Binasag ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Lady Radicals ang liderato ng defending champion De La Salle University Dasmarinas (DLSU-D) Lady Patriots matapos lasingin sa 15-1 run, dahilan upang pakainin ito ng alikabok palabas ng Women’s Division Semifinals, 90-75 sa 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournaments na ginanap sa PUP Gym, Sta. Mesa, Manila, Mayo 22.
“Nag-adjust kami kanina, actually kilala na namin si Eula Atienza at nag-concentrate kami in the halftime na alisin siya sa game. Nung nakita namin na naging successful siya nung third quarter, tinuloy na namin, hindi na siya naka-score ng ganoon karami ulit,” ani PUP Head Coach Arnold Rodriguez.
Nagsanib-puwersa sina Bernalyn Aragon, Andrea Cayco, at Mykalla Misahon ng Lady Radicals sa pagratsada ng sunod-sunod na tres sa pagpasok ng huling yugto, alalay ang fast break plays tandem nina Lovely Panti at Carmela Reyes, dahilan upang pagkaitan ng kapalaran ang Lady Patriots tungo sa kampeonato, 25-21, 46-42, 67-61, 90-75.
“Lahat kami umaasa sa bawat isa, hindi kami pumapayag na basta na lang susuko kasi kahit na may masakit sa amin, hangga’t kaya pa naming mai-push ‘yung sagad namin is pinipilit namin. Kahit medyo mahirap kasi champion naman ang kapalit after ng ganitong mga game,” saad ni crowd interest Johanns Blaza.
Nagpaskil si patriot captain Eula Atienza ng mga nagliliyab na two-point foul counted shot katulong si Maricel Solomon dahilan upang ungusan nang pitong puntos, 5-11, ang PUP, agad namang kinamada ni Carmela Reyes ang kalamangan ng DLSU-D sa paglalapat ng turnover play kasunod ang rumaragasang lay-up shot ni Blanza at fast break play kasabwat sina Sugar Concepcion at Misahon, 25-21.
Ngumiyaw ang Lady Patriots sa kamay ng Lady Radicals nang ito ay tuhugin ng 16-5 run kasunod ang kasadong pangangalabaw nina Aragoni at Concepcion susi sa 14-2 run, hindi na tuluyang nakahinga ang DLSU-D sa "ala hoy" na tira ni Panti sa huling isang segundo ng ikalawang yugto, 46-42.
Plakda ang inabot nina Panti at Blaza sa kalagitnaan ng ikatlong yugto, dahilan upang ipilit ng DLSU-D na dumikit sa laban gamit ang combination o junk defense play ngunit hindi nagpatinag ang PUP na agad binura ang daan sa paghahabol ng tumatakbong kalamangan, 67-61.
Dinagit na ng Lady Radicals ang pagpakanalo kontra Lady Patriots matapos umararo ng masidhing pektus ng bola at pagbayo ng full court pressure defense upang patikimin ng bumubulusok na tres kasabay ang hiyaw ng nakabibinging crowd, dahilan upang ibulsa ang tiketa tungo sa kampeonato, 90-75.
“Unang-una nagpapasalamat kami sa mabigat na suporta, kung hindi dahil sa PUPians hinding-hindi kami magkakaroon ng lakas ng loob dahil sila ‘yung isa sa mga pinaghuhugutan namin ng lakas,” pahayag ni Panti.
“Ang pinaka motivation namin is ‘yung pagkatalo namin sa CEU last time na dapat kami ‘yung panalo pero naging pabaya nu'ng time na ‘yun. Ngayon ayon ‘yung magiging motivation namin para makapunta sa championship.”
Matapos pagharian ang semifinals, magsasagupaan sa pag-angkin ng korona ang PUP Lady Radicals laban sa Centro Escolar University (CEU) Lady Scorpions para sa gintong medalya ng 29th NCRAA Basketball Tournaments - Women’s Division Finals na gaganapin sa darating na Biyernes, Mayo 26, sa PUP Gym.
Artikulo ni: Maria Minerva A. Melendres
Grapiks: Jacobsen Aquino
Comments