top of page

SUKDULANG KAPALPAKAN

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • Sep 20
  • 4 min read

Pinagbingi-bingihan at initsapwera. 


Hindi pa nagwawakas sa venue ang kabiguan ng unibersidad na mabigyan ng maayos na graduation ang mga magsisipagtapos sa buwang ito. Sa mga naunang cluster, patong-patong na kahihiyan ang huling pabaon sa kanila bilang pasasalamat sa apat na taong pagsusunog ng kilay.


ree

Inulan ng pambabatikos ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa unang araw ng graduation matapos lumutang ang mga naging pagkukulang at kapalpakan sa paghahanda ng pinakamahalagang okasyon para sa mga iskolar ng bayan. Nariyan ang red carpet na animo’y kartolina sa malayuan dahil dinikitan ng scotch tape sa kabila ng ₱4 milyon na budget, at mga naulanang magulang na hindi pinapasok sa loob ng unibersidad bagama’t unang pinangakuan ng waiting area alinsunod sa mahigpit na pagpapatupad ng ‘1 student, 1 companion’.


Mariin ding kinondena sa isang Facebook group ang naging karanasan ng isang nagtapos kung saan pinaghintay nang halos limang oras ang kaniyang naulanang PWD (person with disabilities) na ama. Samantala, pagkadismaya naman ang  bumalot sa mga nagsipagtapos sa unang araw, matapos mapagkaitan ng pagkakataon na magmartsa dahil mas binigyan pa ng spotlight ang mga admin kaysa sa mga mag-aaral. Sa taon-taong pagdaraos ng pagdiriwang na ito, maituturing pa nga ba itong pagkakamali o isang patunay ng kawalan ng malasakit para sa mga iskolar ng bayan?


Tila ghost project. Sa apat na milyong budget na inilaan ng unibersidad, malaking palaisipan kung bakit hindi dama ang nasabing pondo. Sa Facebook live ng PUP, kumikinang na animo’y huwad na dyamante ang scotch tape na ginamit upang ipangdikit sa red carpet. Nakadidismaya at nakagagalit, sapagkat paano napahintulutan ang mediocre na alokasyon at pag-oorganisa sa budget ng unibersidad para sa graduation sa taong ito? Minadali, hindi pinag-isipan, at lalong-lalong hindi inalintana ang impresyon na ibibigay nito sa mga magulang.


Manhid na administrayon at mapagpanggap na mga representante ng mga mag-aaral. Hindi na nga pinakinggan ng admin at ng mga student-leaders ang hinaing ng mga magsisipagtapos sa taong ito kaugnay sa naging venue, isinagad pa nila sa kawalan ang kapalpakang maipamamalas nila. Bago pa man ang naturang seremonya, pahirapan na ang pagkuha ng malinaw na impormasyon sapagkat sa block representatives lamang idinadaan ang mga anunsyo. Ang okasyong ito ay hindi lamang saklaw ang mga mag-aaral,  kundi pati na rin ang kanilang mga magulang na nakaantabay sa mga anunsyo. 


Taliwas din sa unang abiso na magkakaroon ng mga tent sa loob ng unibersidad upang bigyan ng masisilungan ang mga magulang na hindi makasasama sa kanilang mga anak ang nangyari. Ang mga kapalpakang ito ang naging dahilan kung bakit mayroong mga magulang ang naulanan at kinailangang tumayo nang matagal.  Nagbunga rin ng kalituhan sa drop-off at pick-up ang kawalan ng malinaw at sentralisadong anunsyo.


Sensing form, walang katapusang tugon sa walang saysay na pamumuno. Bilang damage control sa mga naging kapabayaan, tanging paglikom ng mga reklamo na lamang ang serbisyong handog ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM). Out of touch din ang kanilang mga pinuno sapagkat matapos paulanan ng hinaing kaugnay sa naging karanasan ng naunang cluster, tila kagigising pa lamang mula sa mahimbing na pagkakatulog ang naging tugon sa kanila nang imbis humingi ng paumanhin ay tinanong pa ulit sila kung ano ang nangyari. Malaking papel ang ginampanan sana ng SKM sa pagpaplano at pagsasaayos para sa okasyong ito, ngunit bilang mga performative student-leaders ay kumikilos lamang sila kapag nababatikos. Kapag tahimik na ulit? Mahihirapang hanapin sila at muling hingian ng tulong.


Sa pagtatapos na ito, mapapaisip ka, “para kanino ba talaga ang okasyong ito?” Para ba ito sa mga mag-aaral, o para lingunin at palakpakan ang admin? Hindi nagpakahirap sa loob ng apat na taon ang mga iskolar ng bayan upang bigyan ng seremonyang, ’pwede na’ o kaya ay ‘okay na’. Ito ay tagumpay ng mga mag-aaral sa tulong ng kanilang mga magulang kaya mas nararapat na sila ang palakpakan kaysa sa mga admin na wala namang ibang hatid kung hindi kabiguan at pagsasantabi. 


Sa mga iskolar ng bayan, kalampagin hanggang sa mabingi ang mga tengang pilit iwinawaksi ang ating tinig. Tutulan ang anumang hindi makaestudyanteng pagpapasya at kondenahin ang mga namumunong taliwas sa interes ng mga iskolar ng bayan ang inuuna. Makialam sa susunod na halalan sa pagluluklok ng susunod sa representante ng mga estudyante. Tandaan ang pangalan at partidong pinagmulan ng mga huwad na lingkod mag-aaral. 


Sa administrayon ng PUP, sa mga responsableng organisasyon at mga taong sana ay nagiging tinig ng mga mag-aaral, sana ay inyong pakatatandaan na imahe ng unibersidad ang nawawasak sa inyong kapalpakan. Bawat pagkukulang at bawat kapabayaan ay nauukit sa imahe ng PUP. Hindi na nakatutuwa ang pagiging #DANAS, lalong-lalo na kung ang mga paghihirap ay kaya naman sanang masolusyonan kung maayos lamang ang mga namumuno. 


May sukdulan pa pala ang kapalpakan. Hindi pala kahihiyan ang hangganan kung hindi ang tibay ng loob na patuloy pa ring tawaging “pinuno” ang sarili sa kabila ng palpak na liderato. Para saan pa nga ba ang pakikinig sa mga munting tinig, kung mga taong lumipas lamang pala ang kinakailangan upang maging ganap na manhid? Subalit hindi ang lahat ay namamanhid— ang iba ay lumilisan na bitbit ang mga pusong nagngingitngit sa galit.


Artikulo: Danielle C. Barredo

Dibuho: Kaiser Aaron Caya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page