top of page

Tahimik na Hapag sa Malamig na Pasko

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

“Anong ganap niyo sa Pasko?” 


Nag-pop up sa notification ko ang isang message. Kaagad naman akong nagtipa ng sagot.


“Wala,” bumuntong-hininga ako. Wala naman akong inaasahan sa Pasko. Narinig ko ang pagtawag ni Mama sa’kin sa baba, hudyat na oras na para kumain ng hapunan. Pagkababa ko ay nakita ko ang tatlong plato na may kutsara at tinidor sa hapag-kainan, nakaupo na rin sina Mama at Papa. Umupo na ako at ngumiti nang pilit. Napadako ang tingin ko sa apat na blangkong upuan na napapalibutan ang lamesa at sa kalendaryo na nasa likod ng pinto. Isang linggo na lang pala at magpapasko na.


“Uuwi kaya sina Ate at Kuya mo?” Binasag ni Mama ang katahimikan sa hapag-kainan, iniangat ko ang tingin sa kanya at napansin ko ang sulok ng bahay na tinitignan niya; ang litrato namin ng buong pamilya. Napahinto ako sa pagkain at pinagmasdan ko silang dalawa, matamlay na nagsasandok ng kanin si Mama, bagsak din ang balikat ni Papa habang naghihimay ng isda at tahimik na kumakain.


“Baka isu-surprise nila tayo ngayon, Ma!” Pagdadahilan ko. Hindi ko rin talaga alam ang isasagot sa tanong niya na magpapalubag ng loob niya. Nauubusan na ako ng mga dahilan tuwing dumadaan ang pasko at ayoko na silang masaktan pa.


Nakita kong unti-unting nagbago ang ekspresyon sa mga mata nila, napalitan ito ng lungkot at pangungulila. Kailan pa ba noong huli naming nakita sina Ate at Kuya? 


Nilibot ko ang tingin sa kusina, sa sala, sa bahay namin na unti-unti na ring nakikisabay sa pagtanda ng panahon. Sa munting tahanan na ito kami gumawa ng masasayang alaala ng mga kapatid ko, ni Lola, at nina Mama at Papa. Hindi nga nawala ang mga makukulay at nakakasilaw na mga dekorasyong pamasko sa bahay namin, ngunit tila ba nagtatalo ang kulay ng mga hindi magkamayaw na pailaw sa kulay ng buhay na meron ang pamilya namin sa darating na pasko. Kailan pa ba noong huling napalibutan ito ng mga halakhak at makukulay na memorya?


Hindi na kami nag-aagawan ng shanghai tuwing pasko. Hindi na namin niru-ruler kung gaano karami ang laman ng coke ng bawat isa.  Hindi na rin umaabot sa labas ng bahay ang ingay galing sa sala dahil sa mga palaro ni Lola. 


Kasi hindi na napupuno ang mga upuan sa hapag-kainan tuwing hapunan. 


Matapos ang hapunan, nakabibinging katahimikan muli ang bumalot sa aming tahanan. Malayong-malayo sa nakagisnan ko noong magkakasama pa kaming lahat.


“Matutulog na po ako Ma, Pa,” sabi ko sa kanila sabay pasok na sa aking kwarto.


Tanging ang pagyabag ng mga paa nina Mama at Papa sa sahig papasok sa kanilang kwarto ang muling nagpaingay sa aming bahay.


Mga yabag na noo'y tunog ng pagiging sabik kung ito'y ilalarawan, ngunit ngayo'y parang manipestasyon na lamang ng mabigat na damdamin dulot ng pangungulila.


Humiga ako sa aking kama sabay tingin sa kisame. “Magpa-Pasko na, pero bakit parang hindi?”


 “Ganito ba talaga kapag tumatanda na? Kailangan bang ganito kapag matanda na?”


Kung noo’y pagpapawisan ka pa sa init dahil sa dami ng tao sa bahay namin tuwing Pasko, ngayo’y sinlamig na ng mga kubyertos na hindi nagagamit ang atmospera na bumabalot dito. 


Parang walang nakatira, animo’y inabanduna na.


“Eto pala ang mahirap sa pagiging bunso.”


Lumalaki kang nandiyan sila pero sa pagiging sanay sa kanilang presensya, hindi mo na maiisip na gaya mo, tumatanda rin sila. Sa unti-unti mong pagtanda, unti-unti rin silang nawawala at maiiwan kang nag-iisa.


Ang hirap na tuloy sagutin ang tanong na “Anong plano mo sa Pasko?” dahil nakasanayan kong lagi iyong masaya. Nakasanayan kong gigising na lang ako para magsaya. Nakasanayan kong magsaya kasama sila. 


Ganito ba talaga kapag matanda na? Wala ka nang ibang magagawa kundi alalahanin na lang ang mga masasayang alaala. Lilingon sa kaliwa na parang kahapon lang ang lahat, titingin sa kanan pabalik sa kasalukuyan. Matagal na pala ang lumipas, kailan kaya kami muli magsasama-sama at magsasaya nang walang kupas.


“Anong ganap namin ngayong Pasko? Heto, magsasalo-salo at magkukunwaring walang pinagbago.”


Sabay pikit ng mga mata, umaasang bumalik ang paskong kinagisnan noong bata pa–kahit sa panaginip lang, o mas maganda, sa susunod na pagmulat ng aking mga mata.


Artikulo: Hazel Anne Naguinbin & Mclene Demeterio

Dibuho ni: Nazia Ashley Gestopa

Comments


bottom of page