MGA BAYANING INILUWAL NI SINTA
- The Communicator
- 20 minutes ago
- 7 min read
Sa tarangkahan ng Sintang Paaralan makikita ang Dambana ng Kabayanihan na itinatag sa ilalim ng panunungkulan ni Manila Mayor Jose L. Atienza Jr. bilang pagkilala sa libu-libong estudyante mula sa sintang paaralan na nagbuwis ng buhay at lumaban sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Dahil sa laksa-laksang pagkilos ng mga estudyante, matagumpay na naibalik ang demokrasya at kalayaan na ipinagkait noong kasagsagan ng batas militar.

Ngunit matapos ang apat na dekada, tunay nga bang tapos na ang laban?
Bilang isang unibersidad na mayroong malaya at kritikal na uring pag-aaral, iniluwal nito ang mga batikang aktibista, organisador, at pati na ring ang mga estudyanteng piniling makiisa sa armadong tunggalian noong panahon ng batas militar para pabagsakin ang diktadura ni Marcos Sr.
Isa sa mga kilalang organisador na iniluwal ng pamantasan ay si Carlos “Charlie” Bernardo Del Rosario–isang bagitong propesor, aktibista at organisador mula sa Kabataang Makabayan (KM), isang rebolusyonaryong grupo na nagsusulong ng mga ideyolohiya ni Andres Bonifacio. Kilala ng mga kasalukuyang Iskolar ng Bayan si Charlie dahil sa isang gusali na ipinangalan sa kanya bilang pagkilala at pag-alala sa kanyang kontribusyon sa malawakang pagkilos ng sangkaestudyantehan.
Bago pa man maging guro ng Philippine College of Commerce, na siyang dating pangalan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), si Charlie ay isang tanyag na lider-estudyante matapos manungkulan bilang dating bise-presidente ng konseho ng mga mag-aaral sa Lyceum of the Philippine University, ayon sa pagtatala ng Project Gunita, isang organisasyong may inisyatibong i-archive ang mga dokumento at pang-aabuso ng batas militar. Nang makapagtapos sa kursong Political Science, pumasok naman siya sa PUP upang magturo.
Noong pumutok ang Sigwa ng Unang Sangkapat o First Quarter Storm, isa si Charlie sa mga nag-organisa at nagpakilos sa mga kabataan at estudyante para tutulan ang hindi makatarungang panunungkulan noon ni Marcos Sr. bago ideklara ang batas militar.
Ngunit nawala si Del Rosario sa kasagsagan ng kilos-protesta at ahitasyon ng mga estudyante. Huli siyang namataan sa PUP-Lepanto (dating campus ng PUP) na nagsasabit ng mga karatula para sa gaganaping National Congress ng organisasyong Movement for Democratic Philippines.
Hinala ng kanyang pamilya na may kinalaman ang militar sa kaniyang pagkawala. Hinanap siya sa mga kampo ng militar, humingi ng tulong sa Malacañang, nagsaliksik sa mga pahayagan, at nakinig nang mabuti sa mga balita sa radyo at telebisyon.
Subalit hindi na siya nakita pa at tila naglaho na parang bula sa edad na 27 bilang ang kauna-unahang naitalang Pilipinong desaparecido sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr.
Gayunpaman, nananatiling buhay ang palabang diwa ni Charlie sa loob ng Sintang Paaralan sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga aktibistang mag-aaral sa pamamagitan ng pagdaos o pagsisimula ng mga kilos-protesta sa harap ng Charlie Del Rosario Building.
Artista ng Bayan
Noong 1971, nakilala si Napoleon Abiog bilang isang artista ng bayan at organisador ng mga manggagawa sa pamamagitan ng sining.
Ayon sa artikulo mula sa Bantayog ng Bayani, bago dumating si Abiog sa Sintang Paaralan, nag-aral muna siya ng kursong Electrical Engineering sa University of Santo Tomas. Ngunit dahil sa kagustuhang sumunod ni Abiog sa yapak ng kanyang ama bilang abogado, lumipat siya at nag-aral rin sa kursong Political Science.
Bagama’t nasa ilalim siya ng kursong Political Science, hindi nalayo ang puso ni Abiog sa sining at musika. Naging miyembro siya ng Kamanyang Players alt kalaunan ay naging Samahang Kamanyang, isang teatrong pangkultura na minsang saan nagtanghal ng mga paghihirap at pakikibaka ng masa sa ilalim ng diktadura ni Marcos Sr. para makiisa sa mas malawak na kilusang masa.
