top of page
Writer's pictureThe Communicator

BALITA | Polysound, mga artista ng bayan, bumida sa MusiKoYan 2024

Hindi alintana ng komunidad ng PUP ang tirik na araw sa University Grandstand sa pagsabay nito sa mga himig na handog ng mga lokal na bandang tampok sa ikalawang edisyon ng MusiKoYan noong Nobyembre 8, Biyernes.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-120 anibersaryo ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), inilunsad ng PUP Polysound Band ang MusiKoYan 2024 sa temang “Selebrasyon ng Musika ng mga Iskolar ng Bayan.” 


Sa pangunguna ng mga miyembro ng Polysound, naging bahagi ng pagtatanghal ang mga talentadong iskolar ng bayan kabilang ang Simpalataya, Roxanne, mrsjones, Anonymous Platypus, ECENCO, Welcome To Florida, Sacred Red, Little Charade, at ang inabangang pagtatanghal ng Esremborak.


Samu’t saring awitin tungkol sa pag-ibig ang itinanghal ng mga kalahok na banda. Ilan pa sa mga kantang iginilas sa programa ay orihinal na likha tulad ng “du aju lasibg” ng Little Charade.


Sa gitna ng saliw ng mga makabagong tugtuging nagpatili sa mga manonood, naging mariin ang panawagan ng mga artista ng bayan sa pagtaguyod ng kanilang mga adbokasiya. 


Ilan sa mga kantang sinabayan ng mga manonood ang “Sisikat Ka Iha” ng Bita and the Botflies at “ayaw” ni syd hartha na nagsasalaysay sa noon pang mga suliraning kinahaharap ng mga kababaihan. Dumagundong ang pakikibaka laban sa diskriminasyon at karahasan ayon sa kasarian dahil sa mensaheng nakapaloob sa mga kantang ito.


Giniit ni Paula Justine De Vera, bokalista ng PUP Polysound, na ang taumbayan ang may tunay na kapangyarihan at may tungkulin bilang mamamayan na makialam at makilahok sa mga isyung panlipunan. Ibinoses ni De Vera ang panawagang pagmulat sa mga politikong may pansariling interes sa himig ng awiting “Upuan” ni Gloc-9. 


Isa pang mithiin ng PUP Polysound Band sa paglulunsad ng mga programang tulad nito ay ang maging halimbawa kung paano tratuhin nang mabuti ang mga artista sa unibersidad.


Parehong hiling naman ang inihayag ng dalawang freshman student na sina Nicole at Raiza. Nais nilang magkaroon pa ng maraming pagkakataon na magtanghal sa entablado ang mga artista ng bayan. Bilang baguhan sa kolehiyo, nagbigay ng hindi matutumbasang karanasan ang programa para sa kanila. 


“‘Yong mga local bands natin, sila talaga dapat iyong tinatangkilik natin dahil sa atin sila tumubo at uunlad pa,” ani Nicole.


Higit pa sa kanilang inaasahan ang naibigay ng programa. Sa kabila ng kanilang intensyong makikanta at makisabay sa kasiyahan, mas malaking bagay raw ang pagsuporta sa mga artista ng bayan.


Samantala, dalawang buwan ang iginugol ng organisasyon sa paghahanda para sa matagumpay na pagdaraos ng MusiKoYan, ayon kay Alistair Sumera, punong-abala sa registration. Sa loob ng mahabang panahon na ito, siniguro nilang maiiwasan ang mga aberyang tulad ng pagkaantala ng bawat yugto ng programa, bagay na kanilang naranasan bilang banda sa mga nagdaang kaganapan.


Matapos ang kauna-unahang edisyon na ginanap sa COC Theater noong nakaraang taon, mas naging engrande pa ang MusiKoYan 2024 sa mas pinalawak na venue nito sa PUP Grandstand bilang paggunita sa ika-120 taong anibersaryo ng pamantasan. Nagbigay-daan ito sa mas malaking madla na dumalo sa kasiyahan kumpara noong nakaraang taon. 


Nagpahayag naman ang PUP Polysound ng interes na gawing taunan ang proyekto upang ipagpatuloy ang nasimulang selebrasyon ng talento ng mga iskolar ng bayan.



Artikulo: Precious Shien Oppus

Grapiks: Brenan Jake Saylanon

Comments


bottom of page