ginagalawan ko ay isang pelikula—ngunit hindi tulad ng iba, kailanma’y hindi ko naisip na ako ang bida at ang iba’y pangalawang tauhan lamang. Hindi ko rin itinuring ang buhay na tila sariling kwento ko lang ang patuloy na tumatakbo. 


Sa halip, ang mundo ay isang malaking screen na naglalaman ng milyon-milyong eksena sa bawat pagdaan ng segundo—iba’t ibang kwento, kanya-kanyang pagsubok, at sari-sariling emosyon ang bumubuhos. Kaya naman buong buhay ko, sinigurado kong papanoorin at susuportahan ko ang lahat ng ito, lalo na ang pelikula ng mga taong malapit sa puso ko.


Pero habang tumatagal, napagtanto kong nakakapagod din pala. Ang patuloy na pagkonsumo sa pelikula ng iba habang ang sayo’y tumatakbo’t nauubusan din ng oras nang hindi mo namamalayan. Nakakapagod din palang mas pagtuunan ng pansin ang kwento ng iba habang ang sayo’y patuloy na nababalewala. 


Kaya kahit isang beses man lang, gusto kong piliin ang sarili ko. Gusto ko namang maranasang maging bida—isang tauhang may importanteng papel sa istorya, bibigyan ng atensyon, paglalaanan ng oras upang kilalanin at pakinggan, at lubusang iintindihin ang pagkatao.


Kaya naman ngayong taon, sinubukan kong mas pagtuunan ng pansin ang pagbuo sa sarili kong pelikula.  


Bawat araw, binantayan ko ang mga galaw at desisyon ko. Itinala ko ang mahahalagang pangyayari. Pinahalagahan at iningatan ko ang lahat ng tauhan sa kwento ko. Ginawa ko ang makakaya ko para gawin itong masayang pelikula—ngunit ang hirap pala. Ang hirap bumuo at magpanatili ng masayang kwento kung ikaw mismo ay walang balangkas kung ano at paano ba maging masaya.


Hindi sapat ang iilang oras lamang na haba upang lamanin ang bawat eksenang nagdaan at mga pagsubok na hinarap ko. Kulang ang isang aktres para pagbidahan ang iba’t ibang pagkatao kong nawasak at namatay kasabay ng paglipas ng bawat araw at buwan. Ilang kamera man ang subukang gamitin ay hindi nito makita’t mahuli ang mga emosyong pilit kong ikinukubli sa dilim sa tuwing nag-iisa ako. 


Kahit anong istilo ang gamitin, ilang linya man ang sambitin, kulang na kulang pa rin. 


Ako ba ang may pagkukulang kaya ganito ang pelikula ng buhay ko ngayong taon? O dapat ko na naman bang isisi ang lahat sa buhay na mayroon ako at kinalakhan ko?


Kung ang foreground ko ba ay maganda, payak ang pangangatawan, matangos ang ilong, makintab ang buhok, masiyahin ang mga mata, at pasok sa pamantayan ng iba, kakailanganin ko pa bang pilit panoorin ang pelikula ng sinuman, sa paghahangad na bigyan din nila ng kaunting atensyon ang akin?


Kung ang midground ko ba bilang isang tauhan ay positibo mag-isip, mapagkumbaba, mataas ang kumpyansa sa sarili, at hindi duwag magpakita ng emosyon, mahihirapan pa rin ba akong bigyan ng masayang mukha at paksa ang pelikula ko?


Kung ang naging background ba ng buhay ko ay lumaking may mapagmahal na magulang—na mahal ang kanilang pamilya, mahal ang isa’t isa, at mahal ang kanilang mga sarili—at nakatira ako sa isang tahanang puno ng suporta, pagtanggap, at pangangalaga, gugustuhin ko pa rin bang isipin na isang pelikula ang buhay para lang maramdaman kahit isang beses na kontrolado ko ito?


Pelikula nga ba talaga ang buhay? O binuo ko lang ang konseptong ‘to sa isip ko para i-romantisa ang mapanglaw kong pag-iral para kahit papaano ay maramdaman kong may papel at lugar ako sa mundong ginagalawan ko?


Malamang ay ang pangalawa. Gayunpaman, kung sa mga susunod na taon ay mabigyan ulit ako ng pagkakataong bigyang-direksyon ang buhay ko—pelikula man o katotohanan—pipiliin kong baliktarin ang takbo ng buhay ko at gamitin ang mga pagsubok na pinagdaanan ko bilang mga piraso na unti-unting magpapatibay sa pundasyon ng happy ending ko.


Artikulo ni Alessandra Reodique

Comments


bottom of page