Kanta at dulaan ang ginamit na panlaban ni Abiog sa diktadura. Siya ang naging kompositor ng mga kanta, namuno sa mga koro, at naging aktor at direktor ng mga dulaan para iparating sa diktadurang gobyerno ang hinaing at pag-aalsa ng masa laban dito. Gamit ang likhang kanta at dulaan, nilayon niyang imulat at i-organisa ang mga manggagawa sa mga pabrika.
Malaki rin ang naging papel ni Abiog sa pag-oorganisa ng isang kultural na grupo na hanggang ngayon ay buhay at lumalaban–ang Tambisan sa Sining. Naging full-time na gitarista siya noong kasagsagan ng pagbuo nito.
Ang ilan sa mga kantang kanyang ginawa at itinanghal laban sa batas militar ay ang Mayo Uno ng Ating Paglaya, isang kultural na produksiyon; Kalipunan ng mga Makabayang awiting, isang koleksyon ng mga kanta na kung saan kasama siya; at Sigaw ng bayan, isang pagtatanghal para mulatin at pagkaisahin ang masa.
Gaya ni Abiog, isa pang artista ng bayan ang umusbong at nakiisa sa laban ng masa mula sa Samahang Kamanyang na tinatawag ding Kamanyang Players–si Jorge Checa. Sa parehong kultural na organisasyon, ipinamalas niya ang kahusayan sa pagtatalumpati at kasanayan bilang isang mandudula.
Itinanghal ni Checa sa lansangan ang kaniyang pagtutol sa pamumuno ni Marcos Sr. at ang neokolonisadong sistema sa edukasyon kung saan binuo niya ang isang natatanging karakter ng isang propesor sa Ingles na pinipilit ang kaniyang mga estudyanteng Pilipino na magsalita ng Ingles na may puntong Amerikano. Sa galing niyang umarte, nakilala siya bilang magaling na tagapagtanghal sa protesta sa mga kampus sa university belt sa Maynila. Madalas din siyang nakakaakit ng mga tagapakinig mula sa hanay ng mga manggagawa o drayber ng dyip, na madalas niyang hinihimok na sumama sa mga aktibidad ng protesta.
Matapos ang deklarasyon ng batas militar noon, patagong nag-organisa si Checa sa mga komunidad ng CAMANAVA. Sa ilalim ng anino ng pasismo, lihim niyang binuo ang Salt of Earth—isang bandang nagtatanghal sa tuwing mayroong kilos-protesta at pagtitipon ang mga mamamayan.
Maging ang tahanan nila ni Corazon ay ginawang himpilan ni Checa para sa mga lider-komunidad. Ngunit sinalakay ito ng mga awtoridad, kung saan dinakip siya kasama ang kaniyang asawa at ang organisador na si Wilfredo Apinado. Habang mabilis na nakalaya ang dalawa, tatlong buwang binuno ni Checa ang dilim ng piitan bago muling nakalasap ng laya.
Upang makaiwas sa panganib at ipagpatuloy ang pakikibaka, tumungo ang mag-asawa sa Mindanao. Doon, nakipamuhay si Checa sa mga magsasaka at katutubo, at naging guro ng hustisya at karapatang ipinagkait ng diktadura.
Subalit malagim ang naging hantungan ni Checa sa kamay ng militar. Bagaman pinalabas na nagpakamatay siya sa loob ng detention facility, ang kaniyang mga labi ang nagsabi ng katotohanan—ang mga bakas ng saksak sa kaniyang katawan ay tahasang tumaliwas sa bersyon ng mga pumatay sa kaniya.
Dugo at pawis ang inialay ng mga gaya ni Abiog at Checa, mga kritikal na Iskolar ng Bayan noon na nakipaglaban upang makamit ang malaya at ligtas na pag-aaral sa lipunan. Ngunit magpahanggang-ngayon, hindi madali ang laban ng sangkaestudyantyehan. Kaya’t malaking tulong ang pagkampi ng pinuno o presidente ng pamantasan para makamit ang kalayaan ng mga kabataan.
Pru-sidenteng kakampi ng mga estudyante
Kilala si Dr. Nemesio “Doc” Prudente sa kanyang tanyag at makabuluhang aktibismo sa loob at labas ng pamantasan. Kadalasang tawag sa kanya ng mga estudyante, kapwa guro, at kawani ay “Doc Prudente”. Marahil lagi siyang kasama sa lansangan ng mga ito pagdating sa panawagang makatutulong sa pagsasaayos ng pamantasan–na hanggang ngayon ay nananawagan pa rin sa sapat na badyet.
