PISTON: Oil Deregulation Law ibasura, VAT at excise tax alisin
- The Communicator
- 7 minutes ago
- 5 min read
Ipinawagan ng transport group na PISTON at mga pagmasang organisasyon na tanggalin ang Value Added Tax (VAT) at excise tax ng langis sa naganap na pagkilos noong Marso 10 at Marso 16, upang maibsan ang pasakit ng sumisipang presyo ng petrolyo dulot ng giyerang US-Israel sa Iran.

Mariin din nilang itinutulak ang pagbabasura sa Republic Act No. 8479, o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 na mas kilala bilang “Oil Deregulation Law” (ODL), na nagtatanggal sa kontrol ng gobyerno sa presyo ng petrolyo.
Sa ngayon, ipinapataw ang fixed excise tax sa mga produktong petrolyo tulad ng gasolina (₱10/liter), diesel (₱6/liter), at kerosene (₱5/liter) sa ilalim ng RA No. 10963, o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Dagdag pa ang 12% VAT, daing ng mga tsuper na umaabot ng ₱13 kada litro ang buwis na ipinapatong sa presyo ng langis. Sa pagkonsumo ng humigit-kumulang 30 litro ng diesel ng isang jeep, ₱390 na buwis ang naiaambag ng mga tsuper kada araw.
Mula 2023, ₱60.50 kada litro na ang itinaas ng diesel dahil sa mga paggalaw ng presyo ayon kay PISTON National President Mody Floranda, at ₱1,815 kada araw ang nawawala sa kita ng isang tsuper dulot nito.
Kung susumahin, ₱45,375 ito kada buwan – halagang dapat sana’y napupunta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Bagamat hindi tuluyang mapapababa ang presyo ng langis, malaking ginhawa naman sa mga tsuper, komyuter, at konsyumer ang kabawasan sa pagtanggal sa VAT at excise tax, ayon din sa grupo. Base sa kanilang komputasyon, maaaring ₱12 hanggang ₱15 ang mabawas sa pump prices kung tatanggalin ang VAT at excise tax.
Kinondena rin ng mga grupo ang “super tubo” ng mga korporasyon, kung saan agarang nagtaas-presyo ang ilang gasolinahan kahit na naiangkat sa murang halaga ang kasalukuyang stock ng langis sa bansa bago pa ang tensyon sa Middle East.
Giit nila, napasakamay ng mga korporasyon ng langis ang kapangyarihang “manipulahin” ang presyuhan matapos tanggalin ng gobyerno ang regulasyon nito sa bisa ng ODL.
Matatandaang isinabatas ang ODL upang buksan ang merkado ng langis sa mga investors at hikayatin ang pagkakaroon ng “competition,” matapos na pangunahan ng “Big Three” – o ang mga korporasyong Petron, Shell, at Caltex – ang industriya ng langis sa bansa. Kalaunan, umusbong ang ibang gasolinahan na siyang bumubuo sa 52.7% ng merkado noong 2021 base sa datos ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).
Subalit, dahil sa deregularisasyon, nawalan ng kontrol ang gobyerno at nagkaroon ng kalayaan ang mga korporasyon na magtakda ng presyo alinsunod sa Mean of Platts Singapore (MOPS), o regional benchmark price ng mga produktong petrolyo. Dahil dito, madaling naapektuhan ng mga paggalaw sa world market ang mga domestic prices ng petrolyo.
Dahil din sa kalayaang ito, naging talamak ang profiteering, kaya pinairal mula Marso 10 ang utay-utay na pagtaas ng presyo ng langis, o “staggered implementation.”
Ito ay napagkasunduang ceiling sa mga pump price ng petrolyo at lingguhang schedule kung kailan magtataas ng presyo ng Department of Energy (DOE) at mga korporasyon ng langis upang hindi mabigla ang mga konsyumer.
Nabuksan naman sa Kongreso ang usapin ng mga dapat amyendahan sa umiiral na ODL. Ayon sa ilang kongresista, pinapakumplikado ng ODL ang tugon ng gobyerno sa fuel price spikes.
