top of page

Ako si Pepe, at may pepe ako.

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 9 hours ago
  • 2 min read

Mula pagkabata, hindi na ako naturuang banggitin ang aking pangalan. Kung lalabas daw ito sa bibig ko ay dapat mahina at pabulong lamang.



"Masyadong bastos, Pepe. Ano ka ba?!"


Hindi ko maintindihan kung paano humantong sa ganito? Bakit sa apat na kuwadrado pa ng tinuturing kong tahanan ako nalimitahan?


"T’saka mo na isiping sabihin 'yan kapag malaki ka na." 


At sa aking pagtanda ay ang mitsa ng naging kapanganakan ng maling pananaw sa kung sino at ano dapat ako. 


Dahil mas lalong hindi ko naunawaan ang konsepto ng sarili at ng salitang “pepe.”


Katulad no’ng isang araw sa kahabaan ng lansangan ay may nakabanggaan ako. Tumingin ito nang galit at balagbag na nakipag-hamunan.


"Pepe ka ba? Lakas mong mamangga, duwag naman amputa."


Nagulat ako dahil lumabas ito sa bibig niya nang ganon-ganon lang. Tinuro ata agad sa bahay nila kung paano bigkasin ang aking pangalan. 


Pero—oo. Ako si Pepe.


Paanong naging duwag ako?


Hindi naman ata ipapangalan sa akin ang may ganoon na kahulugan. 


Mayroon pa.


Nakaupo lang ako nang may tumawag na naman sa aking palayaw. Pero hindi sa akin ang bagsak ng kanilang mga boses at tingin.


"HAHAHAHA! Nakakatawa kumilos eh parang pekpek!"


"Oh ano, papalag ka na? What a pussy!"


Bakit pangalan ko ang ginagamit para mang-insulto?


Magkakilala ba kami?


Kasi noong bata ako, hindi ko man lang magawang bigkasin o ibaybay ang pangalan nang hindi sa mahinang paraan dahil ito raw ay kahihiyan.


Magkamali lang ng tunog at tono, palo sa bibig ang kahahantungan.


Sa paglawak pa ng aking kamalayan at pagmulat sa reyalidad, mas lalo akong nadala sa karanasan kung saan mas lumalala ang perspektibo sa aking sarili at pangalan.


Sa iba't ibang lenggwahe, iba-iba rin ang aking identidad—kahit ako mismo ay hindi na tukoy ang aking ngalan.


Hindi na ako ibinubulong lang.

Salamat ah.


Pero mas maganda sana kung hindi ako

Sa sigawan at kantyawan napapangalanan.


Kilala niyo ako? Parang hindi naman.


Hindi bilang si Pepe o bilang may pepe.


Kapag may duwag, o natatakot,


kilala niyo ako.


Kapag may mahina,


hinahanap ang aking pangalan sa dulo ng dila.


Kapag may nais maliitin,


ako agad ang babanggitin.


Dahil hindi ko maintindihan,


kung kailan, paano, at bakit naging ganito ang kapalaran.


Ako na hindi pwedeng banggitin


nang malakas sa loob ng bahay.


Ako rin pala ang pinakamadaling isigaw


bilang pepe, pekpek, puke, kipay, puday o ano pa man bilang bastos, pang-aalipusta, pang-aasar, pangmamaliit o pang-lait.


Kilala niyo ba talaga ako?


May karakter din ako tulad niyo.


Ako si Pepe...


Pwede akong bigkasin sa bahay.


Hindi ako bastos at pang-walang modo.


Ako si Pepe,


Hindi ako balbal para gawing biro o insulto;


tulad niyo, hindi ako para maging ganito.


Ako si Pepe,


Hindi lang lang ang identidad ko.


Dahil ako si Pepe


at may pepe ako.


Article: Juliene Chloe Pereña

Illustration: Divine Balote




Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page