Sa ilalim ng kanyang panunungkulan noong 1962-1972, imbis na pigilan ang mga estudyante na makilahok sa mga kilos-protesta, ay mas iningganyo at sinuportahan pa niya ang mga ito na makiisa sa protesta. Dahil sa kanya, naging aktibo ang pamantasan noon sa mga kilos-protesta para labanan ang diktadura–malaking ambag upang isagawa ang First Quarter Storm noong 1971.
Hindi naging balakid ang katungkulan ni Doc Prudente upang manahimik dahil naging matalim ang kaniyang boses laban sa diktadurang Marcos. Dahil sa kaniyang paninindigan, paulit-ulit siyang dinakip bago pa man ang Batas Militar, hanggang sa tuluyan siyang sibakin sa puwesto bilang presidente ng pamantasan sa kasagsagan ng madilim na kabanata.
Ngunit sa kabila ng mga ito, patuloy na nagtatrabaho si Doc Prudente bilang guro at lihim na bumubuo ng isang ugnayan at sistema para labanan ang batas militar at patalsikin si Marcos Sr.
Aktibo niyang sinuportahan at nakiisa sa Kilusang para sa Demokratikong Pilipinas at kalaunan ay nagkaroon ng papel upang mabuo ang National Democratic Front of the Philippines. Nagbunga ito ng kanyang pagkakakulong ng mahigit anim na taon at nakalaya matapos ang EDSA People Power noong 1986 sa pamamagitan ng amnestiya.
Matapos nito, ipinagpatuloy pa rin ni Doc Prudente ang kanyang trabaho at muling iniluklok bilang presidente ng unibersidad na noo’y pinangalanan nang PUP.
Bagama’t natapos na ang batas militar, tuloy ang pakikibaka ni Doc Prudente. Bilang aktibista, hayagan niyang tinuligsa ang mga katiwalian ng bagong gobyerno, bagay na naging kapalit ng dalawang tangkang pagpaslang. Noong Nobyembre 1987, napatay ang kaniyang abogado sa unang pag-atake. Hindi pa lumilipas ang isang taon, noong Hunyo 1988, muli siyang tinambangan na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo niyang kasama at malulubhang sugat sa kaniya.
Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng pakikipagkasunduan ng pamantasan sa ilalim ng kaniyang pamumuno at ng Department of National Defense o ang PUP-DND accord, napangalagaan ni Doc Prudente ang mga mag-aaral mula sa hindi awtorisadong panghihimasok ng mga militar at pulis sa loob ng pamantasan na nagbibigay ng banta sa malaya at kritikal na kaisipan ng mga mag-aaral. Ngunit nabuwag ito noong Enero 19, 2022, na siyang nagbibigay-daan ngayon upang mas maramdaman ang presensya ng mga armadong awtoridad sa loob at labas ng pamantasan.
ANG PAG-ALALA AT PAGPATULOY NG LABANG MINANA
Napagtagumpayan man ng masa ang laban at naibalik ang demokrasya sa pamamagitan ng pag-aalsa noon sa EDSA, hindi pa rin tuluyang nakakamit ang tunay na kalayaan, hustisya, at demokrasya para sa bayan. Ipinagpapatuloy ng mga estudyanteng aktibista ngayon ang labang hindi pa tapos.
Sa tuwing sasapit ang komemorasyon ng 1986 EDSA People Power Revolution, iba’t ibang aktibidad at protesta ang ginagawa ng mga mag-aaral para alalahanin ang tagumpay na pinaghirapan nina Abiog, Checa at Prudente laban sa diktadurang Marcos.
At hangga’t patuloy na may inekwalidad, patuloy na magluluwal ang Sinta ng mga makabagong bayani at estudyanteng maglilingkod sa bayan. Gaya nina Roman Inigo, Nathalie Geralde, Tiffany Brillante, Gio Caballes, at Jacob Baluyot–mga Iskolar na sa kabila ng mga kaso, intimidasyon, pangbabatikos ng madla ay patuloy na tumitindig at lumalaban.
Mula noon hanggang ngayon, ang bawat kilos-protesta sa tarangkahan ng Sintang Paaralan, katabi ang Dambana ng Kabayanihan at ang Pylon, ay isang buhay na patotoo: na ang unibersidad ay hindi lamang lunan ng karunungan, kundi sinapupunang nagluluwal ng mga bayaning handang maglingkod para sa bayan.
Artikulo: Klarenz Palomer
Grapiks: Janelle Vinluan




Comments