Amelia,
Kumusta ka? Ang tagal na yata mula noong huli tayong nagpalitan ng liham, tapos hindi rin tayo gaanong nakakapag-usap sa Facebook. Ayos ka lang ba? Noong nakaraang linggo, nakita ko ang kuha mo sa syudad. Hindi ko na naitanong kung anong ginagawa mo rito at kung nasaan ka mismo gawa ng nalulunod na ko sa napakarami naming mga gawain—pero narito ka pa ba? Iniisip kita noong mga nakaraang araw, napagtanto kong mas matagal na tayong sumusulat para sa isa't isa kaysa sa tagal nating nagkasama noon sa bayan. Ang galing, 'no? Totoo pala 'yong sinasabi nilang minsan ay mas matagal mo pang mahal ang isang tao kaysa sa tagal ng pagsasama niyo... Pero hiling ko na makasama pa kita muli! Sana makapunta na tayo ng dagat nang magkasama, tuturuan kitang lumangoy sa malalim! Kung ayaw mo, kahit umupo lang tayo sa buhangin at magkwentuhan, gaya ng dati sa may bukid tuwing hapon.
Ilang taon na rin ang nakalilipas mula noong huli nating gawin 'yon. Miss na kitang makasamang tumawa na akala mo'y wala nang bukas. Nitong mga nakaraang araw rin, hindi ko mahanap dito sa Maynila ang lugar ko—'yong tahanan ko. Ganoon naman ang nararamdaman ko sa iba't ibang lugar na nililipatan namin nila Papa, pero nito lang, napagtanto kong sa bayan pala ang pinakamalapit sa tunay na pakiramdam ng isang tahanan. 'Yong tama ng araw sa mga balat natin sa tuwing umaga't hapon pala ang yakap na hahanap-hanapin ko sa tuwing maulan dito. 'Yong pagtilaok ng mga manok pagpatak ng alas cinco ng umaga pala ang gusto kong gumigising sa akin para salubungin ang panibagong araw. 'Yong dala-dala mong bagong lutong pandesal pala ang hinahanap ng kumakalam kong sikmura sa tuwing ginugutom na naman ako ng mga takdang-aralin ko. Miss ko na ang mga araw kasama ang pinakamatalik kong kaibigan. Miss ko na ang mga simple at payak na araw kasama ka. Masalimuot dito, pero alam mo? Sa tuwing sumusulat ako para sa'yo, nagiging tahimik bigla, para akong binabalik sa bayan.
Dati, dagat lang ang kailangan ko para maramdamang hindi ako nag-iisa. Hindi ko inaakalang ang pagkakaibigan pala natin ang tunay na makakapag-angkla sa akin sa tuwing nalulunod ako sa aking pag-iisa. Kahit hindi kita kasama ngayon o kausap palagi, naririnig ko ang mga alon ng lubos mong pagmamahal para sa akin. Baka rereglahin na rin ako kaya nasusulat ko itong mga ito, pero totoo naman lahat ng ito. Salamat sa pagkakaibigan nating dalawa. Magkita naman tayo kung sakaling narito ka na rin sa Maynila!
Nagmamahal,
Claire

Claire,
Salamat sa pangungumusta, mabuti naman ang lagay ko, sana ay ikaw rin. Sana’y kahit nalulunod ka na sa mga gawain at negatibong emosyon ay ‘wag mong kalimutang umahon at huminga kahit sandali. Pasensya na kung ngayon lang tayo muling nagkaroon ng pagkakataon makapag-usap. Nitong mga nakaraang araw, pakiramdam ko ay napakabilis ng takbo ng mundo at puno ng ingay ang paligid—ang daming tao ngunit pakiramdam ko ay mag-isa pa rin ako, ang laki ng siyudad kaya naman nanliliit ako. Dahil doon, naisipan kong magpakalayo-layo, magmuni-muni, at kumuha ng mga litrato na siya palang nakita mo.
Alam mo ba? Ang dami kong mga bagay at lugar na nakuhanan ng litrato dito sa parke malapit sa amin. Naalala kita bigla, at ang mga ginagawa natin noon sa bukid. Naisip ko na mas maganda ang mga kuha ko sa lugar kung nakatayo ka sa gitna nito; mas may buhay ang mga bagay kung hawak mo ang mga ito. Napagtanto ko kung gaano kalaki ang puwang mo sa lente ng kamera ko. Namiss ko bigla ang buhay natin noong magkasama pa tayo sa bayan… ang paggawa sa bawat parte ng araw ko na nakasanayan ko nang gawin kasama ka. Nakakatuwang maalala ang bawat tawanan at kasiyahan, ngunit nakakalungkot isipin na alaala na lang. Magkaibang sinag na ng araw ang tumatama sa balat nating dalawa. Napalitan na ng mga sasakyan at busina ang dating tilaok ng manok na sabay na gumigising sa ating dalawa. Mag-isa ko nang kinakain ang bagong lutong pandesal na noo’y sabik akong dalhin sa’yo tuwing umaga. Pero kahit gano’n, hindi pa rin kita nalilimutan, naiuugnay pa rin kita sa mga bagay na ‘to. Saan na ba kayo nakatira ngayon? Kumusta na kayo ni Tito? At ano na ang mga pinagkakaabalahan mo? Sana ay magawa natin ‘yan nang magkasama.
Matagal ko nang gustong makapunta ng dagat gaya ng palagi mong aya sa’kin. Alam ko kung gaano kalaking parte ng pagkatao mo ang pagmamahal mo dito. Kaya naman nitong nakaraan, inaaral ko rin ang gumuhit at magpinta ng tanawing dagat para maibigay ko sa’yo!
Miss na kita, Claire. Sa gitna ng mga naglalakihang gusali, magagarang bahay, at mamahaling mga sasakyan, ang simpleng buhay na pareho nating tinamasa pa rin ang hinahanap-hanap ko. Ang pagmamahal mo at pagkakaibigan pa rin natin ang may pinakamataas na halaga para sa’kin.
Mukha ngang rereglahin ka na… at mukhang magsasabay pa tayo. Salamat sa pagpapadala ng liham. Balitaan kita ‘pag nasa Maynila na ako para makapagkita tayo muli! Mag-ingat ka palagi.
Nagmamahal,
Amelia
Words: Xyruz N. Barcelona & Alessandra Reodique
Graphics: Nazia Ashley Gestopa
Comments