“No agency in the government has the power to set a formula or parameters. It’s purely market-based,” ani DOE Undersecretary Rino Abad sa isang congressional briefing. Dagdag niya, “informal arrangements” lamang ang lingguhang price adjustments.
‘Double digits’
Nag-ugat ang pagsirit ng presyo ng langis dulot ng giyerang pinasiklab ng US-Israel sa Iran. Bilang tugon, isinara ng Iran ang Strait of Hormuz, isang kritikal na daluyan ng mga inaangkat na langis ng mga bansa sa Asya.
“Double digits” na kada litro ang itinaas ng presyo ng langis dulot ng mga tensyon sa West Asia o Middle East, kung saan inaangkat ng Pilipinas ang 95% ng krudo nito.
Ang mga surge sa mga nakalipas na linggo ay ang pinakamataas na oil price hike sa buong mundo mula 2022 nang sumiklab ang giyerang Russia-Ukraine.
Simula Marso 17 hanggang 23, magpapatupad muli ng staggered price increase ng langis, ayon sa DOE noong Lunes, Marso 16, kung saan inaasahang sisipa sa ₱100 ang presyo ng diesel at ₱90 ang gasolina sa katapusan ng linggo.
‘All-price hike’
Inanunsyo ni PISTON National President Mody Floranda noong Martes ang planong maghain ng petisyon para sa limang pisong provisional fare increase sa buong bansa sa susunod na araw.
Para kay GABRIELA Secretary General Clarisse Palce, hindi na lang oil price hike ang kinahaharap ng mga Pilipino ngayon, kundi “all-price hike.” Sa pagtaas ng gastos sa transportasyon at sa pagdaragdag ng 12% VAT sa mga bilihin, naipapasa sa konsyumer ang bigat ng mga ito.
Bumwelta ang mga grupong multisektoral sa “naratibo” ng pamahalaan na wala itong kapangyarihan sa regulasyon ng presyo at hinamon ang mamamayan na magsuri.
“Anong sinasabi ng gobyerno? ‘Wala daw silang magagawa’ kasi nasa pasya ng pribado ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin… Ipinasa nila ang Oil Deregulation Law na nagbigay ng kontrol sa mga malalaking kumpanya ng langis,” ani Palce.
Samantala, inaprubahan na ng House of Representatives (HOR) sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbibigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kapangyarihang pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo nitong Lunes.
Dagdag pa rito, magkakaroon ng roll out ng ₱5,000 subsidiya para sa 139,000 public utility drivers at operators sa National Capital Region sa susunod na linggo, kasunod ng pagtalaga ng pansamantalang ‘four-day work week’ simula Marso 9 para sa mga ilang opisina at ahensya ng pamahalaan para mapababa ang konsumo ng langis.
Pinuna naman ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), isang unyon ng mga kawani ng gobyerno, ang ‘four-day work week’ dahil mababawasan ang sweldo ng ibang kawani na “no work, no pay” o may arawang trabaho.
Mungkahi naman ng Agham Youth na dapat sikapin ng gobyernong maging “self-sufficient” sa langis gamit ang Malampaya East-1 at renewable energy.
Samantala, inanunsyo ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang pagtaas ng pamasahe sa mga pampasaherong jeep. Ayon sa kanya, magdadagdag ng ₱1 sa singil ang mga traditional jeepney at ₱2 naman sa modern jeepney. Simula Huwebes, Marso 19, itatakda sa ₱14 ang base fare sa mga traditional jeepney, habang ₱17 naman sa mga modern jeepney.
Maglulunsad ang PISTON, hanay ng mga tsuper, at iba pang pangmasang grupo ng isang transport strike at malawakang protesta sa Marso 19 bilang tugon sa oil price spikes at pagtulak sa P1,200 national minimum wage.
May ulat ni Jannine Lagbawan
Artikulo: Mary Rose Maligmat and JL Estrella Pablico
Grapiks: Kent Bicol



Comments