𝗿𝗲𝘀𝗶𝗯𝗼 𝗻𝗶 𝘁𝗼𝘁𝗼𝘆
- The Communicator
- 23 hours ago
- 1 min read
PHP 200: isang kilo ng manok. hindi na ‘yung tira-tira sa kanto—iyong buto’t balat nalang ang kinakagat-kagat at sinisipsip para lamang matikman ang lasa ng tsiken.

PHP 180: para sa spaghetti—iyong nalulunod sa pulang sauce. gan’on kasi ang napapanuod ko sa t.v. tuwing sumasakay ako ng pampasaherong bus para magbenta ng chicharon. masarap kaya ‘yon?
PHP 450: ham. ang sosyal, hindi para sa mga dukha gaya ko. pero sabi nila manamis-namis daw ito. kung makakatikim man ako, magbabago kaya ang panlasa ko?
PHP 280: s’ympre hindi mawawala ang panghimagas: ang fruit salad. paborito iyan ni nanay at bunso; laging pinag-aagawan tuwing mag-uuwi si papa galing kasalan. pero si nanay, ibibigay agad kay bunso, minsan naman sa akin. ewan ko ba. busog na raw siya kapag nakikita kaming kumakain.
PHP 370: tapos queso de bola. hindi ko rin alam para saan ito. p’wede siguro siyang ipalaman sa mainit-init na pandesal kasabay ng pinakuluang tubig—sakto sa malamig na panahon.
kaso ang TOTAL:
PHP 1,480
ah. pa’no ‘yan e limang daan lang ito?
kulang pa pala ang dala-dala kong barya…
hindi kakasya itong christmas bonus ni papa.
ititira pa kasi ‘yung kalahati para sa gamot ni nena
kaya wala munang noche buena.
siguro’y magtitiis nalang muna kami sa delata,
‘saka paiinitin nalang ‘yung kanin kaninang umaga.
pantawid lang ng gutom
hanggang lumipas ang pasko…
ang isang araw.
ang isang linggo.
ang isang buwan.
ang maraming taon.
Article: Valerie Acupado
Graphics: Justine Ceniza








Comments